Eric Quizon and his family "starting to move on" after the passing and burial of Comedy King Dolphy

“Nami-miss pa rin namin ang daddy namin, pero kahit paano, there’s a lot of shoulders to cry on and marami kaming nagku-console sa isa’t isa dahil maraming magkakapatid. So, okey naman. So far, we’re moving forward," sabi ng actor-director na si Eric Quizon ilang linggo matapos mailibing ang kanyang ama na si Comedy King Dolphy.


Paglabas ng artikulong ito ay nasa Amerika na marahil si Eric Quizon.

Nagpunta roon ang actor-director upang dalawin ang kanyang ina na si Baby Smith, na nakilala noon bilang ang aktres na si Pamela Ponti.

Last Friday, July 27, ay nakausap si Eric ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa launching ng “Benchingko” na ginanap sa Centerstage Cinema ng SM Mall of Asia.

Dito niya ibinalitang aalis siya para sa limang araw na bakasyon sa U.S.

Kahapon, June 30, lumipad si Eric papuntang Amerika.

Kuwento pa niya, sa telepono lang niya nakakausap ang ina, mula nang ang amang si Comedy King Dolphy ay ma-confine sa Makati Medical Center hanggang sa bawian ito ng buhay noong July 10.

Nami-miss na raw ni Eric ang kanyang mommy kaya gusto niya itong puntahan at dalawin.

MEDITERRANEAN CRUISE. Pero bago ito ay nakapagbakasyon na rin siya at itinuloy ang muntik na sanang makanselang cruise trip niya.

Banggit ni Eric, “Last Wednesday [July 25] lang ako bumalik from… I was in a Mediterranean cruise.”

Ipaliwanag niya kung paano dumating ang bakasyong ito.

“Hindi, kasi binayaran ko yun, last year pa. Group siya, marami kami, may mga bata rin.

“Dapat yun, thirteen days. July 11 ako dapat aalis.

“July 10, namatay si Daddy. So, kinancel ko yun.

“Tinatanong ko kung puwedeng ma-refund o mai-re-book. It’s not refundable, it’s non-transferable.

“Sabi ko, sayang naman yung ibinayad ko.

“Ang nangyari, pagkalibing kay Daddy, nagtanong ako kung puwedeng humabol. Humabol ako.

“Kumbaga, yung cruise, kalahati na lang yung nagamit ko.”

BACK TO WORK. Nakabalik na rin si Eric sa trabaho niya bilang isa sa mga direktor ng “eco-serye” ng TV5 na Enchanted Garden.

Sa bilang ni Eric, walong linggo siyang tumigil sa trabaho mula nang maratay sa ospital ang ama, hanggang sa bawian ito ng buhay at ihatid sa huli nitong hantungan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ganun lang siguro talaga," sambit niya.

“So I think it’s something na kailangang… wala akong magagawa, commitment ko ‘yan.

“May mga commitment ako sa mga idinidirek kong television shows.

“So, wala talaga akong choice, I have to go back at gusto ko rin namang nagtatrabaho.”

BENCHINGKO. Noong Biyernes bumalik ito sa pagte-taping ng Enchanted Garden, pero nagpaalam lang siya saglit para dumalo sa “Benchingko” ng Bench.

Nag-excuse muna si Eric sa taping ng kanyang serye dahil binigyan ng parangal ang kanyang ama ng Bench, sa pamumuno ng CEO-President ng kumpanya na si Mr. Ben Chan.

Nagpaliwanag si Eric kung bakit ganun na lang ang pagnanais niyang makadalo sa “Benchingko,” samantalang kakabalik pa lang niya sa kanyang directorial assignment sa Enchanted Garden.

Hindi lang para sa tribute ng Bench sa kanyang ama ang ipinunta ni Eric, sabi nito, kundi nais din niyang pasalamatan si Mr. Ben Chan.

“Remember Bench came out with my dad’s T-shirts, yung caricature ng dad ko? Two years ago?

“And yung proceeds nun, napunta sa Dolphy’s Aid Para sa Pinoy Foundation.

“Malaki ang naitulong nila sa foundation ng dad ko. It was a percentage of the sales na napunta sa foundation.”

Hindi pa masabi ni Eric kung kailan muling maglalabas ng Dolphy shorts ang Bench, lalo’t dumarami ang nagnanais bumili nito.

“Mag-uusap pa lang muna kami.

“Totoong maraming nagtatanong, kasi nga, maganda yung design ng Bench.

“Yun nga, we’re supposed to sit down. Kasi si Ben Chan, kagagaling lang niya from abroad.

“So, we’re going to sit down, mag-uusap kami para sa paggawa uli ng shirts.”

Ayaw munang ilatag ni Eric ang mga plano nila para sa 40th day ng kamatayan ni Mang Dolphy, pero naiisip daw nilang hingan ng partisipasyon o tulong ang Bench.

STARTING TO MOVE ON. “Starting to move on” ang deskripsyon ni Eric sa pamilya Quizon matapos yumao ng Comedy King.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saad niya, “Nami-miss pa rin namin ang daddy namin, pero kahit paano, there’s a lot of shoulders to cry on, and marami kaming nagku-console sa isa’t isa dahil maraming magkakapatid.

“So, okey naman. So far, we’re moving forward.”

Detalyado naman ang paglalahad ni Eric ng naging kaganapan sa birthday ng kanilang ama noong July 25.

Dapat sana’y 84 years old na ang Comedy King noong araw na iyon.

“We didn’t really celebrate,” pagtutuwid muna ni Eric sa naisulat na nagkaroon ng selebrasyon sa birthday ng kanilang ama.

“Nagpunta muna kami sa Heritage [Memorial Park and Crematorium] and then pagkatapos nun… Willie Revillame invited us for a dinner. It’s a small get-together.

“Nag-Mass lang kami tapos kumain lang kami, and then we had small cake from Hizon’s Bakeshop [paboritong bakeshop ni Dolphy].

“Nagpadala sila ng isang malaking cake. Ayun, pinagsaluhan namin yung cake na yun.”

HOW IS ZSA ZSA? Nilinaw naman ni Eric ang report noon na hindi pumunta sa Heritage Park ang longtime partner ng kanyang ama na si Zsa Zsa Padilla para alalahanin ang kaarawan ng Comedy King. Sa Heritage inilibing ang labi ni Mang Dolphy.

Sabi ni Eric, “She went to Heritage. Nasa Heritage siya the night before… kumbaga, nung eve ng birthday ng dad ko.

“Ako naman, nung umaga nagpunta.

“Kaya lang, that particular day [July 25], she was not feeling well, parang namamanhid yung legs niya. She has stomach cramps.

“She’s going through a lot of pain kaya nag-beg off siya sa dinner given by Willie.”

Okey na ba si Zsa Zsa?

“Well, of course, hindi mo naman maiaalis sa isang tao na nawalan ka ng isang mahal mo sa buhay, natural lang yun na naggi-grieve pa rin yung tao.

“We’re all saying na we’re all okay. Pero there are moments na hindi natin maiaalis yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nandun pa rin siyempre yung memories ng daddy ko at, siyempre, dun siya [Zsa Zsa] nakatira sa bahay sa Marina—na dun sila tumira for the longest time.

“So, siyempre, every nook and cranny ng bahay, e, maaalala niya si Daddy.”

OPEN TO THE PUBLIC? Sinagot din ni Eric ang mga bali-balitang pabubuksan daw nila sa publiko ang puntod ng kanilang ama para sa mga taong nagnanais na bumisita rito.

Aniya, “Well, depende ‘yan sa Heritage kasi… Of course, ang Heritage, marami silang mga ipinagbabawal.

“But kung kinakailangan, probably we set a day kung kailan open siya, kung talagang gusto ng taong pumunta and pay their respect.

“Yun nga lang, may mga rules ang Heritage, na hindi natin puwedeng suwayin ang mga rules na yun.”

Hanggang ngayon ay iisa pa lang daw ang ginawang pagpaparamdam ng daddy niya sa kanya.

Ito nga yung lumabas sa kanyang panaginip ang ama at tinatanong siya kung kumain na ba siya.

“Yun ang lagi niyang sinasabi kapag nagkikita kami, kung kumain na ba ako.

“Pag sinabi kong hindi pa, ‘Sige, halika, kumain tayo.’

“Nagising akong bigla nung sinabi niya yun sa panaginip ko.”

Masaya raw si Eric sa naturang panaginip.

“Oo naman, happy naman ako. Tinatanong nga nila sa akin kung nagpaparamdam ba sa akin ang daddy ko, sana magparamdam siya sa akin,” sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN