Dolphy’s condition remains critical but stable; son Eric Quizon acknowledges power of prayers

Eric Quizon on latest medical bulletin of dad Dolphy: "Yung condition niya, of course, hindi pa rin siya natatanggal sa tinatawag nating critical state. Hindi pa rin siya pinaalis doon. But somehow nag-normalize ng kaunti. Mas maganda yung lagay niya today. So far, ngayon, yung oras na ito, mas maganda yung lagay niya kaysa exactly 12 hours ago. Although hindi pa rin siya talaga tinatanggal doon sa sinasabi nating critical state.”


Minsan pang pinatunayan ang kapangyarihan ng dasal dahil sa bahagyang pagbuti ng kalagayan ng Comedy King na si Dolphy.

Ayon sa anak nitong si Eric Quizon, nananatili pa ring kritikal ang kundisyon ng Hari ng Komedya bagamat umayos na ito ng kaunti.

"Iba talaga yung power ng prayers," sabi ng actor-director sa panayam sa kanya ng morning program ng GMA-7 na Unang Balita kaninang umaga, June 21.

Dagsa-dagsa kasi ngayon ang nagdarasal para sa paggaling ni Dolphy pagkatapos mabalita kahapon, June 20, na nasa kritikal na kundisyon siya.

Bukod sa pamilya Quizon, nanawagan din ang ilang celebrities at marami nating kababayan upang ipanalangin ang Hari ng Komedya.

Maging si Pangulong Noynoy Aquino ay nagpaabot din ng panalangin para sa paggaling ni Dolphy.

Dagdag ni Eric tungkol sa kalagayan ng ama, na nasa Intensive Care Unit pa rin ng Makati Medical Center, "Actually yung daddy ko, parang nag-stabilize siya.

“So yung condition niya, of course, hindi pa rin siya natatanggal sa tinatawag nating critical state. Hindi pa rin siya pinaalis doon.

“But somehow nag-normalize ng kaunti. Mas maganda yung lagay niya today.

“So far, ngayon, yung oras na ito, mas maganda yung lagay niya kaysa exactly 12 hours ago.

“Although hindi pa rin siya talaga tinatanggal doon sa sinasabi nating critical state.”

Ayon pa kay Eric, na tumatayong spokesperson para sa kanilang pamilya, nagsasalitan ang mga miyembro ng kanilang pamilya sa pagbabantay ng kanilang ama.

"Meron kaming mga shifting. Parang mga two hours, two hours.

“Pagka merong medyo inaantok or medyo nagugutom or ano, talagang nagpapalit-palitan kami."

Idinagdag din ni Eric na bagamat sinabi ng mga doktor na hindi nakakaramdam ng sakit ang Comedy King dahil sa mga gamot nito, hindi pa rin madali sa kanilang makita ang ama na nakaratay sa ICU.

"Of course, kapag nakikita natin yung mahal natin na nandoon sa isang ICU at meron mga tubes na nakadikit, siyempre nag-aalala tayo na baka may nararamdaman siya...

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang sabi ng mga doktor, wala siyang nararamdaman, but of course, he’s going through a lot.”

Nabanggit din ni Eric na ang iba pa niyang mga kapatid na nasa Amerika ay nakatakdang umuwi dito sa Pilipinas upang bisitahin ang kanilang ama.

Sabi niya, "Natawagan namin yung ibang mga kapatid namin sa Amerika.

“Yung ibang kapatid namin magsisiuwian talaga at pinipilit nila na talagang makasama pa ang aming mahal na ama.”

Sa isang interview ay sinabi ni Eric na walang itinakdang oras ang mga doktor tungkol sa kundisyon ng Comedy King, pero ayon dito, “it can happen anytime.”

MEDICAL PROCEDURE. Samantala, sa panayam naman ni Eric sa Mornings @ANC ng news channel ng ABS-CBN kanina ring umaga, sinabi nitong may iminumungkahi ang mga doktor na isang medial procedure na binabalak nilang gawin sa Comedy King.

"The doctors were actually suggesting something but I can’t say it right now. But they want to do something to him.

“They can only make sure if in the next three hours kung yung condition na ito pa din then they will probably perform that.

“I will let you know later kung ano ’yon. The doctors just want to make sure that they will be able to perform that," saad niya.

Binanggit din ni Eric na nag-stabilize na ang blood pressure ng kanyang ama at bagamat mahina pa rin ang kidneys nito, nakakaihi na raw ang Comedy King.

"His kidneys, although still very weak, somehow nagre-release ng urine, which means somehow it’s performing again…

“Although the output is very little, pero it’s good news na somehow ay nag-i-improve ang condition ng kidney niya."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN