Mart Escudero dreams of playing Jill if Dolphy’s Jack en Jill is remade; sees Marian Rivera as Jack

Mart Escudero on why he thinks Marian Rivera is best for Jack role in a Jack en Jill remake: “Kasi, unang-una ay kapatid ko kasi siya sa showbiz. At saka iyong karakter na Jack, di ba medyo brusko? Kaya sa tingin ko, bagay na bagay iyon kay Marian at pasok talaga sa kanya iyong role.”


Pangarap ni Mart Escudero na gampanan ang kahit isang karakter sa mga pelikula ng Comedy King na si Dolphy.

Ayon kay Mart, kung mabibigyan siya ng pagkakataon, gusto niya ang papel na bading ng namayapang ace comedian sa pelikula nitong Jack en Jill.

Ang Jack en Jill ay masasabing naging simula ng pagiging malaking bituin ni Mang Dolphy.

Aminado si Mart na isang napakalaking hamon ito sa kanyang kakayahan sakaling magkakaroon ng katuparan.

Handa raw siyang gawin ang lahat upang makapantay man lang siya sa galing na ipinamalas ng Comedy King sa nabanggit na pelikula.

“Pinapangarap kong maka-remake ng isa sa mga pelikula ni Mang Dolphy.

“Isa sa pinaka-napupusuan ko sa lahay ay iyong Jack en Jill.

“Kadalasan kasi, ang mga pelikula ni Dolphy ay mga comedy na gaya ng ginagawa niya, iyon ang mga napapanood ko, e,” panimulang saad ni Mart nang nakapanayam kamakailan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Elements Tent, Centris, Quezon City.

Kasama si Mart sa Enchanted Garden na isa sa tatlong bagong shows ng Kapatid Network na inilunsad nang gabing yaon.

MARIAN RIVERA. Kung sakali, okay lang ba sa kanya na magpapayat dahil manipis pa ang katawan ni Mang Dolphy nang ginawa niya ito noong 1954?

“Okay lang sa akin kung kailangang magpapayat ako,” nakangiting sagot niya.

“Depende sa kakailanganin ng karakter. Pero, kayang-kaya kong gawan ng paraan iyan.”

Sino naman kaya sa palagay niya ang okay na makasama niya na gaganap bilang Jack?

“Isa sa mga gusto kong makasama at sa tingin ko ay okay na okay para sa role na Jack ay si Marian [Rivera]. Si Ate Marian.

“Kasi, unang-una ay kapatid ko kasi siya sa showbiz. At saka iyong karakter na Jill, di ba medyo brusko?

“Kaya sa tingin ko, bagay na bagay iyon kay Marian at pasok talaga sa kanya iyong role.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paano kung si Judy Ann Santos ang gumanap na Jill, okay rin ba iyon sa kanya?

“Oo naman, oo naman!” mabilis na wika ni Mart. “Isa pa rin iyon, magaling si Juday, e, kaya ibang klase ang kalalabasan nito kung sakali.”

WILL SUFFER IN COMPARISON? Handa ba siya na maaaring ikumpara siya sa isang legend na tulad ni Mang Dolphy pagdating sa pag-arte?

“Siyempre original na gawa iyan ni Dolphy. ‘Andyan talaga iyong pressure at hindi mawawala iyan, kaya hindi na natin kailangang isipin iyan.

“Basta ang kailangan lang, gawin ko lahat ang makakaya ko.

“Pigain ko ang acting ko, ang kakayahan ko. Sobrang paghahandaan ko talaga ito.

“Na hindi na natin iisipin na mahihigitan, pero iyong makapantay man lang sa galing na ginawa roon ni Mang Dolphy.

“Iyung kahit papaano ay habol iyong galing niya roon.”

Idinagdag pa niyang, “Idol ko kasi si Mang Dolphy. Lumaki akong pinapanood ko iyong mga pelikula niya.

“Kaya kung mabibigyan ng chance, sisiguraduhin ko na iba ito sa mga ginawa ko noong una.

“Hindi ko napanood iyong original [na Jack en Jill]. Ang napanood ko ay iyong kasama niya si Nora [Aunor].

“Pero kung mabibigyan ako ng chance na gawin ito, hahanapin ko iyong original para mapanood ko.”

TV 5 SHOWS. Sa kasalukuyuan, abala si Mart sa dalawang shows sa TV5, ang Kapitan Awesome at ang Enchanted Garden na mapapanood na sa July 30.

Tampok din dito sina Alice Dixson, Ruffa Gutierrez, Rufa Mae Quinto, Zoren Legaspi, BB Gandanghari, Alex Gonzaga, at marami pang iba.

“Bukod sa Kapitan Awesome tuwing Linggo, na third season na kami, bago kong show sa TV5 ang Enchanted Garden.

“Naiiba itong Enchanted Garden, pambata ito, pang buong pamilya, educational.

“At mapapanood dito ang pagmamahal sa kalikasan. Kung bakit dapat nating ingatan at pahalagahan ito,” eksplika pa ni Mart hinggil sa naturang programa na tinaguriang isang eco-friendly show.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Samantala, nagpapasalamat si Mart sa pag-usbong at patuloy na paglakas ng indie films dahil isa siya sa nabiyayaan nito.

ZOMBADINGS. Ang kanyang pelikulang Zombadings: Patayin sa Shokot si Remington ay itinuturing na isa sa pinakamatagumpay na produkto ng ganitong genre nang ito’y ipalabas last year.

Ang pelikulang ito na bading ang papel ni Mart ay naging matagumpay, hindi lang sa box-office kundi nagbigay pa ito ng acting award para sa binata.

Nasungkit dito ni Mart ang Best Performance by an Actor in a Leading Role Musical or Comedy sa 9th Golden Screen Awards ng Enpress.

Nagtabla sila ni Edgar Allan Guzman, na nagtagumpay para naman sa Ligo na U Lapit na Me.

Naging nominado rin siya sa Urian at Star Awards para sa nabanggit na pelikula.

Aminado si Mart na malaki ang utang na loob niya sa indie films kaya umaasa siyang next year ay magkakaroon na siya ng entry sa Cinemalaya Film Festival.

“Sa totoo lang, malaki ang naitulong sa akin ng indie. Sana po next year ay magkaroon na ako ng entry.

"Yun kasing Zombadings… opening at closing lang nung ipinalabas at hindi entry talaga.”

MOSIKO. Sinabi pa ni Mart na Mosiko ang titulo ng ginagawa niyang indie films ngayon, at ito raw ay naiiba rin dahil hindi ipalalabas sa mga lokal na sinehan.

“Naiiba siya sa mga indie, dahil hindi siya ipalalabas dito, pang school siya at pang-international.

"Sina Tommy Abuel, Melai Cantiveros at iba pa ang kasama ko rito.

“Educational ito, drama. And natutuwa ako dahil karamihan sa makakapanood nito ay mga estudyante.”

DREAM ROLES. Mayroon ba siyang itinuturing na dream role talaga?

“Bukod iyong mai-remake sana iyong Jack en Jill, gusto ko sana ay mabigyan ng role na isang psycho killer ako.

“Iyong may sira sa pag-iisip. Kasi, gusto ko iyong karakter na hindi basta-basta napapanood dahil kaunti lang talaga ang gumagawa nito.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa tingin ba niya, mag-iiba na ang level niya bilang aktor kapag nabigyan siya ng project na Jack en Jill at isang psycho killer?

“Hindi ko maikumpra iyong level, e. Pero, masasabi ko na isa ako sa artistang makukuntento.

“Kumbaga ay magiging fulfilled na ako bilang artista kapag nangyari ito.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN