Derrick Monasterio is Barbie Forteza’s leading man in Luna Blanca

Tween star Derrick Monasterio will play the role of Kiko in the second generation of GMA-7 primetime soap Luna Blanca. Here, Derrick will be paired for the first time with Barbie Forteza.


Si Derrick Monasterio ang bagong ka-partner ng Kapuso tween queen na si Barbie Forteza sa second generation ng GMA-7 primetime series na Luna Blanca.

Naganap ang story conference ng Book 2 ng Luna Blanca noong July 3 sa GMA Network Center, at doon nga na-reveal na si Derrick ang gaganap na Kiko at makakapareha ni Blanca (played by Barbie).

Kasama rin sa serye si Kristoffer Martin, na gaganap naman bilang si Joaquin—ang binatang magugustuhan ni Luna na gagampanan ni Bea Binene.

Natutuwa si Derrick dahil muli siyang nabigyan ng bagong proyekto pagkatapos sabay magwakas ng dalawang shows na kinabilangan niya—ang Alice Bungingis and Her Wonder Walis at Reel Love Presents Tween Hearts.

Hindi raw alam ni Derrick na kay Barbie siya ipaparehas. Inakala kasi ng marami na kay Bea siya ipapareha.

Sabi ng teen star, “First time po naming magtambal ni Barbie kaya okey sa akin. Ilan na rin ang naging partner ko, pero walang permanent, e.

“Ako po ang unang pinartner kay Louise delos Reyes sa Tween Hearts, pero ngayon na kay Alden Richards na siya.

“’Tapos si Kylie Padilla, pinartner din sa akin sa Dwarfina at Tween Hearts, ngayon iba-iba na rin napares sa kanya after.

“Si Kim Komatsu, naging partners kami sa Sinner Or Saint na napunta naman siya kay Hiro Magalona.

“At si Bea Binene naman, naka-love triangle ko with Jake Vargas sa Tween Hearts at sa Alice Bungisngis.

“Wala siguro silang makitang permanent na partner ko kaya paiba-iba ang partners ko sa TV.

“Okey lang, kasi para sa akin, the more the merrier. Basta trabaho, gawin natin ‘yan.”

LUNA BLANCA. Sa second generation ng Luna Blanca ay mapapadpad sila Luna at Blanca kasama ang kanilang inang si Rowena (played by Camille Prats) sa Payatas para doon na manirahan at magtago. Magiging kaibigan nina Luna at Blanca si Kiko na isa sa mga bata sa Payatas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Magkakahiwalay muli sina Luna at Blanca nang magkaroon ng pagguho ng mga basura sa Payatas. Maiiwan si Blanca kay Rowena habang mawawala naman si Luna.

Sabay na lalaki sina Blanca at Kiko, pero hindi sila titigil sa paghanap kay Luna.

Magiging parte si Kiko ng isang akyat-bahay gang at ang pagnanakaw ang naging paraan niya para mabuhay sila ng kanyang ina.

Ayon kay Derrick, “Noong binasa ko nga po ang character ko, ibang-iba siya sa mga nagawa ko na.

“This time, laki ako sa Payatas, nagkakalkal ng basura ‘tapos naging magnanakaw.

“Big challenge ito para sa akin kaya medyo kinabahan ako. Kailangan ng matinding preparation para sa akin.

“Nasanay ako sa simpleng roles lang unlike dito sa Luna Blanca, kailangan maangas ako.

“’Tapos may mga iyakan pang mga eksena. E, hindi ko pa kasi naranasan na magkaroon ng mga crying scenes talaga.

“Ako pa naman, palabiro akong tao, hindi mo ako makikitang malungkot. ‘Tapos biglang may mga mabibigay na eksena.

“Kaya nasabi ko sa sarili ko, ‘Patay, paano ko ba gagawin ito?’ E, hindi ako marunong umiyak nang tama!” sabay tawa niya.

Dagdag ng binata, “Siyempre, ayoko namang mapahiya kapag nagsimula.

“Magkakaroon naman kami ng acting workshop para dito para handang-handa kami sa mga eksena sa bagong kuwento ng Luna Blanca.”

PAIRING WITH BARBIE. Dahil si Barbie na ang ka-partner niya, nagkausap na ba sila ng original partner nitong si Joshua Dionisio?

Sagot ni Derrick, “Hindi pa kami nagkikita ni Josh. Pero nag-text naman ako sa kanya saying na ako pala partner ni Barbs sa Luna Blanca.

“Sumagot naman siya na okey daw ’yon. Basta alagaan ko lang daw si Barbie.

“Wala namang magiging problema sa amin ni Josh kasi magkaibigan kami at matagal kaming nagkatrabaho sa Tween Hearts. May tiwala naman siya sa akin.

“’Tulad sa amin ni Jake, walang naging problema noong gawan kami ng story sa Tween Hearts ni Bea. Trabaho lang naman lahat.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi kaya biglang dumating ang pagkakataon na ligawan naman niya si Barbie?

“Gano’n? Lahat na lang sila talaga niligawan ko?” sabay tawa ng Kapuso young actor.

“Sinabi ko nga na tama na muna ang panliligaw. Kailangan ko nang mag-concentrate sa career natin.

“Pinagsabihan na ako ng mommy ko [Tina Monasterio]. Wala naman daw masama kung manligaw ako, basta hindi ko naisasakripisyo ang ibang bagay ’tulad ng career ko.

“Tama naman siya. Habang nandito pa ang lahat ng blessings, I should take my work seriously.

“Bata pa naman daw ako at marami pang time para sa pagkakaroon ng girlfriend.”

MOST BEAUTIFUL. Isa si Derrick sa Kapuso tween stars na nakapasok sa Breakthrough category ng YES! 100 Most Beautiful Stars of 2012.

Nakasama ni Derrick sa kategoryang ito sina Barbie Forteza, Joshua Dionisio, Kylie Padilla, Bea Binene, Kristoffer Martin, Joyce Ching, at Jake Vargas.

Ginanap ang naturang launch last July 2 sa Richmonde Hotel sa Eastwood City, Libis, Quezon City.

Saad ni Derrick, “Siyempre happy po ako kasi first time kong mapasama sa Most Beautiful Stars.

“Iba pala ang feeling kapag kasama ka sa pinagpilian nila. Parang special ka, di ba?

“Pinakamasaya po ang mommy ko kasi bibili daw siya ng maraming kopya ng magazine para ibigay niya sa mga fans na sumusuporta sa akin.

“Kaya salamat sa YES! Magazine at sana po ay tuluy-tuloy ang suporta nila sa aming mga tweens at sa mga projects na gagawin pa namin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN