Adolf Alix Jr. Cinemalaya entry Kalayaan tackles life of lonely soldiers in Spratly Islands

Isa sa mga kalahok na pelikula sa Director’s Showcase category ng Cinemalaya 2012 ay ang Kalayaan (Wildlife) na idinirek ni Adolf Alix Jr. (left). Bida rito ang Thai superstar na si Ananda Everingham (right) bilang isang sundalo na naka-station sa Spratly Islands.


Isa sa entries sa Director’s Showcase ng isinisagawang Cinemalaya Philippine Endependent Film Festival 2012 ang Kalayaan (Wildlife) ni Adolf Alix Jr.

Pinagbibidahan ito nina Luis Alandy, Zanjoe Marudo, at ang sikat na artista sa Thailand na si Ananda Everingham.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Direk Adolf sa gala premiere ng Kalayaan, sa CCP Main Theater noong Martes, July 24, ay ikinuwento niya kung tungkol saan ang pelikula.

“Ang Kalayaan ay tungkol siya sa mga lonely soldiers na Pinoy sa Spratly Islands.

“Kasi parang, siguro noong dini-develop namin yung concept six years ago, hindi pa ganun kainit yung usapin tungkol sa Spratly.

“Ang kuwento namin ay kung paano ini-spend ng soldiers doon yung buhay nila.”

Pinagtatalunan pa rin hanggang ngayon kung kaninong teritoryo ang Spratly Islands, na matatagpuan sa South China Sea.

Ang mga bansang nag-aagawan dito ay China, Brunei, Malaysia, Taiwan, Vietnam, at ang Pilipinas.

True story ba o fiction ang Kalayaan?

Paliwanag ni Adolf, “Yung pelikula, base siya sa mga interviews na nakuha namin from different Pinoy soldiers na nag-stay doon.

“Kasi dati, yung stay nila, three months.

“Sa mga maliliit na island, dalawa o tatlong mga Pilipinong sundalo ang naka-station dun.

“So tatlong buwan silang parang buhay nila… kung ano yung kalungkutan.

“Tapos karamihan sa kanila, siyempre nagkakaroon ng epekto sa pag-iisip nila.

“Yun yung tina-tackle ng pelikula ko.”

Dahil minsan ay dalawa o tatlong sundalo lamang ang nasa isang isla at nananatili roon ng halos tatlong buwan, base sa mga na-interview nila, may mga kakaibang pangyayari bang naikuwento ang mga sundalo?

Dumating kaya sa punto na nagkakaroon ng same-sex relationship ang mga sundalo roon?

“A, hindi ko ‘yan… base dun sa mga interview, wala naman akong narinig.

“Pero siguro posible din ‘yan kasi sa ibang instances… siyempre, kung dalawang tao lang kayong nandun, maaaring mangyari yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero dun sa mga interview ko, karamihan sa mga nakuha ko, base sa kuwento nila, ay nagkakaroon ng problema sa pag-iisip.

“Kasi merong iba sa kanila, nakakita ng mga multo, nakakakita ng sirena...

“Yung mga ganung aspeto ng kuwento ay isinama namin sa palikulang Kalayaan.”

Hindi ba siya natatakot na magkaroon ng negatibong reaksiyon ang hukbong sandatahan ng bansa dahil sa tinatalakay ng kanyang pelikula?

“Well, confident naman ako kasi alam naman nila na yung pelikula ay kuwento siya ng mga sundalo.

“So kapag nag-interview ka ng mga sundalo, kung ano yung mga ikinuwento ng mga sundalong nakausap namin, yun din yung isinapelikula namin.”

Dagdag niya, “Well, kung sa tingin nila… kanya-kanya kasi ‘to ng opinyon.

“Magkaiba kasi tayo ng taste, maaaring yung gusto nila ay hindi natin gusto.

“Ang sa akin lang, sa gitna ng mga pangyayaring ito, lagi namang pinag-uusapan kung kanino ang Spratly, pero hindi napag-uusapan kung sino yung mas biktima.

“Ang mas biktima yung mga Pilipinong sundalo na nag-station dun, na hindi nila kadalasan nalalaman kung ano yung totoong nangyayari.

“Di ba, nagbabantay ka dun, tatlong buwan… Ngayon kasi, isang buwan.

“Meron kang kakarampot na loneliness pay, pero hindi yun sapat sa naranasan nila, psychologically.”

May isang eksena sa Kalayaan na ang isang sundalo ay nakikipagtalik sa isang sirena. Ano ang gusto niyang palabasin dito?

Paliwanag ni Direk Adolf, “Well kasi, kasama na siya dun…

“Kasi nga, kuwento siya ng pagkabaliw dun nung mga tao.

“Yun, minsan siguro naiisip nila nangyayari yung mga ganun, so dinagdag na lang namin yun para maiba nang kaunti yung treatment ng pelikula.

“Pag wala silang magagawa, naglalaro sila, yung mga ganun, beauty pageant.

“Parang kasi… wala, e, how do you spend a maghapon sa isang isla na walang ano, entertainment?

“Basic necessity lang, kung ano yung magagawa nila in a day.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Karamihan sa kanila gumagawa ng daing, iniuuwi nila sa pamilya nila after three months.

“So, yun yung nakakabagot nilang buhay sa Kalayaan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN