PNoy’s third SONA draws positive response from most politicians

Karamihan ng mga pulitikong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ay nagsabing ang mga inihayag ni PNoy sa kanyang ikatlong SONA ay makatotohanan, kung pagbabasehan ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa loob ng tatlong taong panunungkulan.


Bagamat itinuturing na pinakamahabang State of the Nation Address (SONA) sa kasaysayan ng Pilipinas ang inilahad ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kahapon, Hulyo 23, tumutok pa rin ang sambayanang Pilipino sa paglalahad niya ng mga nagawa at mga gagawin pa lamang ng kanyang administrasyon.

Sa loob ng halos isa’t kalahating oras, ang ikatlong SONA ni PNoy ay nakatanggap ng 119 na palakpakan mula sa mga panauhin sa Session Hall ng House of Representatives, sa loob ng Batasan Pambansa Complex, Quezon City.

Ilan sa mga isyung binanggit ni PNoy sa kanyang SONA—na lubos na pinalakpakan ng mga senador, kongresista, at iba pang mga panauhin—ay ang tinawag niyang “responsible parenthood,” na iniuugnay sa usapin ng Reproductive Health Bill; ang pagtaas ng budget para sa edukasyon; at mga programang pang-agrikultura at imprastraktura.

Kasama rin sa mga susunod na plano ng administrasyong Aquino ang pagkakaroon ng mas modernong kagamitan para sa sandatahang lakas at ang pagkikipaglaban para sa mga teritoryo sa West Philippine Sea.

(CLICK HERE to read related article.)

Nang matapos ang SONA ni Pangulong Aquino, agad na kinuha ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang mga nakaantabay na mamamahayag sa Batasan Pambansa, ang reaksiyon ng mga pulitikong nakinig sa loob ng Session Hall.

Karamihan sa kanila ay positibo ang naging pagtanggap sa ikatlong SONA ng Pangulo.

VICE PRESIDENT JEJOMAR BINAY. Si Bise Presidente Jejomar Binay, na hindi ka-partido ng Presidente ngunit kaalyado nito, ay nagsabing, “Napakaliwanag ng sinabi ng Pangulo sa repormang nagawa niya.

“Itong mga ginawa niya ay hindi nagawa noong nakaraang administrasyon.

“So, asahan niyo naman na ang kanyang gabinete ay nagpupursige para matamo ang kanyang mga pinapakita.”

SENATOR JINGGOY ESTRADA. Ganito rin halos ang reaksiyon ni Senator Jinggoy Estrada nang makausap siya sandali ng ilang press. Hindi rin ka-partido ng senador ang Presidente at hindi rin niya ito kaalyado sa lahat ng isyu.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, “Ako, I’m very proud to be a senator during his leadership.

“His speech was very, very realistic and very, very doable.

“It’s doable in the sense na they’re achievable in terms of infrastructure, sustainable program… Everything he said, I think, they’re all acceptable.”

Gayunman, umaasa si Senador Estrada na hindi nalilimutan ng Pangulo ang kanyang mga naunang naipangako sa bayan.

Nakangiting sinabi ng actor-politician, na hindi naman nagdetalye na: “Yung mga pangako niya noong nakaraang administrasyon, hanggang ngayon nandiyan pa. Pero this is continuing, so we’ll just wait.”

SENATOR MANNY VILLAR. Para naman kay Senador Manny Villar, naging totoo ang Pangulo sa ibinalita nito sa mga Pilipino tungkol sa mga nagawa ng kanyang administrasyon.

“Maganda naman ang narinig ko,” sabi ni Senador Villar, na nasa iba pang partido at pinakamahigpit na kalaban ni PNoy sa nakaraang presidential elections.

“At doon sa SONA naman ay maraming nabanggit ang Pangulo na nagawa niya at kuntento naman ako sa aking mga narinig.

“Dalawang taon pa lang naman ang pangulo natin. Siyempre, ang pagbabago ay nangangailangan pa ng kaunting panahon.”

REP. LUCY TORRES-GOMEZ. Ayon naman kay Ormoc Representative Lucy Torres-Gomez, “I think [PNoy’s SONA] was very comprehensive.

“Nabusog tayo sa good news, and it was very obvious, ipinakita talaga kung gaano na karaming nagawa because they showed where we started, where we’re now, and the hope of where we’re going.

“So, it was very optimistic.”

Ang congresswoman ay kaalyado ng Presidente.

REP. RISA HONTIVEROS. Bagamat ikinatuwa ng karamihan ang pagbanggit ni PNoy tungkol sa “reproductive parenthood,” tila hati naman ang opinyon ng mga masugid na nagsusulong ng RH Bill.

Ang dating AKBAYAN Partylist representative na si Risa Hontiveros ay humanga sa naging pahayag ng Pangulo, na iniugnay niya sa mainit na usapin ng RH Bill.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Riza: “‘Yong sinasabi niyang responsible parenthood, ‘yon na kasi ang buong pamagat ng RH Bill, ‘Responsible Parenthood, RH [reproductive health], and Population Development’

“Talagang punung-puno ako ng pag-asa na bago pa ang eleksiyon ng 2013, pagbobotohan na ’yan at maipapasa.”

Dagdag pa niya, “Maganda, ngayong SONA ay naitampok niya ang mga tagumpay sa anti-corruption.

“Siya ay nagtampok din ng mga poverty elevation programs, at ‘yon na nga, publicly nag-declare na siya ng pagsuporta sa ilang mga panukalang batas tulad ng RH Bill.”

Si Riza ay kaalyado ni Presidente Aquino.

SENATOR PIA CAYETANO. Para naman kay Senator Pia Cayetano, hindi pa niya matiyak kung pabor nga ba ang pamahalaang Aquino sa nasabing panukalang batas.

Paliwanag niya, “Alam mo, hindi ako tumayo kasi I was having second thoughts on the impact of the statement on responsible parenthood, kung may continuation pa iyon o kung iku-qualify niya.

"Kasi, if you will recall early last year, when the bill was first taken up, remember may alternative bill daw ang Malacañang na Responsible Parenthood, but never ko namang nabasa iyon at never kong nalaman kung ano’ng laman noon.

"But, although I have all the intention of standing up if RH Bill was mentioned, I was still waiting if may kasunod na explanation iyong Responsible Parenthood.

“Wala na rin siyang sinabi, so I conclude na that it was a support for RH. Pero at that point, I wasn’t sure kung meron pang dagdag iyon, e.”

Si Senador Pia Cayetano ay minsang umaayon, minsang tumutuligsa sa administrasyong Aquino.

HITTING THE FORMER ADMINISTRATION. Isa pa sa naging usapan matapos ng SONA ni PNoy ay ang muling pagtira niya sa nakaraang administrasyon ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo.

Kasalukuyang nasa hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center si Arroyo dahil sa kasong electoral sabotage na isinampa laban sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa bahagi ng kanyang SONA, sinabi ni PNoy: “Forgive and forget ang lahat ng atraso ng mga naglubog sa atin sa bulok na estado? Forgive and forget para maibalik ang lumang status quo?

"Ang tugon ko: Ang magpatawad, maaari; ang makalimot, hindi. Kung ang nagkasala ay hindi mananagot, gagarantiyahan mo ang pagpapahirap muli sa sambayanan.”

PRESIDENT JOSEPH ESTRADA. Sa puntong ito, sumang-ayon si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada, na hindi ka-partido ng Presidente.

Aniya, “Well, kasalanan sa bayan iyon, sa madlang Pilipino. Mabigat iyon, di ba?

“Halimbawa, kamukha noong naging number one importer tayo ng bigas, ang tinutulungan natin iyong magsasaka ng ibang bansa, samantalang iyong magsasaka natin naghihirap na ninanakawan pa ng fertilizer.

"O, di ba, napakasakit ng ginawa na iyon?”

SENATOR BONGBONG MARCOS. Subalit para kay Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., walang maitutulong ang pahayag na ito ni PNoy patungkol sa nakaraang administrasyon.

Aniya, “Kung papaano man nangyari ang sitwasyon na iyon, kailangan iyong sitwasyon ngayon ang ating kailangang harapin, ayusin, at bigyan ng pansin at bigyan ng solusyon.

"E, kung kahit na sino’ng sisihin mo, kahit sisihin mo ang kung sino pa, e, lalong hindi maaayos iyong sitwasyon, hindi maaayos iyong problema.

"Ang kailangan nating gawin ay ayusin iyong problema.

“O sige, [sabihin natin] at nang malaman natin kung papaano nangyari ito, pero iyong pangsisisi sa mga ibang tao, e, wala na tayong magagawa roon, e.

“Hindi naman natin maibabalik, maire-rewind iyong panahon.

“Kailangan we look forward and try to find exactly what the solutions are for what we are facing now today.”

Si Senador Bongbong ay anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, na naupo sa Malacañang sa loob ng 21 taon at nagdeklara ng martial law noong 1970s.

Panig din siya sa dating Pangulong Gloria Arroyo.

UNITY OF THE NATION. Sa pagtatapos ng ikatlong SONA ni PNoy, pinasalamatan niya ang lahat ng kanyang mga naging katuwang upang maisakatuparan ang mga plano ng gobyerno para sa bansa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

At katulad niya, nanawagan din ang ilang mga pulitiko na makiisa sa pangulo sa pagpapabuti ng kalagayan ng Pilipinas.

SECRETARY JOEL VILLANUEVA. Ayon kay Secretary Joel Villanueva, “Ang nakakatuwa talaga dito [sa SONA] is yung direction talaga ng Pangulo natin, ano yung nais niyang mangyari.

“At yung hinihiling niya sa ating mga kababayan, na hindi lang po siya, hindi lang ang kanyang gabinete, hindi lang ang kanyang gobyerno, kung hindi ang bawat isa sa atin ay mayroon talagang kontribusyon para sa mas maayos, mas maganda, at mas matinong Pilipinas."

Isa si Secretary Villanueva sa mga pinasalamatan ni PNoy sa kanyang SONA dahil sa pamamahala niya ngayon sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

SENATOR LOREN LEGARDA. Pakiusap naman ni Senador Loren Legarda, “Kailangan nating bigyan ng tulong at suporta ang pag-achieve ng kanyang [PNoy] mga target sa 2012, 2013, 2014, 2015, at 2016.

“It’s about time that we unite as a nation.

“Sampung taon tayong away nang away, kaya tayo naging ‘sick man of Asia.’

“Ngayon naman, sa susunod na apat o higit pang taon, tayo’y magsama-sama para tayong mahihirap ay hindi na maghirap.

“Dahil kung sino man ang maupo diyan, patuloy ang paghihirap, e. Pero kung magkakaisa ang bayan sa target at objectives ng Pangulong Aquino, tayo ay giginhawa.”

Si Senador Legarda ay hindi ka-partido ni Pangulong Noynoy.

PRESIDENT FIDEL RAMOS. Ganito rin ang naging panawagan ni dating Pangulong Fidel Ramos.

Sabi niya, “Kahit ano pa ang kahirapan natin ngayon at marami pang dapat gawin, tulungan natin [si PNoy] dahil siya ang leader. Medyo matindi pa ang panahon at malayo pa ang ating pupuntahan.”

Nasa ibang partido rin ang dating presidente, ngunit nakakaalyado nito si PNoy sa ilang isyu.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN