MTRCB Chair Mary Grace Poe-Llamanzares explains the two classications given to The Healing

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagbigay ng dalawang klasipikasyon ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), sa pamumuno ni Chairman Mary Grace Poe-Llamanzares, para sa iisang pelikula. Ito ay iginawad sa The Healing ng Star Cinema.


Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagbigay ng dalawang classifications ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa iisang pelikula.

Ito ay ang R-13 at R-18 para sa suspense-horror movie ng Star Cinema, ang The Healing.

Pinagbibidahan ito ni Batangas Governor Vilma Santos at Kim Chiu, at idinirek ni Chito Roño.

TWO CLASSIFICATIONS. Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay MTRCB Chairman Mary Grace Poe-Llamazares, ipinaliwanag niya ang desisyong magbigay ng dalawang classifications.

Nakausap namin si Grace sa MTRCB office sa Timog Avenue, Quezon City, noong Miyerkules, July 25.

Aniya, “Alam mo, ang MTRCB kasi, hindi alam ng marami na ang trabaho namin ay hindi lang magka-klasipika.

“Kailangan tumulong din kami sa industriya ng pelikula at telebisyon para mas maging successful pa sila sa kanilang ginagawa.

“Gusto nating tulungan pareho ang mga manonood at producers.

“Sa ngayon, alam naman natin na pag mga re-issue ng mga pelikula, kunwari napalabas na, ipapalabas nila uli, bibihira yung kumikita na, kapareho nung unang beses na ipinalabas."

Pagpapatuloy ni Chairman Llamanzares, “Ngayon, dahil kami, pinoprotektahan namin ang mga manonood, gusto din namin na magkaroon ng kalayaan ang ating mga directors at producers na gumawa ng mga materyales na matutuwa sila.

“Para sa amin, bigyan natin ng choice ang mga manonood.

“Kung gusto nilang manood ng director’s cut na mas bayolente, nasa kanila yun.

“Pero kailangan lang siyasatin mabuti na ang mga manonood ay nasa tamang edad.

“Ganito yung ibang sinehan, magpapalabas ng R-18; yung ibang sinehan, yung lower classification.

“Pero ang ginagawa naming qualification na pag R-18 version, o mas mataas na version… kunwari ito ang title, The Healing, dapat kasing laki nung title sa umpisa, nakalagay R-18, then The Healing.

“Para hindi malito yung bibili ng tickets.”

JUST THE BEGINNING. Ayon pa sa MTRCB Chairman, simula na ito ng pagbibigay nila ng dalawang ratings kung kinakailangan sa isang pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yeah, simula na, iyan ang gusto natin.

“Pero siyempre, we are accountable to the public.

“Makikita din natin if this will work. And if it doesn’t work, the Board has the responsibility to analyze if we have any regulations that need to be amended.”

FEEDBACK. Dahil nakausap ng PEP ang MTRCB chair noong unang araw pa lang ng pagpapalabas sa mga sinehan ng The Healing, wala pa itong nakukuhang feedback mula sa theater owners sa double classification.

“Pero yung initial feedback dun naman sa mga taga-industriya, kasi may mga members din naman kami ng mga direktor sa Board namin, gusto din nila ng ganun.

“Ang nangyayari… siyempre, we have to think of the commercial viability of the movie, pero ang nangyayari, dahil nga sa commercial viability minsan, masyadong nawawala yung ibang treatment na ikinalulungkot din ng mga direktor.

“So ngayon, mayroon na silang dalawang options.”

Dahil sa ginawang ito ng MTRCB, sobra-sobra ang pasasalamat ni Governor Vilma Santos, Direk Chito Rono, at ng Star Cinema.

Sa kabilang banda, pinasasalamatan naman ng MTRCB chair ang mga ito dahil suportado nila ang bagong regulasyon na ipinatutupad ng MTRCB.

“Siyempre, nagpapasalamat din kami sa kanila, sa kanya [Vilma], na napansin niya, at binigyan niya ng importansiya ang aming trabaho, dahil nagbibigay din iyan ng inspirasyon sa amin.

“Gusto din naming malaman yung mga feedbacks na mga positibo, para malaman namin kung tama ang ginagawa namin.

“Saka siyempre, alam naman natin na mayroong reputasyon ang mga kasama sa pelikula na yun.

“Magaling na direktor [si Chito Roño]… sabi nga ni Governor Vilma.

“Magaling na artista si Governor Vilma at lahat ng kasama diyan.

“Alam naman natin na responsable sila, mga magulang din sila, kaya naiintindihan nila na pag R-18 version, hindi talaga puwedeng mapalabas para sa mga bata.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN