Albie Casiño says happy-go-lucky role in The Animals does not mirror who he is in real life

Albie Casiño plays a happy-go-lucky high school student in the Cinemalaya entry The Animals, where he co-stars with Patrick Sugui and Dawn Balagot.


Mainit pa ring pinag-uusapan ngayon ang tungkol sa naging masalimuot na "love story" nina Albie Casino at Andi Eigenmann.

Humantong ito sa pagkamuhi, nang hindi akuin ni Albie ang responsibilidad sa isinilang na sanggol ni Andi.

Sinasabing si Albie, 19, ang ama ng anak ni Andi, 22.

Kaya inulan ng batikos ang young actor, na mistulang, ayon nga sa titulo ng pelikula niyang The Animals, isang "animal" sa paningin ng mga kaanak ni Andi.

Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Albie, nagpahayag ito ng ilang personal na saloobin.

Sa The Animals ay gumaganap siya sa papel ng isang happy-go-lucky o walang pakialam na estudyante.

"Yung sa role, okey lang naman yun, e. Gusto ko rin naman gawin lahat ng role, e.

"Ang sa akin lang, hindi naman kapag gano’n ka sa role mo, ganun ka na rin sa real life,” paglilinaw ng young actor.

Wala namang magawa si Albie kundi tanggapin ang mga batikos, sabay pagkibit-balikat.

Tanggap daw niya ang naging negatibong impresyon ng tao, lalo ng mga apektadong partido, tungkol sa kanya.

Naka-move on na nga ba si Albie mula noon?

"Oo, oo..." sagot niya.

"Okey naman. Tinutulungan ako ng family, mga kaibigan ko."

BRAWL INCIDENT. Muling tinanong ng PEP si Albie hinggil sa nangyaring bugbugan sa Fiamma Bar sa Makati noong Mayo, kung saan pinagtulungan diumano siya ng mga kasamahan ni Andi, who also slapped him.

"Bawal pong pag-usapan," pag-iwas naman ng young actor.

Nagkausap na ba sila ni Andi mula noon?

"Hindi na," sagot niya.

Totoo nga bang sinampal siya ni Andi?

Isang pagtango ang isinagot ni Albi, sabay-ngiti.

"Hindi ko ine-expect. Nagulat ako!

“Pero mas gusto ko pong huwag na lang pag-usapan, akin na lang,” pakiusap niya.

LESSONS LEARNED. Ayon kay Albie, higit siyang nag-mature bunga ng mga batikos sa kanya.

"Oo naman. Oo naman," sambit niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May bagong girlfriend na ba siya?

"Wala pa," tugon ni Albie.

Sa kabila ng nangyari sa kanya, ayon kay Albie: "I’m more focused now on school, with my studies.

"Tatapusin ko po, sandali lang naman yun, e."

Kumukuha siya ng kursong Business Major in Export Management sa De La Salle College of St. Benilde.

Ang kanyang mommy na si Rina Casiño, sabi rin ni Albie, ay okey na ngayon.

Ini-encourage raw niya itong huwag nang masyadong magalit matapos ang pagbugbog kay Albie.

"Masama... poison ang magalit, di ba?" sabi ni Albie.

Wala rin daw balak gumanti si Albie sa mga nambugbog sa kanya.

Panoorin na lang daw ang The Animals sa pagtatanghal nito sa Cinemalaya 2012, sa Cultural Center of the Philippines, mula July 20 hanggang 29.

Kasama niya rito sina Patrick Sugui at Dawn Balagot.

GOOD EXPERIENCE. Wala sanang entry si Albie sa Cinemalaya filmfest ngayong taon.

Ngunit nag-backout ang mga producer at direktor ng MNL 143, bunga ng napabalitang casting problem. Pinakialaman ng mga namamahala ng Cinemalaya, tulad nina direktor Laurice Guillen, ang casting na gusto ng direktor ng MNL 143. Tinignan ito bilang panghihimasok sa artistic rights ng direktor.

Dahil sa nangyari, naipasok as New Breed entry ang The Animals.

"It was a good experience," sabi ni Albie sa paggawa ng The Animals.

"Yung pelikula, tungkol siya sa buhay ng mga high school students. Yung paglaki nila, mga pinagdadaanan nila.

"Tatlo yung main characters dito—ako at yung kina Patrick at Dawn.

"Iba yung characters namin.

“Yung character ko, typical na high school student. Wala akong pakialam sa lahat. Masaya ako, gusto ko lang ng kasiyahan."

Madali ba para sa kanya na gampanan ang papel na ’yon?

"Oo, sobrang dali lang. Hindi ako nagsisinungaling... sobrang dali!" natatawang sabi ni Albie.

"Pero hindi naman bad boy yun. Hindi naman ako salbahe dito, happy-go-lucky [lang]."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Palibhasa namulat sa karangyaan at nag-aral din sa paaralan, lubos na naunawaan ni Albie ang pagkatao ng karakter na iniatas sa kanyang gampanan.

"Kinausap ako ng mga producer, before nila kausapin ang Star Magic.

"Tapos ako, ’Okey, sige, kakausapin ko muna ang handler ko.’

“Tapos, pinadalhan nila ako ng script. Nung binasa ko, nagustuhan ko talaga, e."

Kumusta naman ang direktor nilang si Gino Santos?

"Magaling siya. Yung mga naiisip niya, ang galing! Kung nakita mo yung trailer, siya ang gumawa noon."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN