Manila Vice Mayor Isko Moreno on rift with Mayor Alfredo Lim: “Medyo hindi masyadong type ni Mayor na napupuna siya."

Isko Moreno explains why he cannot make an alliance with Mayor Alfredo Lim: “Ang nagbigay po sa akin ng break ay si Danny Lacuna. Noong nakaraang halalan, hindi po kami [Lim] magkapartido.”


Humupa na ang tensiyon sa pagitan nina Manila Mayor Alfredo Lim at Vice Mayor Isko Moreno.

Matatandaang ipina-blotter ni Isko at ilang councilors ng Maynila si Mayor Lim dahil umano sa pagbabanta ng huli sa kanilang buhay.

(CLICK HERE to read related story.)

Nagsalita na si Manila Mayor Lim at sinabi nitong wala sa intensiyon niya ang saktan ang kahit sino. Isa lamang daw itong statement na walang tinutumbok na meron siyang gustong patayin o saktan.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Isko matapos ang live guest appearance niya sa Paparazzi sa TV5 Broadway studio noong Sabado, Hulyo 7, kinupirma niyang kalmado na ang magkabilang panig.

“Wala naman yun, political lang yun. There are political issues on both camps. Walang patungkol sa showbiz industry,” pahayag ni Isko.

Ang ibig bang sabihin nito, tapos na ang isyu sa kanila ni Mayor Lim?

“Well, as much as possible, ayaw ko siyang masyadong pagsasagutin.

“Dangan kasi, sa akin lang, yung mga issue ay base lang sa mga nangyayari.

“’Tulad ng pagiging huli na ng Maynila ayon sa pag-aaral ng DILG; na ang Maynila sa buong Pilipinas, out of 38, e, number 36.

“At ang Maynila sa buong Metro Manila, ay number 15 out of 16,” saad ng dating aktor.

Ayon kay Isko, ang pagiging kulelat ng Maynila ay nangyari sa termino ni Mayor Lim dahil ginawa ang pag-aaral ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong 2010.

HOW IT BEGAN. Kailan ba nagsimula ang hindi nila pagkakaunawaan ni Mayor Lim?

“Ano lang naman ‘yan kapag minsan may napupuna ka. Medyo hindi masyadong type ni Mayor na napupuna siya.

“Napupuna lang naman siya dahil marami ng tao ang nakakapansin sa Lungsod ng Maynila na napag-iiwanan na nga,” sabi ni Isko.

Sa pagkakaalam ng marami, noong panahon pa lang ng eleksyon ay hindi na sila okey ni Mayor Lim. Para bang mabigat na ang loob nila sa isa’t isa?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi naman," sagot ng actor turned politician.

"Ako naman ay nakikipagtulungan tanda ng paggalang ko sa kanya bilang alkalde at nahalal bilang alkalde.

“Hindi naman sa hindi magandang samahan.

"Nagsimula lang naman yung pagbatikos niya sa akin. At saka yung mga bagay na sinasabi nila sa akin na ako ay sumama kay dating Pangulong Erap [Joseph Estrada].

“Doon lang naman nagsimula ang lahat.”

May iba pa ring issues patungkol kay Mayor Lim, ayon rin kay Isko.

“Well, may mga issues na kailangang sagutin niya.

"Pero as much as possible, ipinauubaya namin sa kanya ang pagpapatakbo ng munisipyo. Siyempre, siya ang ating alkalde.

“Pero kaming lahat ay mananagot sa taong-bayan kapag ang siyudad na pinamumunuan namin ay talagang walang nangyayari.

“So, malaking bagay yun sa katayuan o estado ng isang tao sa Manila.”


Para sa mas malinaw na pagpapaliwanag ni Isko, dinetalye niya kung paano nagsimula ang isyu sa kanilang dalawa ni Mayor Lim.

“Kasi nga, marami na kaming pagpuna. Yung hindi nakokolekta na buwis. Saan napupunta yun? Bakit hindi nakokolekta yun?

“Pinupuna lang naman to get attention para yung pag-amin sa problema ay isang paraan para mabigyan ng solusyon yung problema.

“Ngunit kung patuloy itong itatanggi, wala talagang mangyayaring maganda para sa siyudad."

TANDEM WITH ERAP. Nagpaliwanag din si Isko kung bakit siya nakipag-tandem kay dating Pangulong Joseph Estrada sa susunod na eleksyon.

Tatakbong mayor si Erap samantalang si Isko naman ay tatakbong muli bilang vice mayor.

Aniya, “’Tapos yung pagsama ko kay dating Presidente Erap, karapatan ko yun.

“Katulad ng isang botante, maaaring iboto mo siya no’ng nakaraan, pero maaring iboboto mo siya sa susunod na eleksyon. Or vice versa.

“Yung sa amin ni Erap… as you can see on national television, e, what you saw sa mga previous interviews ni President Erap, he’s really showing interest to lead the city.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“And me, being one of the members of the Puwersa ng Masang Pilipino and their UNA [United National Alliance], malamang na kami na ang magka-tandem.

“At tuloy na tuloy na si President Erap sa Maynila," banggit pa niya.


WORSENING SITUATION. Bakit lumala yung away nila ni Mayor Lim at dumating pa sa punto ng may pagbabanta at pagpapa-blotter?

Sagot ni Isko, “E, wala naman akong magagawa. Alam mo, hindi mo mapipigilan ang tao na mag-isip ng masama laban sa kapwa niya, e. Karapatan niya yun.

"Basta kami, trabaho lang muna kami.

“Nagtatrabaho lang kami at yung desisyong political ay ginagawa yun bilang paghahanda para sa parating na halalan.”

May paratang na walang utang na loob si Isko, sa halip na pumanig kay Mayor Lim ay pumanig daw ito kay President Erap. Ano ang reaksiyon niya rito?

“Unang-una, si Danny Lacuna ang mayor ko nung tumakbo ako no’ng 2007. Huwag po ninyong kakalimutan yun.

“Ang nagbigay po sa akin ng break ay si Danny Lacuna. Noong nakaraang halalan, hindi po kami [Lim] magka-partido.

“Nagsama lang po kami ng local coalition kung tawagin sa pulitika.

“Ano bang utang na loob? Paano pa ba nating mai-descibe ito?

“Kailangan ba na ang isang tao, dahil sa political convenience niya, tatanawan ng utang na loob ang isang pulitiko?

“O, dapat ang taumbayan ang pagtatanawan ng utang na loob ng bawat pulitiko?

“Hindi ako sa kanya, ever since," diin ng bise-alkalde ng Maynila.


POLITICAL AMBITION. Nilinaw ni Isko ang usap-usapang nagbigay-daan daw siya kay President Erap para sa mayoralty seat sa Manila.

Aniya, hindi raw kailanman siya nag-announce na tatakbo siya sa pagka-mayor.

“Hindi naman. It was never my intention to run for mayorship this coming election.

“Hindi ako tatakbong mayor, kakandidato akong vice mayor.

"Yun nga ang maiisip ninyo, e.

"Eto ang magandang tanong: Bakit iisipin ko pang sumama kay President Erap, na kung sakaling manalo siya, may-awa ang Diyos, ay may first term pa lang, samantalang ako last term na?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Unlike kung kay Lim ako sasama, mananahimik na lang ako at magkikibit-balikat ako kung ano ang nangyayari sa Maynila… by 2016, wala na si Mayor, puwede na ako?

“Bakit isinugal ko yung sarili ko, yung kinabukasan ko sa pamumuno ng ibang tao?

“Sa kadahilan na ang katotohanan, na ang Maynila ay napag-iiwanan na.

“So, kung sarili ko lang ang iisipin ko, I would rather stick with Mayor Lim.

“Pero hindi, e, isinasantabi ko ang sarili ko.

“Kasi I believe all public servants should set aside their interest for the interest of our people,” paliwanag niya.

Sinabi rin ni Isko na wala na raw death threats sa kanya, pero patuloy pa rin siyang nag-iingat para sa kanyang kasiguraduhan at kaligtasan.

Kung bibigyan din ng pagkakataon, gusto ni Isko na balikan ang pag-aartista dahil nami-miss raw niya ang buhay showbiz.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN