PBB Teen big winner Myrtle Sarrosa’s father almost sent her home; defends daughter from haters

Determination, talent, and family support made Myrtle Sarrosa the big winner of the recently-concluded PBB Teen Edition 4. When she first set sight of the Big Brother house, Myrtle had set her mind on winning. She even told her father, Rodolfo Sarrosa, that early: “Sabi niya, ‘Dad, balang-araw papasok din ako diyan!’”


Sa halos lahat ng mga kumpetisyon, hindi lahat ay masaya at sumasang-ayon sa idinideklarang panalo.

Sa kaso ni Myrtle Sarrosa, nag-trending sa social networking sites, tulad ng Twitter at Facebook, ang pagiging Big Winner niya ng Pinoy Big Brother Teen Edition 4—ngunit sa negatibong paraan.

Nakakuha ng 33.92 percent ng net votes ang tinaguriang “Cosplay Cutie of Iloilo,” na naging dahilan upang talunin niya ang mga housemates niyang sina Karen Reyes, Roy Requejo, at ang kambal na sina Joj at Jai Agpangan.

PART OF LIFE. Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang ama ni Myrtle na si Mr. Rodolfo Sarrosa, sa presscon na inihanda ng ABS-CBN para sa Big Four ng PBB Teen Edition 4, noong July 11, Miyerkules.

Ano ang pakiramdam ng isang ama na ang anak ay inuulan ng negative reactions and comments sa social networking sites?

Sabi ni Mr. Sarrosa, “Okey lang naman yung ganyan, kasi pag may fans ka, talagang may maghe-hate sa ‘yo.

“Kung may magla-like sa iyo, talagang may maghe-hate din sa ‘yo.

“So, I think that’s part of life. Kahit pulitiko, may boboto sa iyo, may boboto sa kalaban mo.

“Pag tinitingnan ko, minsan yung mga haters, gumagawa ng istorya.

“Di ba, may nagla-like? Tingnan mo kung bakit nagla-like, kung ano ang nakikita nila, di ba?

“Pero kung hater ka, parang gusto mong i-project na masama yung isang person.”

LARGE CHUNK OF VOTES. Malaking factor daw na Sangguniang Kabataan Municipal Federation President si Myrtle at konsehal si Mr. Sarrosa sa Barotac Nuevo, Iloilo City.

Ito raw ang dahilan kung kaya napakalaking porsiyento ng boto ang nakuha nito. Idagdag pa na may followers na rin ang 17-year-old costume player.

Sabi ng ama ni Myrtle, “Actually, ang nakakatuwa niyan, mga nanay ang may gustung-gusto sa kanya.

“Yung matatanda na nakakausap namin, sila ang botong-boto at natutuwa raw kay Myrtle.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya sila yung nagte-text votes. Sila kasi yung may pang-text vote, e!”

Pinabulaanan ni Mr. Sarrosa ang usap-usapan na “sure winner” na si Myrtle dahil may manager na raw ito bago pa man pumasok sa Bahay ni Kuya.

“Hindi totoo ‘yan. Wala siyang manager. Wala nga kaming kilala dito, e.

“In fact, hindi pa rin kami nakakapag-usap [ng ABS-CBN]. Wala pa kaming kontrata sa kanila,” pahayag niya.

INSIDE THE PBB HOUSE. Mas nakilala ba ni Mr. Sarrosa ang anak nung nasa loob ito ng PBB house? May mga rebelasyon ba si Myrtle na ikinagulat ng pamilya niya?

“Oo, pero so far, wala naman [matinding rebelasyon].

“Kung may bago akong makikita na gano’n, I think it’s part of their growing up, teenage years.

“Siyempre ‘yang panahon na ‘yan, ito yung pinaka-humahanap pa ng identity yung bata, e.

“So, I think doon pumapasok yung mga ganoong mga eksena.”

May punto bang gusto na niyang palabasin sa Bahay ni Kuya si Myrtle dahil sa napapanood niya?

“Oo, meron din,” pag-amin ni Mr. Sarrosa.

“Yung mga time na parang nali-link siya sa mga relationship doon sa loob ng Bahay. Yung mga ganoong portion.

“Pero after a while, kasama na yun sa pagpasok niya sa Bahay.

“Actually, yung mga tiyahin niya, sabi sa akin, palabasin ko na raw si Myrtle.

“Pero confident naman ako na makakayanan niya iyon.”

Habang nasa loob ng bahay ay nagkaroon ng love angle sa pagitan ni Myrtle at ng housemate niyang si Yves Flores. Pero hindi ito natuloy dahil nalaman ni Myrtle na may girlfriend pala sa labas si Yves.

BOSSY MYRTLE? Isa sa sinasabing negative trait ni Myrtle, habang nasa loob ng PBB house, ay palautos ito o bossy sa mga kasamang housemates.

Pagtatanggol naman ni Mr. Sarrosa sa anak, “Yung sinasabi nilang palautos, doon lang naman iyon sa mga task ni Kuya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi si Myrtle, goal-driven iyan.

“Pag may isang kasama siya na palagay niya hindi nakikisama sa ginagawa nila, iyon lang yung time na nag-uutos siya.

“Pero yung palautos na maghugas ka ng pinggan… ganyan, hindi naman.”

THE AUDITION. Bago nag-audition sa PBB Teen Edition 4 si Myrtle, nag-apply pala ito sa isang local morning TV show ng GMA-7 sa Iloilo. Pero ang hinahanap sa TV show ay male host, kaya hindi ito natanggap.

Sabi ni Mr. Sarrosa, “Kahit na male host ang hinahanap, nag-apply pa rin talaga siya.

“She was promised na bibigyan ng chance, parang ibi-VTR, pero hindi naman ‘yon natuloy.”

During the audition for PBB Teen, hindi rin daw siya confident na makakapasok ang anak.

Pero dahil gustung-gusto ni Myrtle ang showbiz, sinuportahan pa rin nilang mag-asawa ang anak.

“Ganito ‘yon. Pina-audition siya ng mother niya thinking na hindi siya matatanggap.

“Dream niya ‘yan, sabi namin, ‘Okey. Okey lang na mag-audition ka…’

“Kasi nag-uusap kami ng mother niya na, ‘Hindi naman ‘yan matatanggap, e!’

“Confident kami na hindi siya matatanggap. Kaya pinayagan namin.

“Pero sinuportahan pa rin namin. Kasi dream niya iyon e,” nakangiting balik-tanaw ni Mr. Sarrosa.

Pero tila nasa kapalaran talaga ni Myrtle ang maging Big Winner ng PBB Teen Edition, dahil kuwento ng kanyang ama, “Kasi noong siguro mga ilang taon na ‘yon… para yatang kay Sam Milby pa, nagpa-picture ‘yan diyan sa harap ng Bahay ni Kuya.

“Sabi niya, ‘Dad, balang-araw papasok din ako diyan!’”

Na-cancel ang audition sa Iloilo, pero determinado raw talaga ang anak na maging contestant ng PBB.

Kaya nang magkaroon ng audition sa Naga, muli raw silang kinausap ni Myrtle. Pero hindi rin sila nakapunta roon.

Sa Bacolod na raw nakapag-audition ang anak.

“Supposed to be yung audition sa Iloilo, na-cancel nga.

“Pero masyado siyang pursigido, sabi niya, ‘Dad, ang next na audition sa Naga. Punta tayo ng Naga.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang sabi ko sa kanya, ‘Ang layo naman ng Naga, tapos wala tayong kilala doon sa Naga.’

“Yung mga kilala ko nawala na yung mga numbers, kasi nawala ko yung cell phone ko. Wala akong contact sa Naga.

“Mabuti naman yun nag-open yung [audition] sa Bacolod. Nagpunta kami sa Bacolod.”

Pero matapos ang audition, half-hearted na raw si Myrtle. Tingin nito di siya mapapansin ito dahil mas may “edge” sa kanya ang ibang contestants.

Kuwento ni Mr. Sarrosa, “Nung nag-audition na siya sa Bacolod, sabi niya, ‘Pa, parang mahirap yata akong makapasok, kasi yung mga kasama ko doon matataas, magaganda.’

“So, sabi ko, ‘Oo nga. Mahihirapan ka nga diyan.’ Pero sabi ko, baka masilat din sila!

“Ayaw mo namang pag anak… ayaw mong sabihin na talagang wala kang chance.

“Maybe kami nung mother niya nag-uusap na walang chance, pero pag kausap namin siya, sinasabi namin na oo.

“Mahirap naman pag anak mo na hindi mo sasabihan ng positive, di ba?

“Kahit nagsasabi siya na… siyempre nagdadalawang-isip din siya. Kasi tinitingnan niya magaganda, matataas, mapuputi.

“Sabi ko, ‘Ang dami naman diyan na… baka makasilat ka din!’

“Kasi yung chances niya, kinompyut namin later on.

“Yung number na nagpa-audition, 24,000; 15 lang yata ang tinanggap.

“So, that is less than one percent; .01 percent lang yata ang chances mo na matatanggap.

“So, ang sabi ko, talagang maliit ang chance. Pero pag nakapasok ka, sabi ko, baka makasilat din.

“Kumbaga sa basketball, may silat din!

“Sabi ko, ’Dapat lang may identity ka na nasa ‘yo para, at least, makilala ka,’” saad ni Mr. Sarrosa.

Sa Bacolod, more than 2,000 applicants na ang nakapila sa venue.

“Actually, pumunta kami ng Bacolod the day before, doon kami natulog.

“Maaga pa pumila na siya, so nasa mga top 100 siya, kasi maaga siyang pumila.

“Kumuha kami ng hotel na matutuluyan na malapit lang sa venue [ng audition].”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MYRTLE IN SHOWBIZ. Ngayong nasa showbiz na si Myrtle, paano kaya tatanggapin ni Mr. Sarrosa, bilang ama, ang mga intrigang ipupukol sa anak?

“Okey lang naman, kasi gusto niya ‘yan.

“So, sa akin, although minsan hindi na maganda, pero para sa akin, okey lang.

“Parang part ng trabaho. Talagang may ganyan.

“Mararamdaman mo rin na medyo masakit. Pero okey lang. That’s part of being a public figure,” sabi ni Mr. Sarrosa.

Supposedly ay nasa second year college na si Myrtle sa University of the Philippines Visayas, sa kursong Accountancy, pero hindi na ito nakapag-enroll ngayong semester.

Kahit na raw pinayagan itong makapag-enroll at humabol na lang sa na-miss na mga klase, nag-file na lang ng leave of absence si Myrtle at next semester na lang daw ito papasok.

Para kay Mr. Sarrosa, mas gusto niyang i-prioritize ng anak ang pag-aaral.

“Actually, ‘yan yung pini-figure out pa namin ngayon—paano ang schooling niya.

“Kasi ang pag-aartista, hindi permanent source of living ‘yon, e.

“Minsan talagang maganda, minsan mawawala na. Mahirap ding i-maintain ‘yon, di ba?

“So, talagang gusto namin makatapos siya, especially na UP pa naman siya. Sayang naman.”

Ngayong naabot na ni Myrtle ang noon ay tila imposibleng pangarap lang nito, ano ang mensahe niya para sa anak?

“Yung message ko sa kanya, dapat i-develop yung better personality niya. Kailangang better yung personality niya.

“And also develop some skills para ma-improve niya pa.

“Kung mag-aartista siya, kailangang i-develop niya pa yung mga things, kasi wala siyang exposure, like sa theater.

“Cosplayer siya, pero I think do’n sa acting, wala siyang experience.

“So, she must develop those things na wala sa skills niya,” pagtatapos ni Mr. Sarrosa.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN