Colleagues from film, television, and theater pay tribute to the late Mario O’Hara

Close friends and family members of Mario O’Hara (in photo) gathered last night, June 29, to remember his greatness as an artist and as a human being.


Nagkatipun-tipon kagabi, June 29, para sa mahalagang pagpupugay o tribute kay Mario O’Hara ang kanyang pamilya, mga kaibigan, at maraming taga-showbiz na naging bahagi ng buhay at propesyon ng yumaong manunulat, aktor, at direktor.

Pumanaw si Direk Mario noong June 26, 2012, sa San Juan de Dios Hospital sa Pasay City, sanhi ng sakit na leukemia. Siya ay 66 years old.

Ang necrological rites kay Direk Mario ay ginanap sa St. Alphonsus Maria de Ligouri Parish sa Magallanes Village, Makati City.

Dito rin dinala ang mga labi ng yumao matapos ma-cremate, ilang oras matapos siyang bawian ng buhay.

Sa unang tatlong gabi ng wake ay marami nang taga-industriya ang dumalaw upang makiramay sa pamilya O’Hara.

Kabilang ang balong ina ni Direk Mario na si Bessie O’Hara at ang kapatid ni Mario—his sisters Ellen and Lorna, brother Jerry; ang maybahay ni Jerry na si Peewee at kanilang mga anak na sina Paolo, Monique, Denise, Janice, at Heber.

Kabilang sa mga unang dumalaw kay Direk Mario, mula sa ospital hanggang sa unang tatlong gabi ng wake sina: Nonon Padilla, Frank Rivera, Laurice Guillen, Gina Alajar, Neil Ryan Sese, Mel Chionglo, Tikoy Aguiluz, Raymond Lee, ang ilang mga kasamahan sa teatro, at ang superstar na si Nora Aunor.

Kagabi ang ika-apat at huling gabi ng pag-aalaalang pampubliko sa namayapang celebrity.

Namataan uli ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang maraming taga-teatro, TV, at pelikula.

Kabilang sina Miles Kanapi, Cris Pasturan, Shamaine at Nonie Buencamino, Angeli Bayani, Nar Cabico, Soliman Cruz, Joel Saracho, Alfred Vargas, Lance Raymundo, Janvier Daily, Nico Manalo, Dan Alvaro, Gillette Sandico, Ram Galura, Chanda Romero, Jo-Ann Cabalda-Banaga, at Edgar Allan Guzman.

Mga direktor at manunulat ‘tulad nina Ellen Ongkeko-Marfil, Joel Lamangan, Soxy Topacio, Bibeth Orteza; mga kritikong sina Mario Hernando at Max Tessier; talent managers na sina Noel Ferrer at Edgar Instrella; at ilang entertainment writers.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kris Aquino, who starred in O’Hara’s The Fatima Buen Story (1994), was conspicuously absent.

Kagabi rin lang din dumating ang malaking bulaklak na mula kay Boy Abunda at sa Backroom Inc. outfit, bilang karagdagan sa marami pang bulaklak na nagmula sa mga artista, pulitiko, barangay people, at iba pang pribadong mamamayan

"Salamat sa Pagmamahal... Guy.” Ito naman ang nakasaad sa ribbon ng bulaklak (in her own handwriting) na padala ni Nora, na nasa Amerika ngayon.

In-acknowledge ang presence ni Bien Lumbera, National Artist for Literature; at namataan ding dumalo ang nahirang na National Artist for Theater na si Cecille Guidote-Alvarez.

Nasa pagdiriwang din ang producer na si Mother Lily Monteverde; at ang actress-producer na sinasabing nakaalitan ni O’Hara, si Armida Siguion-Reyna, nang gawin nila ang Mga Bilanggong Birhen (1977) para sa Metro Manila Film Festival.

"Wala na ’yon," pag-assure ni Jerry nang mabanggit ni Tita Midz ang naging away nila noon ni Direk Mario.

Sa invocation ay tinukoy ni Jerry ang mga katangian ng kapatid, bilang isang mabuting tao.

"Isa siyang pinakamamahal na tito sa kanyang mga pamangkin. Isang butihing mangangaral ng [mga aral ng] Panginoon;

"Na nanindigan sa kanyang paniniwala [bilang Jehovah’s Witness] hanggang sa huling sandali ng kanyang hininga;

"Isang masayahin at magiliw na katrabaho, para sa ilan;

"At isang alagad ng sining na patuloy na naghahanap ng katotohanan sa lahat ng kanyang mga gawa, maging bilang isang manunulat, direktor, at artista..."

NO PUBLIC VIEWING. Huling habilin ni Direk Mario ang hindi pagkakaroon ng public viewing sa kanya at iginalang naman ito ng kanyang mga mahal sa buhay.

Pero maraming kapanalig ang yumaong direktor-manunulat at aktor na nais siyang bigyang-pugay sa huling sandali.

Karamihan ay ang mga haligi ng teatro kung saang larangan naging bahagi si O’Hara sa napakahabang panahon, mula late ’60s hanggang sa kanyang kamatayan noong June 26.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinatotohanan ito ni Cecilia B. Garucho, isa sa mga founding members ng PETA (Philippine Educational Theater Association), ang theater company na unang pinaglingkuran ni Mario bilang isang mandudula noong 1969, sa pamamagitan ng dulang Donya Clara na isinalin ni Mario sa wikang Pilipino.

Ayon pa kay Ms. Garucho, naging bahagi si Mario ng labimpitong malalaking produksiyon ng PETA hanggang 2007.

"He had no ego. He was the humblest person that we knew."

Samantala, ang mga piling miyembro ng samahan ay naghanda ng choir performance na mula sa mga dulang Canuplin at Palasyo ni Valentin, ang obrang pandulaan ni O’Hara na itinanghal noong 2005.

Pinamahalaan ang mga bilang na ito nina Maribel Legarda, manunulat at direktor; at ni Bodjie Pascua, aktor-komedyante na nagsimula sa tanghalan at higit ding nakilala sa telebisyon at pelikula.

Sa showbiz, isa ring kapamilya ang turing kay Direk Mario ng mga kabahagi ng Tanghalang Pilipino sa CCP, na dito madalas mayroong partisipasyon si Mario bilang aktor o manunulat.

Katunayan ay may huling dulang isinulat si Direk Mario, ang Stage Show, isang musical play tungkol sa mga taga-teatro o bodabil stage noong 1950s.

Magsisilbi itong tribute kay Mario sa Oktubre 2012.

Nauna rito’y gumanap si Mario sa mga dulang Tatlong Mariya at American Hwangap, noong 2010, at naparangalan bilang best featured and lead actor, respectively, sa taunang Gawad Buhay Awards.

Ang direktor ng huling nabanggit na dula, si Chris Millado, isang opisyal ng CCP at Festival Director ng gaganaping Cinemalaya Filmfest, ay dumalo rin sa tribute; kasabay ng isa pang tagapamahala sa dulaan, si Nonon Padilla.

Nagbalik-tanaw si Nonon sa panahong una niyang nakilala si Mario, noo’y isa pa lamang "struggling actor" ng PETA stage.

"I met Mario when he did Bubungang Lata, then directed by Lino Brocka. That was in the early ’70s.

“Baguhan pa rin noon ang isang dilag na nagngangalang Cecilia Bulaong, ngayo’y mas kilala bilang si CB Garucho, isa sa mga founding members at opisyal ng PETA.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"She and Mario were two neophyte actors giving their all," pagbabalik-tanaw ni Nonon.

Sa sumunod nilang engkuwentro, isa na raw pangunahing aktor sa dulang Kabesang Tales si Mario.

Sa panulat ni Paul Dumol at sa direksiyon ni Orlando Nadres, ang Kabesang Tales, ayon din kay Nonon, "defined Mario as an actor.”

Dagdag niya, "He had an extraordinary vocal equipment that resonated through the whole of Rajah Sulayman... and was fit for the Greek theaters of Aeschilus, Sophocles and Euripides."

Isang katotohanan din ang naibahagi ni Nonon sa kanyang eulogy.

"TV and radio sustained him through the years, but we feel that Mario O’Hara’s real love as a creative artist was the cinema."

"UNTOLD SECRET.” Tumutukoy ito sa naging kahalagahan ni Mario bilang manunulat sa naging tagumpay rin ng isa sa mga National Artist for Film and Theater, at naging kaibigan ni Mario, na si Lino Brocka.

Dahil si Mario ang may akda ng mga Brocka masterpieces, ‘tulad ng Tinimbang Ka Ngunit Kulang (1974) at Insiang (1976), among other classic films of the era.

"He had uncompromising ways and a few demands. Such a humble soul, he never had ego problems," pagtukoy rin ni Nonon kay Direk Mario, na nagsabi ring he has "learned generosity of spirit, civility and discipline" mula sa pinagpipitaganang dramatist at actor-filmmaker.

Naihambing pa ni Nonon si Mario sa mga tulad nina Vic Silayan at Jose Mari Avellana—anak ng yumaong National Artist for Film na si Lamberto V. Avellana)—bilang mga "royal titans.”

Dahil si Direk Mario ay may dugong Amerikano, isinilang sa Zamboanga, matapos ang Second World War (on April 20, 1946), ngunit lumaki sa sa Pasay.

"He was American but pure Pinoy [at heart]," banggit din ni Nonon.

MESSAGES OF THANKS. Sa kabuuan ng mahigit dalawang oras na tribute, sa pamamagitan ng mga ibinahaging eulogies, ay tila walang katapusang pasasalamat kay Mario ang namutawi sa mga bibig ng mga napiling tagapagsalita para sa mga grupong kinabibilangan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kabilang dito ang mga aktor na naging direktor, ‘tulad nina Joel Lamangan at Soxy Topacio, who both had fond memories of Mario.

Gayundin sina Bodjie Pascua at ang isang dating karaniwang crew na naging direktor ngayon sa telebisyon (sa GMA-7), nicknamed Mang Rado.

Sa kanilang mga kuwelang pagpapahayag, naibahagi nila ang dalisay na katangian ng pagiging matulungin ni Mario, bukod sa totoong henyo ito sa kanyang mga larangan.

"He made such beautiful art out of the struggles we made," malalim na pagtukoy ni Direk Soxy.

Pero ang anekdota niya, tungkol sa pag-uusap nila noon ni Mario nang alukin niya itong gumanap sa papel ng isang binabae sa obrang Halik Ng Tarantula para sa PETA stage ay labis na ikinatuwa ng lahat.

Kuwento ni Soxy, "Sabi ko kay Mario, ’Puwede bang ikaw ang gumanap na bida, may ididirek kasi ako, e.’

"Ano yun?" tanong daw ni Mario kay Soxy, na sinagot agad niya, "Halik Ng Tarantula...”

Hindi raw agad sumagot si Direk Mario sa kausap sa telepono, sabi ni Soxy. Akala raw niya, ayaw nito o na-offend.

Pero biglang, "’P.... ka! Dream role ko ’yan!’" bulalas daw ni Mario sa naging kaibigang komedyante at direktor.

Through the years, ang pagkakaibigan nina Soxy at Mario ay hindi nawala, dahil sa kaukulang tiwala na laging ipinagkakaloob ng huli sa una.

"Thank you for trusting me," paulit-ulit na sambit ni Soxy sa mga naging pagtulong sa kanya ni Mario.

Hindi na nga lang isang comedian at character actor ngayon si Topacio, isa na rin siyang matagumpay na indie at mainstream movie director—now currently shooting Sa Iyo Ang Pritil, Sa Akin Ang Bangkusay with popular comedy tandem Jose Manalo and Wally Bayola.

Ang character actor at komedyanteng si Bodjie Pascua, higit na nakilala bilang si Kuya Bodjie ng children’s show na Batibot, ay may pag-aalaala kay Mario bilang co-actor sa entablado.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"When Mario O’Hara performed, he was a magnificent life force."

Ganito raw ang katangian ni O’Hara, na gumanap bilang Mephistopheles—kontrabida sa lead role ni Bodjie bilang title-roler, as Faust.

"He had true fearsome power, his eyes brimmed with understanding," sabi ni Bodjie.

Kung titingnan naman si Direk Mario sa set, wari’y isa lamang siyang karaniwang manggagawa na napakatahimik magtrabaho.

"Napakagaan, walang tensiyon... nakikibuhat ng sofa sa set, lahat pinakikialaman," sabi pa ng dating crew, na lubos ang pasasalamat kay Direk Mario dahil sa pamamagitan daw nito ay natupad ang pangarap niyang maging isa ring direktor.

"Pangarap ko talagang makapagsuot ng headset," kuwelang banggit pa ni Mang Rado.

"Tinupad ni Direk Mario ang pangarap ko. Kung nasaan ka ngayon, buong pamilya ko ay nagpapasalamat sa iyo. Ito na ang pagpapaalam ko sa inyo.

"Rest in peace... your splendid humanity will be missed!" makahulugang wika naman ni Bodjie.

Gayundin ang pasasalamat na mula sa ilang mga kasambahay at naging personal assitants ni Direk Mario, ‘tulad nina Alan Magbojos at Dante Balois, na laging kasa-kasama ng direktor sa set ng kanyang mga idinidirek.

At mula sa itinuring na best friend ni O’Hara, si Frank Rivera na naghandog ng isang malikhaing tula, bilang eulogy, sabi niya bilang pagtatapos: "Bukas, bukang liwayway, babangon si Mario..."

BEST UNCLE. Kung mayroon daw award para sa Best Uncle, "Nasa Hall of Fame na si Mario O’Hara!"

Ito ang magiliw na pagtuturing kay Mario ng kanyang mga naiwang pamangkin, na ang naging tagapagsalita ay ang binatilyong si Heber O’Hara.

Mahal na mahal ni Direk Mario ang mga pamangkin niya.

Katunayan daw, tuwing Pasko, ayon kay Denise, si Direk Mario ang namamahala sa Noche Buena program na may performances na gagawin ang mga ito para sa kasayahan.

"Isa siyang teacher, gabay, adviser, na lagi kaming binibigyan ng encouragement.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Universal father siya sa lahat," sabi pa ni Heber.

Bukod sa kambal na sina Denise at Janice O’Hara, na kapwa writers sa ABS-CBN shows, ang nephew ni Mario na si JR Espejo ay nabigyan ng kaukulang break, bilang music scorer, ng Ang Paglilitis Ni Andres Bonifacio; at si Janice ang co-writer ng screenplay.

Tuwing summer, nagsu-swimming daw sila noon sa Los Baños with their Tito Mario.

"Naituro niya sa akin kung paano mabuhay. Sabi niya, ’Live life to the fullest. Hindi lang kung paano lumangoy, kundi kung paano mabuhay..."

Karagdagan niyon, nagtanong si Heber: "Tito, paano ba maging mahusay na direktor?"

Ang sagot daw ni Direk Mario, bilang paghahalintulad, ay ang paglalakad, pagsakay, pagbaba, at paglakad muli sa iba’t ibang dako sa Kamaynilaan.

"Obserbahan mo ang mga taong makikita mo, at sa kanila, makakabuo ka ng mga kuwento..."

Hindi man humadlang sa formal schooling ng pamangkin, may paniniwala rin si Direk Mario ukol sa kahalagahan ng pagiging isang "estudyante ng buhay.”

Samantala, malaki rin ang pasasalamat kay Mario ni Mely Tagasa, na mas kilala noon bilang si Miss Tapia ng sitcom na Iskul Bukol.


Naging magkaibigan sina Mario at Mely simula pa noong ’60s, bilang kapwa radio talent.

It was O’Hara who was intrumental para mapasok din ni "Miss Tapia,” eventually, ang pagsusulat ng script sa telebisyon at pelikula.

"Hindi nawawala ang talent... lagi iyang nandiyan..." sabi raw ni Mario kay Mely.

"Napakagaling po niyang mag-encourage. Salamat sa Diyos at naging kaibigan ko siya."

May video presentations na pinagtulung-tulungang gawin ng mga O’Hara kins. Collage ito ng mga luma at recent photos, tracing Mario’s glorious career as an actor onstage and onscreen; and as director spanning four decades.

Partikular na memorable sa mga dumalo ang "Our Superman, Our Hero,” sa saliw ng mga paboritong awitin ni Direk Mario—“A Certain Smile” at “My Way”; at ang "The Last Curtain Call” ng 3790 Productions, na ipinakita ang excerpts ng mga pagganap ni Mario sa mga acclaimed plays ng PETA, tulad ng Belong Puti (2006), at ng Tanghalang Pilipino, ang American Hwangap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DIRECTORS’ DIRECTOR. Para kay Joel Lamangan, na nag-represent sa Directors Guild of the Philippines (DGPI), si Mario ay isang "direktor ng mga direktor... na tiningala sa atin at maging sa ibang bansa."

Madalas ngang nababanggit ang mga klasikong pelikula na tatak-Mario O’Hara, mula sa una niyang dinirek na Mortal (1976) na agad sinundan ng Tatlong Taong Walang Diyos (1976).

Hanggang sa iba pang obrang nagmarka sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino: Bakit Bughaw Ang Langit (1981), Condemned (1984), Bulaklak Sa City Jail (1984); Bagong Hari (1986), The Fatima Buen Story (1994), Babae Sa Bubungang Lata (1998), at Sisa (1999).

Ang mga commercial hits ni O’Hara, kabilang ang Kastilyong Buhangin (1980), Uhaw Sa Pag-Ibig (1983), To Mama With Love (1983); at Halimaw—“Banga” episode (1986), Tatlong Ina, Isang Anak (1987) at Takot Ako, Eh (1988), ang huling tatlong pelikulang nag-introduce sa naging child wonder of the ’80s, si Matet.

Hanggang sa mga huling dekada at taon ng kanyang buhay, markado pa rin ang mga pelikulang idinirek ni Mario: Balakyot (released in 2000 as Pangarap Ng Puso, starring Hilda Koronel and Matet); Babae Sa Breakwater (2003); at Ang Paglilitis Ni Andres Bonifacio (2010).

Sa kanyang eulogy ay ipinahiwatig ni Lamangan, hindi lang ang kadakilaan at pagiging henyo ni O’Hara bilang director, kundi ang likas nitong pagiging matulungin, ‘tulad sa kanya noon na nagsisimula pa lamang umarte sa teatro.

Naging gabay rin daw niya si Direk Mario, bilang kapwa-aktor sa Kabesang Tales ng PETA, character actor sa Bagong Hari; at nang magsimula siyang magdirek sa TV at agad na-fire out—dahil sa maeskandalong Star Ka! entertainment talk show—simple lang ang naging payo ni O’Hara kay Lamangan: "Okey lang ‘yan, marami ka pang makikita [na show]..."

Ani Joel, "Kitang-kita ko noon ang pagnanais ni Mario na makatulong sa mga baguhan.

"Nakita ko ang isang pangkaraniwang tao, na mababa ang loob... at sagad-sagad ang pagmamahal sa tao."

In later years, noong 2010, naging magkatunggali sina O’Hara at Lamangan sa Directors’ Showcase section ng 6th Cinemalaya Filmfest; para sa Paglilitis Ni Andres Bonifasio at Sigwa, respectively.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa malas, pareho silang natalo bilang best director ng annual indie filmfest.

Pero masaya si Direk Mario sa paniniwala niyang makabuluhang pelikula ang Ang Paglilitis Ni Andres Bonifacio na nagkaroon ng maraming critical acclaim.

Nang magkita raw sila ni Direk Mario, sabi raw nito kay Joel, "Ang huhusay ng mga bagong direktor, pero parang hindi sila gumagawa ng pelikula para sa mga Pilipino...’

Bagamat sinasabing naghihingalo o patay na ang industriya ng pelikula, buo pa rin ang paniniwala ukol dito ni O’Hara.

"Hindi ’yan mamamatay. Basta gumawa lang tayo nang gumawa hanggang may pagkakataon," sabi pa raw ni Mario kay Direk Joel.

"Marami siyang ibinahagi sa akin, marami akong natutunan. Pero hindi ko made-define kung paano niya ako natulungan bilang isang tao.

"Ang kanyang sining ang kanyang buhay.

"Salamat, Mario... mananatili kang nasa pedestal ng aming pang-unawa."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN