Comedy King Dolphy in "very critical" condition; vital organs deteriorating

Kasalukuyang nasa kritikal na kalagayan ang Hari ng Komedya na si Dolphy, ayon sa anak nitong si Eric Quizon. Nasa Intensive Care Unit (ICU) ng Makati Medical Center si Dolphy, na napaliligiran ng kanyang mga mahal sa buhay.


Nasa kritikal na kalagayan ngayon ang tinaguriang Hari ng Komedya ng Pelikulang Pilipino na si Dolphy.

Ito ang kinumpirma ng anak ng komedyante na si Eric Quizon sa panayam dito ng iba’t ibang TV crew sa labas ng Makati Medical Center kanina, June 20.

“As of now, his vitals are stable but nagpa-fluctuate kasi, e. So, yun yung problema. Ibig sabihin, it could change any time.

“So, at the same time, yung kanyang kidney nga, ino-observe pa, mino-monitor.

"Kasi nga, hindi natin talaga alam kung bigla itong magpe-fail na lang bigla nang totally.

“Pero as of now kasi, kailangan niya ng dugo.

"So, may blood transfusion tayong ginagawa sa kanya and, at the same time, yun na nga, yung kanyang kidney talaga is medyo mahina. Apart from his lungs.

“Yung kanyang lungs talaga, talagang very, very weak.”

Ibinalik daw kay Dolphy ang ventilator machine na nagsu-supply ng oxygen dito.

Matatandaang isinugod sa Makati Medical Center nung June 9 si Dolphy dahil sa sakit nitong pneumonia. Kinabitan agad ito ng respirator dahil nahihirapan daw itong huminga.

Ikinabahala ng pamilya ni Dolphy ang sakit nitong Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD), isang kundisyon na naglilimita ng paglabas-masok ng hangin sa baga dahil sa paninikip nito.

Kahapon, June 19, ibinalita ni Eric ang bahagyang pagbuti ng kalagayan ng kanyang ama.

Anim na oras daw na tinanggalan ng respirator si Dolphy bago ito ikinabit muli kinagabihan. Sinusubukan daw kasi ng mga doktor na palakasin ang paghinga nito.

Pero kalaunan, kinailangan na ngang salinan ng dugo si Dolphy dahil sa pagbaba ng hemoglobin count nito.

Bago pa isinugod sa ospital si Dolphy, balita na ang unti-unting paghina ng kalusugan nito. Sumailalim na rin noon ng kidney at heart bypass operation.

Nalampasan niya rin nang sampung beses na pag-atake ng pneumonia mula pa noong kaarawan niya noong nakaraang taon, ayon pa kay Eric.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Samantala, ilang celebrities—gaya ng Megastar na si Sharon Cuneta at ng APO member na si Jim Paredes—ang humingi ng panalangin para sa Comedy King sa pamamagitan ng pagpu-post ng mensahe sa kanilang Twitter accounts.

Ipagdiriwang ni Dolphy ang kanyang ika-84 na kaarawan sa July 25.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN