Carmi Martin and Liz Alindogan recall early movies with Dolphy

Carmi Martin (in photo) and Liz Alindogan started their acting careers in the movie, Dolphy’s Angels. Both were contract stars of Dolphy’s RVQ Productions. Carmi says, “Because of Tito Dolphy, kaya nagkaroon ng Carmi Martin. Siya ang unang matatawag ko na tatay sa showbiz because my first movie was with him at nagkasunud-sunod ang mga pelikula ko noon nang dahil sa pag-alaga sa akin ni Tito Dolphy."


Dalawa ngang sexy stars ng Dekada ‘80 ang labis na nalungkot sa pagkawala ng Hari Ng Komedya na si Dolphy. Sa aming naging panayam kina Carmi Martin at Liz Alindogan, sinariwa nila ang mga magagandang alaala kasama ang tinatawag nilang “tatay” sa showbiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
Sa pelikula ngang Dolphy’s Angels noong 1980, nakasama ng Comedy King ang mga baguhan pa lamang sa pag-aartista na sina Carmi Martin at Liz Alindogan. Kasama rin sa naturang pelikula sina Anna Marie Gutierrez na sa New York na nakatira, at Yehlen Catral na isang lawyer na at sa U.S. na rin namumuhay.
Sa kuwento nga nila Carmi at Liz sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), si Mang Dolphy ang naging tatay nila sa showbiz. Lagi raw silang pinapayuhan nito para raw marespeto sila sa showbiz kahit na mga sexy stars sila.
Kay Mang Dolphy raw nila naranasan na kumain sa mga sosyal na hotel at restaurants. Madalas nga raw silang mag-lunch or mag-dinner kunsaan maibigan ni Dolphy. Kadalasan nga raw ay nasa Manila Hotel sila.
“Siyempre, mga baguhan pa lang kami nila Carmi noon. Hindi kami nakakapasok pa sa mga malalaking hotel,” pag-alaala ni Liz.
“Si Tito Dolphy lang ang nagbigay sa amin ng experience na iyon.
“Ako, never kong naisip na makakapasok ako sa mga bonggang hotel at restaurants. Mahal ang mga pagkain doon, ‘di ba?
“Pero si Tito Dolphy, dahil napaka-generous niyang tao talaga, siya ang nagbigay sa amin ng experience na iyon at marami kaming mga masasayang pagsasama roon.
“Tuwing may meeting para sa isang movie or after ng shooting namin ng isang movie, tatawagan kami ni Tito Dolphy at pinapapunta kami sa ganitong hotel or sa ganitong restaurant. Pinapa-order kami ng kung anu-ano.
“Kain lang daw kami habang nakikipag-meeting siya. Kami namang apat, since mga bata pa nga kami noon, lahat gusto naming kainin!
“Tuwang-tuwa si Tatay sa aming dalawa kasi para raw kaming nagugutum parati.
"Tapos kapag nag-iiwan siya ng malaking tip, pinag-aagawan naming apat! Doon siya lalong natatawa sa amin,” natatawang kuwento pa ni Liz.
DOLPHY SAW LIZ IN A FASHION SHOW. Na-discover nga raw ni Dolphy si Liz nang manood ito ng isang fashion show sa Manila Hotel. Isa si Liz sa mga modelo at kaagad siyang pinahanap ng Comedy King.
Agad niyang pinapirma ng kontrata sa RVQ Productions si Liz at una ngang naging pelikula nito ay ang Dolphy’s Angels.
Naging paboritong leading lady na nga si Liz ng mga action stars noong early ‘80s tulad nila Fernando Poe Jr. sa Ang Panday, Ang Aguila at Falcon, at Sierra Madre; Rudy Fernandez sa Wanted: Sabas; Dante Varona sa Nagbabagang Lupa... Nagbabagang Araw; Ace Vergel sa Kapwa Simaron at Jess Lapid, Jr. sa Cuadro de Alas.
Nakatuluyan nga ni Liz si Jess Lapid Jr. at meron silang dalawang anak, pero matagal na silang naghiwalay. Kasal si Liz sa businessman na si Benny Co at meron silang limang anak.
Naging full-fledged na bold star naman si Liz noong mid-’80s at gumawa siya ng mga sexy movies tulad ng Heartache City, Escort Girls, Unang Karanasan, Company of Women, Mga Nakaw Na Sandali, at The Diary of Vietnam Rose.
Kaya noong malaman niya ang nangyari sa kanyang tatay-tatayan sa showbiz, hindi mapigilan ni Liz ang maiyak.
“Noong makatanggap ako ng news na wala na raw si Tito Dolphy, tinawagan ko agad si Carmi. Sabi ko punta na kami sa Makati Medical Center dahil wala na raw si Tito Dolphy.
“Noong makita ko si Zsa Zsa [Padilla, life partner ni Dolphy], niyakap ko siya agad. Alam ko na masakit para sa kumare ko ang nangyaring iyon.
“Yung mga anak ni Tito Dolphy, niyakap ko silang lahat. Para ko na rin kasi silang mga kapatid dahil sabay-sabay kaming lumaki ng mga ‘yan.
“Masakit isipin na wala na siya, pero yung hiniling natin lahat na konting milagro ay nangyari naman.
"Nakasama pa natin siya ng halos isang buwan. Nakita niya ang lahat ng mga taong nagmamahal sa kanya.
“Malungkot ako pero masaya na rin in a way dahil sa paroroonan ni Tito Dolphy, wala na siyang mararamdaman na sakit—no more pain. Tapos magiging masaya na siya dahil nandoon na rin ang mga kaibigan at mga naging katrabaho niya tulad ni Tito Ronnie [Fernando Poe Jr.], Tita Nida [Blanca] at marami pang iba.
“Patuloy ang pagdarasal ko para kay Tito Dolphy dahil kung hindi dahil sa kanya, hindi ako magiging artista, hindi ko mararanasan ang maging isang leading lady.
"Kung ano ang mga turo ko sa mga anak ko ngayon, lahat ‘yan ay galing sa tatay-tatayan ko na si Tito Dolphy,” maramdaming kuwento pa ni Liz.
CARMI MARTIN. Noong dumalaw daw si Carmi Martin kay Dolphy noong nasa ICU pa ito ng Makati Medical Center, hindi na nito mapigilang maiyak. Dahil hindi raw niya matanggap na ang isang taong puno ng sigla ay halos hindi na makakilos.
Nadagdagan pa ang kanyang kalungkutan dahil wala na ang kinikilala niyang ama sa showbiz.
“Because of Tito Dolphy, kaya nagkaroon ng Carmi Martin,” pagmamalaki pa niya.
“Siya ang unang matatawag ko na tatay sa showbiz because my first movie was with him at nagkasunud-sunod ang mga pelikula ko noon nang dahil sa pag-alaga sa akin ni Tito Dolphy. Ginawa niya akong contract star ng RVQ Productions.
“Kaya lahat ng ipayo ni Tito Dolphy sa akin, sinusunod ko.
“Ganyan ko kamahal ang tatay kong ‘yan. Kaya malaki ang respeto ko sa kanya magpahanggang ngayon, dahil kung pangaralan niya kaming mga artista niya, para talagang tatay namin siya.”
Naging isa nga sa top sexy stars ng ‘80s si Carmi at nakagawa siya ng mga magagandang pelikula tulad ng Cain at Abel, Bagong Hari, Kapit Sa Patalim: Bayan Ko, Hot Property at Working Girls.
Naging leading lady din siya nila FPJ (Manedyer Si Kumander), Chiquito (Mang Kepweng), Weng-Weng (For Y’ur Height Only), Tito, Vic & Joey (D’ Gradweyts, Mr. One-Two-Three, Iskul Bukol, Working Boys, Ma’am May We Go Out?), Jimmy Santos (I Love You 3x A Day), Christopher de Leon (Dalaga Si Misis, Binata Si Mister), Redford White (Johnny Tango), Lito Lapid (Palaban: Dos Por Dos), Bernard Bonnin (Alyas Palos) at Vic Vargas (Andres de Saya).
MOVIES WITH DOLPHY. Pero mas madalas pa rin daw siyang gumagawa ng mga comedy movies kasama si Dolphy.
“Sa aming mga angels ni Tito Dolphy, ako yung mas madalas niyang makasama sa pelikula.
“Nakailang movies kaming magkasama tulad ng Stariray, The Quick Brown Fox, John & Marsha, Dancing Master, Dino Dinero at Father & Son. Yung last movie na ginawa namin was Dobol Trobol with Vic Sotto noong 2008 pa.
“And every time na nagkakasama kami, natutuwa ako kasi makakasama ko na naman ang tatay-tatayan ko. Marami na naman kaming napagkukuwentuhan. Tapos tuloy ang pagbigay niya ng payo sa akin.
“Kapag binabalita ko sa kanya na may bago akong show na kinabibilangan, natutuwa siya kasi nakikita niya ang pagmamahal ko sa trabaho.
“Kung anuman ang narating ko ngayon—professionally, lahat ito ay dahil sa tatay kong si Dolphy.”
Si Carmi na nga lang ang angel ni Dolphy na aktibo pa rin sa showbiz. Sa TV ay huling napanood si Carmi sa mga GMA drama series na Broken Vow. Sa movies naman ay huli siyang napanood sa No Other Woman at In The Name Of Love.
Kaya hindi nga mapigilan ni Carmi na makaramdam ng sobrang kalungkutan dahil sa pagkawala ng isang taong tinuring niyang isang tunay na ama.
“Para akong nawalan ng isang tunay na ama talaga,” malungkot na pahayag ni Carmi.
“Lahat na nangyari sa buhay ko, may kinalaman si Tito Dolphy. Yung pagiging artista ko, yung pagbalik ko sa school, yung naging trabaho ko aside from acting, si Tito Dolphy ang naging inspirasyon ko.
“Hindi ko makakalimutan ang pagiging mabait niyang tao. Napaka-generous sa lahat ng aspeto sa buhay niya. Kaya hindi kataka-takang maraming nagmamahal sa kanya.
“Hanggang sa kahuli-hulihang sandali, hindi tumigil ang marami sa pagdarasal sa kanya.
“Alam ko na masaya na si Tito Dolphy sa kinalalagyan niya ngayon. Yun naman ang gusto nating lahat para sa kanya. Rest in peace po.
"Hindi ka namin makakalimutan. Ikaw lang ang nag-iisang Comedy King para sa akin,” pagtatapos pa ni Carmi Martin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN