Maricel Soriano and Dolphy’s children pay tribute to the Comedy King; Dolphy Jr. reconciles with Zsa Zsa Padilla

(Main) Dolphy’s real and reel children Nicole Quizon, Maricel Soriano, Marikit Quizon, Dolphy Jr, and Eric Quizon gave their eulogies at their father’s wake last night, July 12. (Insets) Dolphy Jr. gives Zsa Zsa Padilla a hug after apologizing to her for their misunderstanding; Maricel was Dolphy’s daughter in the sitcom John En Marsha.


Si Maricel Soriano ang huling nagsalita sa necrological rites para kay Dolphy kagabi, July 12, sa Heritage Park Chapels—bilang "extension ng family namin," ayon kay Eric Quizon.

Sa huling bahagi ng eulogy services, ilang representatives ng Quizon family ang tumayo upang magbigay-pugay sa yumaong Comedy King.

Si Eric ang nag-introduce sa bawat "representative" ng malaking pamilya ni Mang Dolphy.

Sa unang pamilya, si Dolphy, Jr.; sumunod si Marikit Quizon; sinundan ni Nicole Quizon (ang adopted daughter nina Dolphy at Zsa Zsa Padilla); at panghuli si Maricel.

Hindi man totoong kadugo o tunay na anak ni Dolphy, nagmarka sa isipan ng publiko si Maricel bilang "anak" o anak-anakan ni Dolphy dahil sa matagal nilang pagsasama sa mga sitcom na John En Marsha at John En Shirley.

Ayon din kay Eric, si Maricel "ang unang tumakbo nang maospital si Daddy and was there the whole day mula noon; nag-camping siya doon!”

"ANAK NA BRUHA." Kumpara sa unang gabi ng wake, mas kalmado na si Maricel sa ikalawang gabi ng ginawang paglalamay at pagbibigay-pugay kay Dolphy.

Maikli rin ang kanyang eulogy messages, bilang pagbanggit sa pagiging isang "ama" ni Dolphy sa kanya.

"Sa daddy ko, si Dolphy, nababanggit ang pagiging Hari ng Komedya niya, ang tungkol sa pagiging professional niya, at mabait na artista.

"Yung isang Dolphy na nakilala ko, kung paano siya maging ama para sa aming mga anak."

Ayon kay Maricel, nakilala niya si Dolphy nung siya’y nine years old.

Iyon ang simula ng pakikipagtrabaho niya kay Dolphy bilang kanyang anak na si Shirley sa malaong tinangkilik na John En Marsha; kasama sina Nida Blanca, Dely Atay-Atayan, Rolly Quizon, at Matutina.

Pareho na ring namayapa sina Nida at Dely.

Sabi ni Maricel, "At nine years old, I was hopeless. Siya na yung nakagisnan kong daddy dahil I was part of a broken family."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Naging matatag si Marya sa kanyang pag-aalaala kay Dolphy.

Hindi siya nag-breakdown o gumaralgal ang tinig, bagama’t madamdamin din ang kanyang mga ipinahayag.

"Nung mamatay ang isa ko pang ‘mommy’ [Nida], siya [Dolphy] ang nag-comfort sa akin, ’Iniwan ka na ng mommy mo...’

"Ngayon, wala na ring magsasabi sa akin na ’Wala na ang daddy mo.’"

Nilisan na rin ang aktres ng kanyang biological mother na si Linda Soriano ilang taon na ang nakararaan.

And realizing how the Comedy King related to her, noong matama niya itong binabantayan sa pagkaka-confine sa Makati Medical Center...

"Wala nang magsasabing, ’O, labas na kayo, nandiyan na ang anak kong bruha!’" natatawang pagre-recall pa ni Maricel sa mga salita ni Dolphy.

May kasabay pa raw na pagdila ni Dolphy ang pagsasabi niyang iyon sa ibang mga nasa loob ng ospital.

ERIC QUIZON. As for Eric Quizon, inalala ng aktor ang kabaitan ng kanyang ama bilang kanyang tagapagtanggol noong siya’y mag-aaral pa lamang sa Ateneo de Manila at sinasabihan ng mga kaklase na isang "anak sa labas.”

"Nobody believed I was Dolphy’s son. Sabi nila, anak ako sa labas," Eric recalled.

Na ang sagot naman daw ni Dolphy nang usisain niya ang tungkol doon: "Anak kita. Yun ’yon!”

Para maibsan ang lungkot at pagkalito ni Eric, si Dolphy na raw ang gumawa ng paraan.

"Sinundo niya ako sa Ateneo isang hapon. Nung makita siya ng mga guard at ibang nandoon, nagtaka sila, ’Bakit nandito si Dolphy?’

"So, dinala ko siya [sa building namin], ipinarada ko siya doon... and after that, hindi na nila ako tinawag na anak sa labas.

"Tinatawag na nila akong anak ni Dolphy!”

MARIKIT QUIZON. Para naman kay Marikit Quizon, ang Ate Kit ni Eric, "Papang Dolphy is the best father everyone could have.

"He may not have enough time, but he made sure it was the best for us, his children.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"He was loving and God-fearing, the kindest and most unselfish person...

"Thank you for the joy and laughter you shared with us."

Nag-share din si Marikit ng ilang jokes o “hospital jokes” involving her late father.

"Sa ER, one of the doctors once said, ’O, you’re back!’”

And Dolphy snapped back, ayon kay Marikit, "E, pasensiya na, Doc, may back subject pang dapat balikan."

O ang pagbibiro pa raw ni Dolphy, in one of his “pag-jingle jokes"—na naipit ang kanyang private habang tinutulungan siyang umihi.

Sabi raw ni Dolphy, "Dahan-dahan kayo, para kayong humihila ng bayawak!”

Sabi pa ni Marikit, "He always had humor in his speech and had that ability to crack jokes.

"Pang, we will miss those jokes... and the times that we ate out, in the malls...

"Goodbye, Pang. Be peaceful. Heaven will be a much, much better place having you around!"

NICOLE AND ZIA. Perhaps not everyone knew na nag-adopt ng isang babae sina Dolphy at Zsa Zsa Padilla, at isa na itong dalaga ngayon—si Nicole Quizon.

Si Nicole ang nag-represent sa nabuong pamilya ni Dolphy with long-time partner, Zsa Zsa.

Teary-eyed si Nicole through much of the time na nagsasalita siya.

"Naaalala ko po noon, si Daddy po ang sumundo sa amin ni Zia para makapanood ng... Titanic..."

That was around 1997, sabi ni Nicole.

Sa kabila ng pagiging busy ni Dolphy at ng mommy nila, "Nakuha namin lahat ni Zia ang quality time. Nakapag-aral kami, naipadala niya ako sa Australia [para mag-aral].

"Seventeen lahat ang anak niya sa labas... at ako, isang ampon," madamdaming wika ni Nicole, who was in tears.

"Mahirap pero nagawa niyang mahalin kaming lahat nang lubus-lubusan. Hindi ko alam kung saan niya nahuhugot lahat ng energy.

"Lahat kami, ang buong sambayanang Pilipinas ay nagmamahal sa kanya.

"Nagte-thank you po ako sa inyong lahat, for loving my dad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nagte-thank you din po ako kay Papa sa pagmamahal niya sa amin ni Zia."

Nasa pagtitipon din sina Zia at ang mommy Zsa Zsa nila, but they chose not to give eulogies that night.

DOLPHY JR. Pinakamahaba at significant naman ang pagsasalita ng isa sa mga panganay na anak na lalaki at junior ni Dolphy.

Dati ring naging aktor si Dolphy Jr. sa mga pelikulang iprinodyus ng Comedy King sa RVQ Productions outfit.

Una’y tinawag ni Dolphy Jr. sa harapan ang mga nurses at iba pang medical staff na nag-alaga sa kanilang amang komedyante.

Pinalakpakan ng lahat ang mga Makati Medical Center nursing staff na naroon.

"Nung ako po’y nasangkot sa isang kaso," simula ni Dolphy Jr., "sabi namin, yun din ang way ng Lord na dinala ako doon at nabago ang buhay ko.

"Nung ako’y nakalaya, tinawag ako ng daddy ko at nagpa-pray [over] siya sa akin.

"Ako po ay naglilingkod ngayon sa Panginoon.

“Nung nasa ospital po ang daddy ko, nagpe-pray ako at sabi ko, ’Panginoon, ganyan na lang po ba ang daddy ko?

“’Kung kukunin Mo po siya, ’wag na po sana siyang mahirapan. Kung bubuhayin Mo naman po siya, magkaroon po sana ng milagro."

Matalinhaga rin ang mga sumunod na naipaghayag ni Dolphy Jr. tungkol sa mga huling araw ng kanilang ama.

"Puro pagpapatawad ang pumapasok sa isip ko," aniya.

"Siguro po, mayroong mga taong nakagawa ng kasalanan sa daddy ko na hanggang ngayon hindi pa humihingi ng tawad.

"Sabi ko, ’Dad, kung pagod ka na, umuwi ka na kay Jesus. Hinihintay ka na Niya.

"’Patawarin mo na kami, ano mang mga kahihiyan ang naidulot namin. Kung ano man ang pagkukulang mo sa amin, pinapatawad ka na namin.’

"Nagpapasalamat po ako sa Panginoon dahil binigyan Niya kami ng Tatay Dolphy."

DOLPHY JR. & ZSA ZSA RECONCILE. "Nagpapasalamat ako kay Zsa Zsa," banggit din ni Dolphy, Jr. habang nakatingin kay Zsa Zsa, "kahit nagkaroon kami ng misunderstanding.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko kasi siya maintindihan nung may sakit na si Daddy, nagpi-prepare siya ng isusuot... Parang, ‘Nagmamadali ba siyang mamatay ang daddy ko?’”

Anupa’t wala na raw ang ganitong damdamin sa anak ni Dolphy, bilang pagsasaalang-alang sa nais ng yumao.

"Sa pamilya, hindi po mabubuo kung may mga tampo o poot.

"Kaya ine-encourage ko po kayo, habang buhay pa sila, humingi kayo ng tawad sa daddy n’yo, sa mommy n’yo.

"Kaya humihingi ako ng tawad sa ’yo, Zsa Zsa... Dad..." maluha-luhang sambit pa ng panganay ni Dolphy.

At iyon ang naging hudyat upang tuluyang magkabati sina Dolphy Jr. at si Zsa Zsa.

Lumapit si Dolphy Jr. kay Zsa Zsa at nagyakapan ang dalawa.

Sa huling bahagi’y hinimok nina Eric at iba pang anak ni Dolphy na tumayo ang lahat upang bigyan ng masigabong palakpakan ang yumaong Comedy King.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN