Leo Consul talks about how he became one of the hosts of Eat Bulaga! Indonesia

Lingid sa kaalaman ng marami, ang isa pala sa hosts ng Eat Bulaga! Indonesia ay isang Pinoy—si Leo Consul na tubong Bolinao, Pangasinan. Ayon kay Leo, minsan na rin niyang sinubukang pumasok sa showbiz dito sa Pilipinas, ngunit hindi siya pinalad.


Isa sa mga host ng Indonesian version ng Eat Bulaga! ay isang Pinoy. Siya si Leo Consul na tubong Bolinao, Pangasinan.

Nagsimulang umere ang Eat Bulaga! Indonesia noong July 16 sa SCTV– isa sa mga nangungunang TV stations sa Indonesia.

Kasama si Leo sa Indonesia franchise sa segment na "Juan For All, All For Juan," kung saan nagpupunta ang programa mismo sa isang komunidad at pinakakanta ang mga kasali sa contest.

Sa Pilipinas, ang segment na ito ay hosted nina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros.

Sa pamamagitan ng Skype ay nakapanayam ng Showbiz Central si Leo, na napanood sa GMA-7 kahapon, July 22.

Ayon kay Leo, “Taga-Bolinao, Pangasinan po ako. Doon po ako nag-high school.

"Nag-UP Baguio po ako, and I took up AB Communications major in Journalism, minor in Broadcasting.”


TRIED LUCK IN LOCAL SHOWBIZ. Bago siya nagpunta sa Indonesia, sumubok na pala si Leo na mag-artista dito sa Pilipinas.

Pag-amin ni Leo, “Nag-audition po ako for StarStruck. Batch 4 po yun ng StarStruck po.”

Ang mga nagwagi sa naturang batch ay sina Aljur Abrenica (Ultimate Hunk), Jewel Mische (Ultimate Sweetheart), at Kris Bernal at Mart Escudero (Ultimate Loveteam).

Napag-alaman naman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nagtrabaho rin si Leo sa regional network group ng ABS-CBN sa Baguio bilang local TV host.

Pero dahil daw sa matinding kumpetisyon sa napasukang trabaho ay nagdesisyon siyang magtrabaho sa Indonesia bilang isang English teacher.

THE BIG BREAK. Matapos magtrabaho bilang isang teacher, nakakuha si Leo ng break na maging parte ng isang singing group, ang Ris3 (pronounced as rise), na nakapag-release na ng single sa Indonesia.

Hanggang sa dumating ang isang tawag kay Leo na nagdala sa kanya sa kinalalagyan niya ngayon.

Kuwento niya, “When I received a call, sabi nila naghahanap daw sila ng TV presenter.

"Sabi ko, hindi ko linya yun masyado. Kasi Bahasa [Indonesian language]… medyo hindi pa masyadong fluent yung Bahasa ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero sabi nila subukan lang daw. Baka they’re looking for a character like me.

"So, pumunta po ako sa SCTV, nag-audition po.

“Wala po akong idea na meron na po palang Eat Bulaga! Indonesia.

"Pagdating ko po sa audition, binigay nila sa akin yung script. At saka ko lang po nalaman na Eat Bulaga! Indonesia pala.

"Sobrang nagulat po talaga ako. Hindi po ako makapaniwala na nandito na.

"Kasi first time… ang alam ko po, first time po na may nag-franchise ng show natin sa Pilipinas.”


WONDERFUL RECEPTION. Matapos ang isang linggo ng paghu-host sa Eat Bulaga! Indonesia, masaya si Leo sa naging pagtanggap ng mga tao sa kanilang programa.

“Sobrang nakakatuwa na na-appreciate po nila yung sariling ano… kumbaga produktong Pinoy, kumbaga gawang Pinoy, parang ganun.

"So, maganda po yung reception ng mga tao. Madali silang maka-relate sa Eat Bulaga! Indonesia.

"Bago po sa kanila ito. Wala pa po kasing variety show dito sa Indonesia. First-ever po na variety show.

"So, okay na okay po yung pag-accept nila.”

WANTS TO VISIT EAT BULAGA! PHILIPPINES. Bilang host ng Eat Bulaga! Indonesia, isa raw sa mga pangarap ni Leo ang makabisita sa mismong set ng original Eat Bulaga!.

Sana nga raw ay matupad niya ito pag-uwi niya sa Pilipinas.

“So bale January or February [2013], baka nasa Pilipinas po ako. For sure pag meron po akong chance, for sure bibisita po ako sa Eat Bulaga!.

May mensahe rin si Leo sa mga Dabarkads na nagpakita ng malaking suporta sa Eat Bulaga! Indonesia.

“Sa lahat po ng mga tagapanood ng Eat Bulaga! Philippines at Eat Bulaga! Indonesia… Philippines, maraming-maraming salamat po sa pag-extend po ng suporta ninyo.

"Malaking bagay po para sa amin na makatanggap ng overwhelming support po coming from you guys.

"Ito po ang nagpu-push sa amin para pag-igihin pa ang trabaho namin para mas maging proud ang mga Pilipino.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN