Former sexy comedienne Janice Jurado says she owes her showbiz career and life to Dolphy

Janice Jurado on Dolphy: "Utang ko sa kanya ang buhay ko ngayon. Kung hindi dahil sa kanya, wala na siguro ako ngayon. Kaya maraming salamat, Tito Dolphy. Dinugtungan mo ang buhay ko. Hindi kayo nagdamot sa akin sa oras ng pangangailangan ko."


Malaki ang tinatawan na utang na loob ng dating sexy TV and film comedienne na si Janice Jurado sa Comedy King na si Dolphy.

Lalo na noong nagsimula siyang mag-artista via the hit sitcom Duplex ng RPN-9 noong 1982 bilang ang sexy pero tangang katulong na si Liweng.

Si Dolphy at ang yumao na ring kaibigan nitong director at comedian na si Ading Fernando ang nagpasok kay Janice sa naturang sitcom.

Dahil nga sa sobrang laki ng boobs ni Janice, ginawan na lang nila ito ng character para wala raw malisya na makita ang mga manonood dito.

Kuwento ni Janice sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Nagdadalawang-isip noon si Mang Ading na ilagay ako sa Duplex kasi nga masyado ngang malaki ang mga dibdib ko. Baka raw ma-censor yung show.

“Si Tito Dolphy ang nagsabi na gawin na lang daw tanga ang character ko, at least daw matatawa raw ang makakapanood sa akin at hindi ako pag-iisipan ng kung anu-ano.

“Bigyan na lang daw ako ng mga nakakatawang mga dialogues para doon matuon ang atensiyon ng mga tao kesa sa mga dibdib ko.”

Nakapanayam ng PEP si Janice pagkatapos ng kanyang guest appearance sa News-To-Go ng GMA News TV kahapon, July 11.

Dahil nga sa sitcom na Duplex ay naging household name na si Janice.

Nagkasunud-sunod ang mga offers niyang lumabas sa mga pelikula ’tulad ng Atsay Killer with Eddie Garcia, Baril At Balisong with Jun Aristorenas, Umpisahan Mo... Tatapusin Ko with Fernando Poe, Jr., at Karibal Ko Ang Aking Ina with Mark Gil.

Sa TV naman ay naging mainstay siya sa Eh, Kasi Babae noong 1987 at naging host siya sa showbiz talk show na Rumors Facts & Humor noon ding 1987.

MOVIE WITH DOLPHY. Kuwento pa ni Janice, “Nagkasama kami ni Tito Dolphy sa pelikulang My Juan En Only noong 1982.

"Doon na kami naging malapit na talaga dahil almost every day ang shooting namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Marami siyang naging payo sa akin. Tinuruan niya akong maging effective na komedyante sa TV, pelikula, at sa entablado.

"Huwag daw akong maging offensive sa audience, kailangan gawin ko ring katatawanan ang sarili ko.

“Tama naman si Tito Dolphy dahil napapanood ko kung paano siya makipag-interact sa audience niya, wala siyang tina-target na pagtawanan kundi ang sarili niya.

“Kaya hinding-hindi ko makakalimutan lahat ng mga payo niya sa akin."

BREAST CANCER. Nang magkaroon ng breast cancer si Janice noong 2004 at kailangan niyang maoperahan, nilapitan daw niya agad si Dolphy at hindi naman ito nagdamot ng tulong sa kanya.

Umabot na nga raw kasi sa Stage 4 ang sakit niyang cancer.

“Si Tito Dolphy lang ang alam ko kung saan pupuntahan. Doon lang siya nagte-taping sa ABS-CBN ng Home Along Da Riles.

“Nahihiya ako noong una pero wala na akong choice. Kailangan ko nang maoperahan at wala akong perang pang-opera.

“Noong sinabi nga ng assistant niya na nasa studio ako, pinatawag ako ni Tito Dolphy.

"May mga dala akong mga papeles—mga medical certificates para patunay na kailangan akong operahan.

“Hindi niya tiningnan ang mga iyon, tinanong lang niya ako kung ano ang kailangan ko.

“Noong sinabi ko na kailangan akong maoperahan, mabilis siyang nag-issue ng tseke at ibinigay niya sa akin.

“Nabanggit lang niya ay ‘Totoo ito, ha? Ayoko ng niloloko ako.’

“Sabay sinasabihan niya ako na mag-ingat ako at sana’y nakatulong sa akin ang bigay niya.

“Biniro pa nga niya ako, e. Sabi niya, ‘E, di mawawala na ang mga ‘yan?’ sabay tinuro niya ang mga dibdib ko.

"’Tapos nagtawanan kaming dalawa,” pag-alala ni Janice.

Hindi lang isa kundi ilang beses daw nagbigay ng tulong si Dolphy kay Janice. Hindi lang para sa kanyang operasyon kundi pati na sa pambayad din ng inuupahan niyang apartment.

“Minsan, pumunta lang ako sa studio. Gusto ko lang magpasalamat at may dala akong mga prutas para sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Alam ko ba busy siya sa taping, pero gusto ko lang mag-thank you talaga. Ang lumabas ay ang ang assistant niya at may iaabot sa akin na pera galing daw kay Tito Dolphy.

“Minsan naman bigla niya akong papatawagan at papapuntahin ako sa restaurant kunsaan sila kumakain. Isasama niya ako ’tapos pagkatapos ay bibigyan pa niya ako ng pera.

“Siyempre, nahihiya na ako sa kanya. Pero sasabihin lang niya sa akin, ‘Kung wala kang pera, tanggapin mo ito.’

"E, sa totoo lang, wala nga akong pera kaya tatanggapin ko.

“Kaya malaki ang naitulong sa akin ni Tito Dolphy sa buhay ko. Hindi ako gagaling kung hindi dahil sa mga tulong niya.”

LAST TIME. Panghihinayang lang ni Janice ay hindi niya nakita at nakapagpasalamat kay Mang Dolphy sa kahuli-hulihang pagkakataon.

Sabi niya, “Lagi akong nasa labas ng Makati Medical Center. Mahigpit ang security at hindi ka basta makakapasok. Hanggang sa malaman kong pumanaw na si Tito Dolphy.

“Sana lang nga ay nagawa kong magpasalamat sa kanya nang personal.

“Yung mahawakan ko man lang ang kamay ni Tito Dolphy at magpasalamat ako sa kanya nang buong-puso.

"Hindi ko nagawa iyon para sa kanya sa kahuli-hulihang sandali,” maluha-luhang saad niya.

Kaya noong madala na sa Heritage Park sa Taguig ang mga labi ng Comedy King, isa si Janice sa mga naunang pumunta roon para masilayan sa huling pagkakataon ang taong sumagip sa kanyang buhay noong siya ay nangangailangan.

Ani Janice, “Gusto kong makita at magpasalamat kay Tito Dolphy.

"Utang ko sa kanya ang buhay ko ngayon. Kung hindi dahil sa kanya, wala na siguro ako ngayon.

“Kaya maraming salamat, Tito Dolphy. Dinugtungan mo ang buhay ko. Hindi kayo nagdamot sa akin sa oras ng pangangailangan ko.

“Alam kong masaya na kayo saan ka man naroroon. Magkasama na kayo nila Direk Ading [Fernando] at ng iba pang mga kaibigan ninyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Habang buhay kong hindi makakalimutan ang ginawa n’yo para sa akin,” pahayag ni Janice.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN