Jennylyn Mercado on Patrick Garcia’s lesser time for their son: “Baka po busy lang siya.”

Jennylyn Mercado topbills GMA-7’s latest Afternoon Prime offering, Hindi Ka Na Mag-iisa, where she is paired with Sid Lucero and Frank Magalona.


Ngayong pumapasok na muli ang anak ni Jennylyn kay Patrick Garcia na si Alex Jazz, medyo nabago rin ang schedule ng aktres.

Kuwento ni Jennylyn sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Ang ginagawa ko, dalawa na ang driver ko.

“At saka thankful ako kasi nandiyan ang mom ko [Lydia Mercado].

“Siyempre, hindi ko naman mapagkakatiwala si Jazz sa kahit kanino lang.

“Siyempre, mas maganda yung meron kang kadugo o kapamilya rin na mag-aalaga kay Jazz.

“Masaya ako na nandiyan din kahit paano ang nanay ko para alagaan si Jazz kahit wala ako.”

Nasa toddler school pa lang si Jazz, pero marami na raw itong activities ‘tulad ng aqua therapy at speech development.

Nakausap ng PEP si Jennylyn sa presscon ng pinagbibidahan niyang afternoon soap, ang Hindi Ka Na Mag-iisa, kahapon, June 28, sa Executive Lounge ng GMA Network Center.

PATRICK GARCIA. Nang kumustahin at tanungin naman ng entertainment press kay Jennylyn si Patrick Garcia, kung tulad ng dati ay sinusundo nito ang anak nila sa school, nahalata naming tila may pagbabago base sa sagot ng aktres.

Sabi ni Jennylyn, “Baka busy po siya. Pumupunta naman po siya sa bahay every once in a while, yun po.”

Sinundan namin ito ng tanong kung hindi na ba tulad ng dati na kahit paano, tila tutok din si Patrick sa anak.

“Hindi ko po alam. Pero baka... baka busy lang siya.”

May komunikasyon ba sila ni Patrick pagdating sa kanilang anak?

“Hindi siya nagti-text sa akin. Pero sa mom ko na siya nagti-text,” sagot niya.

Bawal na ba siyang i-text ni Patrick?

“Hindi bawal, ha! Choice niya yun na kay Mama na siya nagti-text, hindi sa akin.”

Ayon kay Jennylyn, last week huling nagkasama sina Patrick at Jazz. Hindi na nga lang daw siguro kasing-dalas noong dati.

“Baka po busy lang siya,” ulit niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

LUIS MANZANO. Kailan lang ay nagkasakit at naospital ang boyfriend ni Jennylyn na si Luis Manzano.

Kumusta na si Luis?

“Okay naman po. Acid reflux lang naman.

“Hinanap lang talaga namin ang cause ng paninikip ng dibdib niya. After ng lahat ng tests, yun lang.

“Si Luis naman, sinisigurado naman niya na nakakapagpahinga siya. At yun, rest talaga yun.

“Yung taong yun, workaholic siya, pero pagdating sa rest, rest talaga siya.

“Naghahanap siya ng time para makapagpahinga.”

Sinisigurado rin daw nila ni Luis na may time sila sa isa’t isa.

“Sinisigurado namin na may date night. Na kakain kami sa labas, nood ng sine.

“At least once a week, kakain, manonood ng sine, magmu-mall,” sabi ni Jennylyn.

Kung minsan daw ay kasama nila ang anak ni Jennylyn.

Kumusta ba sina Luis at Jazz?

“Nakakatuwa kasi mahilig talaga siya [Luis] sa bata at saka makikita mo ang concern niya at love niya, makikita mo talaga,” nakangiting tugon ni Jennylyn.

Swimming time daw ang bonding nina Jazz at Luis.

HINDI KA NA MAG-IISA. Sa title ng bago niyang afternoon prime na Hindi Ka Na Mag-iisa, may pangyayari ba sa buhay ni Jennylyn na naramdaman niyang tila nag-iisa lang siya?

“Ang relationship naman kasi, hindi naman talaga madali kapag natatapos. I think, yun nga ang pinakamahirap.

“Noong mabuntis ako ‘tapos noong nandoon si Jazz, pero wala si Pat.

“Ganoon naman talaga yun, sa isang relasyon, nangyayari talaga yun. And noong time na yun, medyo na-feel ko na parang alone.

“Pero pina-feel sa akin ng family ko na hindi ako nag-iisa,” saad niya.

Yung pagdating ba ni Luis sa buhay niya ay parang timing dahil galing din siya sa breakup noon at posibleng naramdaman niyang nag-iisa siyang muli?

“Hindi, kasi noong time na yun, ano… medyo hindi naging kasing laki ng nangyari sa amin ni Pat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nandiyan si Jazz.

“Ang daming tumatakbo sa isip ko. Sobrang worried ako, kung ano ang mangyayari sa future namin.

“But iba ang situation na isa lang ang relationship talaga."

Dagdag niya, “Si Luis naman, okay naman ang timing. Parang medyo na-relax na rin ang heart ko noon.

“Medyo noong time na yun, nakaka-move on na rin ako at nakaka-get over na ’ko.

“So, yung time na yun, hindi naman kami nagmadali.

“Isang taon, halos naging magkaibigan kami bago talaga tuluyang magkaroon kami ng relasyon.”

SID LUCERO. Ang leading men ni Jennylyn sa Hindi Ka Na Mag-iisa ay sina Sid Lucero at Frank Magalona.

Si Sid ay tila nagkakaroon na rin ng image na nai-in love sa leading lady nito. Balita kasi ngayon ang pagkakamabutihan ng aktor at ng co-star niya sa Legacy na si Heart Evangelista.

“Marupok talaga ‘yan!” natatawang sabi ni Jennylyn tungkol sa kapareha.

“Kilala ko ‘yan. Mamaya lolokohin ko ‘yan kasi nagkasama na kami sa Rosario.

“Matagal na kaming magkaibigan niyan. Wala, wala kaming gagawin kung hindi mag-enjoy talaga.

“Napaka-sweet na tao niyan.

“At saka, ano talaga siya, kapag na-in love siya, ibibigay niyang talaga. Mabilis ma-fall talaga.”

Noong time na ginawa nila ang Rosario, naramdaman ba ni Jennylyn na naging “marupok” at na-in love din sa kanya si Sid?

“Wala, wala talaga," sagot ng kauna-unahang StarStruck female winner.

Paano niya nasabing “marupok” si Sid?

“Kilala ko siya at siyempre, nagkakakuwentuhan naman kami.

“At saka, magkaibigan kami niyan. Halos kilala na rin namin ang isa’t isa.”

Nag-o-open na rin ba si Sid sa kanya tungkol sa lovelife nito ngayon?

“Sa ngayon, hindi pa, hindi pa. So, wala pa kayong makukuha sa akin!” natatawang sabi ni Jennylyn.

Wala bang pressure na makatrabaho si Sid, bilang kilala rin ito isa sa pinakamahusay na aktor ngayon?

“Oo naman, isa na rin siya sa magaling na artista,” pagsang-ayon ng Kapuso actress.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sabi ko nga, matutulungan niya ako rito. Para lalo ko pang ibigay lahat.

“Siyempre, nakakahiya naman yung kaeksena ko siya, ‘tapos… so, heavy drama talaga rito.”

Nagsilbing preparasyon din daw kay Jennylyn para sa role niya sa Hindi Ka Na Mag-iisa ang pagganap niya bilang batang Rio Locsin sa primetime soap na Makapiling Kang Muli.

“Siyempre naman, kapag lumaki ako, Rio Locsin, so kailangang galingan ko talaga.

“Nakaka-pressure talaga. Sabi ko sa sarili ko, ‘Naku, si Ms. Rio Locsin ang future nito, dapat galingan ko,” pahayag ni Jennylyn.

Paano kung ang gampanan naman niyang role ay ang young Vilma Santos, ang ina ng boyfriend niyang si Luis Manzano?

“Naku, baka mas presyurin ako diyan! Iba ang pressure. Siyempre, iba rin si Ms. Vilma!” natatawang sagot niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN