Businesswoman Cristina Castillo confirms separation from comedian Ariel Villasanta

Pagkatapos maikasal ng apat na beses, nauwi rin sa hiwalayan ang pagsasama ng negosyanteng si Cristina Castillo at ng komedyanteng si Ariel Villasanta. Inamin ni Cristina ang pagwawakas ng relasyon nila ni Ariel sa panayam sa kanya ng PEP.


“Malungkot mang aminin, oo, hiwalay na kami ni Ariel.”

Ito ang naging pag-amin ng businesswoman na si Cristina Castillo-Villasanta sa napabalitang paghihiwalay nila ng comedian na si Ariel Villasanta.

Walang pang dalawang taon ang itinagal ng pagsasama nina Cristina at Ariel bilang mag-asawa.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Cristina sa ribbon-cutting ng kanyang dalawang negosyo—ang Signature By Cristina (isang boutique na nagbebenta ng designer bags) at Muebles de Cristina (isa namang custom-made furniture company)—sa A. Venue Mall sa Makati Avenue, kahapon, July 25.

Marami ang nakapansin na wala si Ariel sa naturang event.

Kamakailan ay may lumabas na blind item dito sa PEP tungkol sa isang celebrity couple na naghiwalay na.

Base sa mga clues, ang tinutukoy sa blind item ay walang iba kundi sina Cristina at Ariel

At inamin nga ni Cristina sa PEP na sila ang tinutukoy sa blind item.

Ayon pa sa negosyante, matagal na silang hiwalay ni Ariel.

Kuwento niya, “Two months ago pa kami nagkaroon ng problema. Matagal nang nasa bahay nila sa Marikina si Ariel.

“Hindi namin inaasahan na lalaki nang ganito, na aabot sa ganitong pangyayari.

“May times talaga na may mga bagay kaming hindi napagkakasunduan. Ito ang gusto niya, ito naman ang gusto ko.

“Normal naman talaga iyon sa mag-asawa.

“Nagkakaroon kami ng debate. Pareho kaming hindi nagpapatalo.

“Pero in the end, may compromise. Ayaw naming mag-end ang araw na magkagalit kami.

“Pareho kaming gagawa ng paraan para magkaayos kami. Nagagawa naman namin iyon.

“Pero sa pagkakataong ito, pareho kaming naging mahina.

“Ayaw man naming umabot sa ganito, pero ito na iyon. Wala na kaming magagawa pa.”

TEXT MESSAGE. Isang text message daw mula kay Ariel ang nagtapos sa kanilang relasyon bilang mag-asawa.

Kuwento ni Cristina, “Noong matanggap ko ang text message niya, nagulat ako.

“Akala ko ay magkakaayos kami… na ita-try naming ma-save ang relasyon namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ako na ang nagpakumbaba sa kanya. Ako na ang nakiusap na huwag naming paabutin sa ganito.

“Pinuntahan ko pa siya sa bahay nila sa Marikina kahit na malakas ang ulan. Gusto ko lang na makapag-usap kami nang maayos.

“Very cold ang pagharap niya sa akin. Sinabi niya sa akin na pag-iisipan daw niya ang lahat.

“Buong akala ko, maayos na. Pero noong mag-text nga siya, malinaw na ayaw na niya.

“Ano pa ba ang gusto niyang gawin ko? Ginawa ko na ang lahat para makita niya na handa akong sumunod sa mga gusto niya.

“Kahit na alam kong mahihirapan ako, susundin ko pa rin siya dahil mag-asawa kami—dahil mahal ko siya.

“Hindi niya ako siguro kayang harapin kaya dinaan na lang niya sa pag-text.

“Sobra akong naiyak. Pati mga anak ko, umiyak sila dahil naging close na sila kay Ariel.”

Sa text message ni Ariel ay nagpasalamat ito kay Cristina dahil sa pagmamahal na ibinigay nito sa kanya at sa inang si Mommy Elvie Villasanta, na kasalukuyang may sakit.

Sinabi rin ni Ariel sa text na sana raw, kahit na hindi tumagal ang kanilang pagsasama ay manatili na ang kanilang pagiging magkaibigan.

HEALING. Ayon naman kay Cristina, sa huling pag-uusap nila ni Ariel ay sinabi ng comedian na kailangang “gamutin” nito ang kanyang sarili.

“Sinabi niya na wala akong kasalanan. Siya raw ang may problema at kailangan daw niyang gamutin ang sarili niya.

“Hindi ko siya maintindihan. Ano ba ang ayaw niya?

“Lahat naman ibinigay ko sa kanya. Handa akong makinig sa kanya kung anuman ang problema niya.

“Pero parang sarado na ang isipan niya. Gusto niyang sundin na lang ang gusto niya.

“Yun ang hindi ko pa rin maintindihan hanggang ngayon,” nagtatakang sabi ng businesswoman.

CHANGING ARIEL’S IDENTITY. May nagsasabi na isa raw sa kinimkim na problema ni Ariel ay nang baguhin ni Cristina ang personalidad ng asawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Para raw nawalan ng sariling identity si Ariel, lalo na kapag magkasama sila ng misis niya.

Depensa naman ni Cristina, “Wala akong nakikitang masama sa ginawa ko.

“Siyempre, asawa ko siya, gusto ko na kung ano ang akin ay sa kanya rin.

“Mali ba yung hinangad mo na maging maayos at presentable siya?

“Hindi naman siya nagreklamo noon. Bakit ngayon lang niya nararamdaman iyon?

“Wala naman akong sinabing ibahin niya ang personalidad niya.

“Kaya ko nga siya pinakasalan dahil sa pagiging masayahin at palabiro niyang tao. Hindi ko pinabago sa kanya iyon,” diin niya.

CALL ME, MAYBE. Noong bumalik si Ariel sa kanilang bahay sa Marikina, hindi na raw ito gumawa ng paraan na tawagan man lang si Cristina.

Sabi ni Cristina, “Two months ago pa siya nandoon sa Marikina after naming mag-away. Ipinahatid ko ang mga gamit niya doon.

“Pero never siyang nag-text or tumawag man lang sa akin.

“Hanggang sa umabot na ng one month. Doon na ako kinabahan. Natakot na ako. Iba na ang feeling ko that time.

“Pero pinaniwala ko ang sarili ko na magkakaayos kami.”

Na-depress daw si Cristina at halos gabi-gabi ay umiiyak ito dahil sa nangyari sa kanila ni Ariel.

“Mahal na mahal ko si Ariel. Yun ang ipinagmamalaki ko.

“Wala akong masabing pangit sa kanya dahil maganda ang pinagsamahan namin. Marami kaming magagandang memories together.

“Kaya sobra akong nasasaktan dahil sa nangyayaring ito.

“Pero dahil sa kasal pa rin kami, nandoon pa rin ang respeto ko sa kanya.

“Pati sa mother niya [Mommy Elvie], sobra kong mahal ‘yan. Hindi iyon magbabago.

“Lagi ko naman sinasabi kay Ariel na malaki ang nagawa niya sa buhay ko.

“Napapangiti niya ako araw-araw. Napapatawa niya ako kapag mainit ang ulo ko dahil sa mga trabaho ko sa opisina.

“Iyon ang mga nami-miss ko ngayon. Malungkot na kapag umuuwi ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya yung mga anak ko, sila ang katabi ko ngayon sa kuwarto. Sila na ngayon ang nagpapasaya sa akin.

“Pero sinasabi ko na iba pa rin ang happiness na bigay ng isang asawa.

“Nasabi nga ng isang anak ko na inakala niya na si Ariel na ang makakasama ko hanggang sa pagtanda ko. Yun din ang inakala ko.

“Ngayon, balik tayo sa pagiging single ulit. Masakit pero kailangang tanggapin ko ito,” saad niya.

THE WEDDINGS. Ilang beses ikinasal sa labas ng Pilipinas sina Ariel at Cristina kahit na dalawang buwan pa lang silang magkakilala noon.

Ikinasal sila sa Hong Kong, Japan, Thailand, at Macau.

Nakaplano na rin sana silang ikasal sa Las Vegas, France, Ukraine, South Africa, at dito sa Pilipinas.

Sa katunayan, naka-set na sana ang kanilang Philippine wedding sa December 12, 2012, sa Hotel Sofitel.

Paghahanda rin ito para sa magiging reality show sana nila na Weddings Around The World.

“Unfortunately, hindi na siya maieere,” malungkot na balita ni Cristina.

“Katawa-tawa naman na ilabas pa namin iyon, e, hiwalay na nga kami.

“Nakahanda na nga ang lahat para sa kasal namin dito sa Pilipinas. Gusto nga namin na 12-12-12, kaya December 12, 2012.

“Kaso hindi na siya matutuloy.”

Kinausap na raw ni Cristina ang kanyang mga abugado para mapawalang-bisa ang mga naging kasal nila sa ibang bansa, partikular na sa Japan at sa Hong Kong.

“Sa Hong Kong kasi, yun ang civil wedding namin. Kaya naka-register kami doon bilang mag-asawa.

“Kahit na sa Japan, may bisa ang kasal namin doon.

“Pangit man sabihin, pero buti na lang at hindi kami natuloy noon sa Las Vegas.

“Dapat noong December 2011 kami nakatakdang magpakasal doon. Hindi natuloy dahil naospital si Ariel that time.

“Kung saka-sakaling natuloy at ganito ang nangyari, malaking abala para sa akin iyon.”

SINGLE LADY, AGAIN. Tatanggalin na rin daw ni Cristina ang Villasanta sa kanyang pangalan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Balik na raw siya sa Cristina Castillo.

“Dahil nga magiging single na ulit ako, balik ako sa Castillo."

Unang nakilala sa showbiz si Cristina bilang Cristina Decena.

Ito ay noong late 1990s, nang maging boyfriend niya si Phillip Salvador. Si Phillip naman ay hiwalay na noon kay Kris Aquino, with whom he has a son, Joshua.

Naging masalimuot din ang paghihiwalay ni Cristina at ni Phillip.

Bandang 2002, kinasuhan ni Cristina ang aktor ng estafa. Noong 2006, kinatigan ng korte si Cristina sa kasong may parusang 20 years na pagkakakulong para kay Phillip. Inapela ito ni Phillip, at noong 2010, pinanigan ng korte si Phillip at ni-reverse ang desisyon ng lower court.

Doon na sa pangalang Cristina Decena nakilala ang businesswoman sa showbiz.

“Yung dating married name ko na Decena, matagal bago naihiwalay iyon sa pangalan ko," sabi niya.

“Noong dumating si Ariel sa buhay ko, doon lang nawala iyon, dahil naging Villasanta ako.

“Ngayon, balik ako sa pagiging single lady.”

DANIEL FERNANDO. Dahil sa nangyari sa kanyang personal na buhay, magpapahinga muna raw si Cristina sa paghahanap ulit ng tunay na pag-ibig.

Pero iniintriga na agad sa kanya ang actor turned politician na si Daniel Fernando, na special guest niya sa kanyang ribbon-cutting event.

Pero ayon kay Cristina, “Matagal ko nang kaibigan ‘yang si Vice Governor [of Bulacan].

“Tumutulong siya sa akin noon pa sa mga nagiging charity work ko sa Bulacan. Sinusuportahan niya ang mga ginagawa kong pagtulong doon.

“Matagal ko na siyang naimbitahan para sa event kong ito. Malay ko bang bigla kaming maghihiwalay ni Ariel, di ba?"

Pero diin ni Cristina, “Huwag na nilang pag-isipan ng kung ano si Vice Governor dahil kaibigan natin ‘yan.

“At wala akong balak na pasukin ang anumang relasyon ngayon. Concentrate muna ako sa mga negosyo ko at sa mga anak ko.”

NO MORE SECOND CHANCE. Hindi na raw umaasa si Cristina na magkakaroon pa sila ng second chance ni Ariel dahil wala siyang nakikitang effort mula sa komedyante.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Cristina, “Saksi ang Panginoon na ako ang gumawa ng paraan. Ako ang nag-effort para maayos namin ang pagsasama namin.

“Pero on his part, parang wala na. Nakapagdesisyon na siya agad kaya hindi na ako aasa pa.”

Ang tanging magagawa na lang daw ni Cristina ay ang mag-move on na. Hindi naman daw titigil ang mundo dahil sa nangyari sa kanila ni Ariel.

“Tuloy ang buhay,” ngiti pa niya.

“Ipnagdarasal ko nga gabi-gabi ang nangyari sa amin ni Ariel.

“Tinatanong ko sa sarili ko kung saan ako nagkamali? Ano ba ang naging kasalanan ko? Bakit nagkagano’n ang samahan namin na maayos naman talaga?

“Na-realize ko na kailangan mahalin ko muna ang sarili ko.

“Masyado kasi akong naging giver. Lagi kong inuuna ang needs ng iba bago ang sarili ko.

“Ngayon, uunahin ko na ang sarili ko.

“Ang nagpapasaya sa akin ngayon ay ang mga anak ko. Sila ang masasabi kong akin talaga at mamahalin ako unconditionally.

“Mas tututok pa ako sa mga negosyo ko. May mga bago akong business at hindi ko ito basta ipagkakatiwala sa ibang tao.

“Nagpapasalamat ako na maganda ang takbo ng mga negosyo ko.”

MEMORABLE MOMENTS. Magtu-two years na sana sa November 6 ang pagsasama nina Ariel at Cristina bilang mag-asawa.

Inamin ni Cristina na kahit nakapagdesisyon na siyang mag-move on, hindi niya makakalimutan ang mga masasayang moments nila ni Ariel.

“May mga karelasyon ka kasing ayaw mo nang maalala pa. Hindi sila tumatak sa puso mo at puro sakit lang ang nakuha mo.

“With Ariel, masasabi ko na naging masaya talaga ako.

“Nagpapasalamat din ako sa kanya dahil for one year and six months ay napadama niya sa akin ang kanyang pagmamahal.

“Dasal ko’y maging masaya siya at mahanap na niya kung ano ang gusto niya sa kanyang buhay,” saad niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN