Comedy King Dolphy dead at 83

Dolphy, 83, is dead. The report that first circulated on Twitter was confirmed by the Comedy King’s partner Zsa Zsa Padilla.

CLICK HERE to reminisce Dolphy and his Journey.


Wala na ang Hari ng Komedya.

Pumanaw na si Rodolfo Vera Quizon, Sr., o mas kilala sa screen name niyang Dolphy, sa edad na 83.

Naunang kumalat ang balita ng pagpanaw ng beteranong komedyante sa pamamagitan ng Twitter ngayong gabi, July 10, nang magsimulang mag-post ng tweets ng pagpapahayag ng pakikiramay ang mga artistang tulad nina Ruffa Gutierrez, Rufa Mae Quinto, Vice Ganda, at Jim Paredes.

Bagamat nagkaroon ng kalituhan sa pagkumpirma kung talagang pumanaw na nga si Dolphy, kinumpirma naman sa pamamagitan ng breaking news ng ABS-CBN, bandang alas-nuebe ng gabi, na sumakabilang-buhay na nga ito.

Ang kumpirmasyon ay mula raw mismo sa long-time partner ng Comedy King na si Zsa Zsa Padilla.

Ayon naman sa inilabas na official statement ng Makati Medical Center, pumanaw si Dolphy kaninang 8:34 p.m. "due to multiple organ failure secondary to complications brought about by severe pneumonia, chronic obstructive pulmonary disease, and acute renal failure."

Kasama raw ni Mang Dolphy si Zsa Zsa at ilan sa mga anak nito nang bawian ito ng buhay.

Ang anak at nagsilbing spokesperson ng pamilya Quizon na si Eric Quizon habang naka-confine si Mang Dolphy sa hospital ay kasalukuyang nasa Bataan para sa taping ng idinidirek niyang fantaserye sa TV5, ang Enchanted Garden, nang matanggap niya ang malungkot na balita tungkol sa ama.

Dagli-dagling lumuwas pabalik ng Maynila ang actor-director para damayan ang kanyang mga kamag-anak.

Ipagdiriwang sana ni Dolphy ang kanyang ika-84 na kaarawan sa July 25.

Sa Heritage Memorial Park sa Taguig City ilalagak ang mga labi ng Comedy King.

DOLPHY’S HOSPITALIZATION. Matatandaang isinugod sa Makati Medical Center nung June 9 ang veteran actor dahil sa sakit nitong pneumonia. Kinabitan agad ito ng respirator dahil nahihirapan daw itong huminga.

Ikinabahala ng pamilya ni Dolphy ang sakit nitong Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD), isang kundisyon na naglilimita ng paglalabas-masok ng hangin sa baga dahil sa paninikip nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong June 19, ibinalita ni Eric ang bahagyang pagbuti ng kalagayan ni Dolphy.

Anim na oras daw na tinanggalan ng respirator ang komedyante bago ito ikinabit muli kinagabihan. Sinusubukan daw kasi ng mga doktor ng Comedy King na palakasin ang paghinga nito.

Pero kalaunan, kinailangan na ngang salinan ng dugo si Dolphy dahil sa pagbaba ng hemoglobin count nito.

Bago pa isinugod sa ospital si Dolphy, balita na ang unti-unting paghina ng kalusugan nito. Sumailalim na rin noon ng kidney at heart bypass operation.

Nalampasan niya rin nang sampung beses na pag-atake ng pneumonia mula pa noong kaarawan niya nung nakaraang taon, ayon pa kay Eric.

Noon nga lamang Linggo, Hulyo 8, sinabi ni Eric na gusto na raw umuwi ng kanyang ama.

Pero nananatili pa raw "critical but stable" ang kundisyon ng Hari ng Komedya.

Bago siya pumanaw ay marami na ang nagsusulong upang maluklok si Dolphy bilang National Artist, isang pagkilala na ayon sa ilang eksperto ay "long overdue" na.

Pero noong 2010 ay ginawaran siya ni Pangulong Noynoy Aquino ng Grand Collar Maringal na Kuwintas, of the Order of the Golden Heart.

Iyon ay bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa show business at lalo na sa kanyang mga kawanggawa.


THE TONDO BOY. Si Dolphy—Rodolfo Vera Quizon sa tunay na buhay—ay ipinanganak noong July 25, 1928.

Ipinanganak sa P. Herrera, Tondo, Manila, sa amang mekaniko na si Melencio Espinosa Quizon at mananahing si Salud Vera-Quizon; pangalawa sa sampung magkakapatid si Dolphy.

Nagsimula ang hilig sa pelikula ni Dolphy nang magtinda siya ng mga kutkuting pagkain, tulad ng mani at butong-pakwan, sa isang sinehan sa mura niyang edad.

Ang 1936 Hollywood classic na Gone With The Wind ang unang pelikula in technicolor na napanood niya.

Noong World War II naman, sa edad na 17, ay kinuha siya ng choreographer na si Benny Mack bilang isa sa mga miyembro ng chorus dancers ng Avenue Theater.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Lumalabas na rin noon si Dolphy sa Orient Theater bilang komedyante sa stage name na Golay.

START IN MOVIES. Ang aktor na si Fernando Poe Sr., ama ng naging matalik na kaibigan ni Dolphy na si Fernando Poe Jr., ang unang nagbigay sa kanya ng break sa pelikula.

Unang pelikula ni Dolphy, sa edad na 19, ang Dugo at Bayan (I Remember Bataan) gamit ang screen name na Rodolfo Quizon.

Naging radio talent din siya noong late 1940s nang kunin siya ng radio show writer, producer, and director na si Conde Ubaldo. Sa mga show ni Conde nabuo ang comedy duo na Dolphy at Panchito.

Sa pamamagitan naman ng kapwa niya radio talent noon na si Pancho Magalona ay nakapasok ng Sampaguita Pictures si Dolphy noong 1952.

Ang Sa Isang Sulyap Mo Tita ang unang pelikula niya sa Sampaguita kasama ang magulang ni Francis Magalona na sina Pancho Magalona at Tita Duran.

Sa Sampaguita rin sumikat nang husto ang comedy duo na Dolphy and Panchito.

Matapos gampanan ang papel ng binabaeng kapatid ni Lolita Rodriguez sa Jack en Jill (1954), sumikat nang husto si Dolphy bilang solo comedy act.

Nang magtapos ang kontrata niya sa Sampaguita ay nilisan niya ito. Mistulang walang trabaho si Dolphy dahil walang gustong kumuha sa kanya.

OWN TV SHOW. Inalok siya ng may-ari ng ABS-CBN na si Eugenio "Geny" Lopez ng isang TV show, ang Buhay Artista. Nag-air ang Buhay Artista nung 1964 sa Channel 3.

Kasama ni Dolphy sa show ang dati niyang partner na si Panchito, sa direksiyon naman ni Ading Fernando.

Naging hit sa mga manonood ang "English-Tagalog Translation" segment nina Dolphy at Panchito na nauna nilang ginawa sa kanilang guesting sa Tawag ng Tanghalan noong mid-1960s.

Bukod sa Buhay Artista ay gumawa rin ng radio programs si Dolphy.

Hindi rin nagtagal ang pagiging jobless ni Dolphy sa paggawa ng pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakagawa rin ng mga proyekto sa independent movie productions ang komedyante, ’tulad ng LEA Productions, Balatbat Productions, Filipinas Productions, Zultana Productions, at ang D’Lanor Productions ng kaibigan niyang si Fernando Poe Jr.

Naging hit ang mga pelikula niya sa production company ni FPJ na Captain Barbell at Daigdig ng Fantasia, na parehong ini-release noong 1964.

Naging movie producer din si Dolphy noong 1965 nang itatag niya ang RVQ Productions.

Noong 1969 ay ipinalabas ang biggest hit ni Dolphy—Facifica Falayfay.

JOHN EN MARSHA. Noong 1971, naisip nilang gawin ng RPN-9 owner na si Kitchie Benedicto ang sitcom na John En Marsha.

Pagkatapos ideklara ang Martial Law ng presidente ng Pilipinas noon na si Ferdinand Marcos, umere noong 1973 ang John En Marsha sa RPN-9, kasama niya si Nida Blanca.

Naging hit agad ang show at tumagal ito ng 17 taon sa ere (1973-1990).

Nakagawa rin ng siyam na movie versions ng TV show mula 1974, ‘75, ‘77, ’80, ’83-86, at 1991.

Noon namang 1978, bumalik sa gay role si Dolphy nang gawin niya ang Ang Tatay Kong Nanay, kasama si Niño Muhlach, sa ilalim ng direksyon ng nirerespetong direktor na si Lino Brocka.

Nominated for Best Actor (Famas at Gawad Urian) si Dolphy habang nanalo namang Best Child Actor sa Famas Awards si Niño.

Matapos na makakuha ng mga negatibong publicity dahil sa pagtanan nila noon ng singer-actress na si Zsa Zsa Padilla sa U.S., bumalik si Dolphy sa Pilipinas at ginawa ang TV show na Home Along Da Riles (1992) sa ABS-CBN.

Tumagal sa ere ang show hanggang 2003 at nagkaroon ng dalawang movie versions noong 1993 at 1997. Nagkaroon din ito ng spin-off na Home Along Da Airport (2003) sa ABS-CBN.

COMFORT GAY. Noong 2001 naman, ginampanan ni Dolphy ang role ni Walter Dempster Jr., o mas kilala bilang Walterina Markova, sa pelikulang Markova: Comfort Gay.

Kasama ni Dolphy sa pelikulang ito ang mga anak na sina Eric at Jeffrey Quizon. Lahat sila ay nanalo ng award na Prix de la Meilleure Interpretation sa Brussels, Belgium para sa pelikulang ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakagawa ng mahigit 200 movies si Dolphy.

Huling pelikulang ginawa niya ay ang Father Jejemon noong 2010 at huling TV show niya ang Pidol’s Wonderland sa TV5.

CLICK HERE to reminisce Dolphy and his Journey.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN