Dennis Trillo on doing indie films: “Kapag nakakagawa ka ng indie, napu-fulfill yung mga frustrations mo bilang isang artista."

Dennis Trillo on being considered as one of the best actors in his generation: “Well, siyempre nakakaano pa rin yun… iba pa rin siyempre ang dating no’n every time na naririnig ko… Siguro ano, siguro bawat project din naman, pinaghahandaan ko rin naman. Hindi naman ako pupunta sa set na hindi ako prepared o wala akong dalang armas para sa giyera. So, natutuwa lang ako na napapansin ang mga pinaghihirapan kong trabaho.”


Si Dennis Trillo ang bida ng indie film na Ang Katiwala, isa sa mga entry sa New Breed category ng Cinemalaya Independent Film Festival ngayong taon.

Ito ang ikalawang indie film ni Dennis; ang una niyang ginawa ay ang Astig na naging entry rin sa Cinemalaya noong 2009.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dennis kahapon, July 11, sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Ayon sa aktor, malaki ang kaibahan ng karakter niya ngayon sa Ang Katiwala at sa Astig noon.

“Malaki po ang pagkakaiba, mga Tondo boys kami do’n [Astig]. So, malayung-malayo. Doon, puro angst, puro galit, puro mura.

“Ngayon naman dito sa Ang Katiwala, quiet, very subtle, very calm, pero merong mga series of events na makakapagpabago do’n sa mood na yun na magugulat ka na lang.

“Aside sa very technical din. Yung grupo ng gumawa, especially yung cinematographer namin, marami nang hinakot na awards yun—si Carlo Mendoza.”

Si Carlo ang cinematographer ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story (2011) na nanalo ng maraming awards sa iba’t ibang award-giving bodies.

INDIE ACTOR. Itinuturing na mainstream actor si Dennis, pero hindi ito naging hadlang upang gumawa siya ng indie films.

Paliwanag niya, “Siyempre, kapag mainstream, meron na rin formula na palaging ginagamit. Eksena na palaging ginagamit, mga artista na palaging ginagamit.

“Pero dito sa indie, nakakapag-experiment kami ng mga bago. Out of the box…

“At marami kang nakakatrabaho na, hindi mo alam, may ganito palang klase ng artista na magaling, na hindi mo nakilala noong mainstream lang ang ginagawa mo.

“Kumbaga, napakaraming puwedeng gawin sa indie na hindi puwedeng gawin sa mainstream.”

Mas nandoon ba ang challenge sa indie films?

“Siguro ang maganda lang kasi kapag nakakagawa ka ng indie, napu-fulfill yung mga frustrations mo bilang isang artista.

“Minsan, naghihintay ka sa mainstream na makakuha ng magandang role, pero nakakadismaya na pare-pareho ang nakukuha mo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Dito sa indie, nakakatuwa na paminsan-minsan, may dumarating na script na, ‘Parang ang sarap gawin nito. Hindi pa ako nakakagawa ng ganito.’

“Yun ang maganda sa indie,” saad ng Kapuso actor.

Matagal na rin daw niyang nakakatrabaho ang direktor ng Ang Katiwala na si Aloy Adlawan. Madalas bilang scriptwriter, pero ngayon lang daw ang unang pagkakataon na naging direktor niya ito.

Sabi ni Dennis, “Nakakatuwa lalo na sa isang direktor na sabihing isinulat niya ang script para sa ‘yo. Na noong isinulat niya ang script, ako ang nasa isip niya.

“Kumbaga, kahit hindi mo pa nababasa ang script, parang inspired ka na agad na magtrabaho.

“So, noong nabasa ko ang script, talaga naman.”

NOT A HORROR FILM. Kuwento pa rin ni Dennis tungkol sa Ang Katiwala, alam daw niyang iniisip ng karamihan na horror ang tema nito.

Aniya, “Akala nila, horror. Very misleading siya.

“Pero kapag pinanood mo siya, iisipin mo, ‘Uy, may konting historical pala ang pelikulang ito.’

“At some point, may unfortunate event na mangyayari na talagang magbabago do’n sa mood ng pelikula.”

Kasama rin sa Ang Katiwala ang beteranong aktor na si Ronnie Lazaro.

Kahit paano ba ay may expectation sa kanya na posibleng manalo siya ng award sa Cinemalaya?

Ani Dennis, “Hindi, hindi… mas umaasa ako na makahakot ito ng technical award. Since ang aming cinematographer nga ay nanggaling din sa mga award-winning films, iniisip ko na yun.”

ONE OF THE BEST ACTORS. Sa hanay ng mga batang aktor ngayon, isa si Dennis sa kinukunsiderang pinakamahusay.

Kapag naririnig niya ang ganitong papuri, ano ang nararamdaman niya?

“Well, siyempre nakakaano pa rin yun… iba pa rin siyempre ang dating no’n every time na naririnig ko.

“Pero ano ba… siguro ano, siguro bawat project din naman, pinaghahandaan ko rin naman.

“Hindi naman ako pupunta sa set na hindi ako prepared o wala akong dalang armas para sa giyera.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, natutuwa lang ako na napapansin ang mga pinaghihirapan kong trabaho.”

Aminado si Dennis na may pressure na kaakibat ang ganoong pagkakakilala sa kanya bilang aktor.

Sabi niya, “Siyempre, may pressure.

"Kasi kapag may gagawin kang bago, baka sabihin nila, medyo lumaylay siya diyan kesa sa huli niyang ginawa.

“Kailangan… katulad nito, galing ako sa Boy Pick-Up, very strong character. Kailangan mapantayan ko yun dito sa pelikulang ito na yung character ko, wala namang angst.

“Kailangan ma-maintain ko yung ganoong impression nila sa akin.”

ANOTHER INDIE FILM. Pagkatapos ng Ang Katiwala, may isa pang indie film na gagawin si Dennis, ang Sapi, sa ilalim naman ng direksiyon ni Direk Brillante Mendoza.

Kakaiba rin ang tema ng naturang pelikula at ngayon pa nga lang daw ay kinakabahan na ang Kapuso actor.

“Tungkol sa exorcism ang movie. Grupo kami ng filmmaker.

“Pero ang gusto ni Direk, aarte kami, isu-shoot namin yung actual na may napo-possess na exorcism.

“So, nakakatakot siya kaya dapat, spiritually, okay ka rin,” sabi niya.

Handa ba siya sa naturang pelikula?

“Kinakabahan. Kasi kung mahina-hina ka spiritually, baka ikaw ang sapian o baka sumama sa ‘yo.

“Pero sabi naman ni Direk, bago kami tumahak doon, magsisimba kami, may blessing.”

Naka-on-call nga raw sila sa isang linggo na kapag may sinapian ay pupunta na sila.

Sa isang banda, excited si Dennis dahil sa unang pagkakataon ay maidi-direk na raw siya ni Brillante Mendoza, na isang Cannes-winning director.

Kaya kahit nandoon ang takot niya sa tema ng pelikula, tinanggap pa rin niya ang pelikulang ito.

“Siyempre, Brillante Mendoza ‘yan, gusto ko rin makatrabaho.

“Gusto ko rin makasama sa filmography niya, na nakatrabaho ko ang isang director na tinalo niya ang mga ibang director sa Cannes.

“So, gusto kong ma-experience yun.

“Although noong nalaman ko na ganito [tema ng pelikula], natakot din yata ako!” natatawa niyang sabi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa mainstream naman, sisimulan na rin ni Dennis ang Shake Rattle & Rolll 14 kunsaan si Chito Roño ang direktor niya. “Lost Command” daw ang titulo ng episode nila.

DIREK DENNIS? Eventually, gusto rin daw subukan ni Dennis na magdirek.

Ayon sa kanya, “Gusto ko rin gumawa ng horror. Dati kasi, matatakutin ako dahil mapaglaro ang aking imahinasyon.”

Kung sakali, sino ang napipisil niyang idirek?

“Siguro sa veterans, since nakatrabaho ko si Kuya Ronnie Lazaro, gusto ko siya at makita sa isang grabeng horror.”

Kung may ididirek naman kaya siya sa mga naging ex-girlfriends niya, sino kaya sa mga ito?

“Naku, siguro ‘wag na lang muna do’n! Baka mahirap. Hindi mo masabi, magkailangan. So, hindi na lang siguro!” natatawang sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN