Jennylyn Mercado pulls out of Ironman competition in Cebu after mysterious loss of P300,000

Isa na namang pagsubok na may kinalaman sa pera ang dumating sa actress-TV host na si Jennylyn Mercado. Diumano, nawalan siya ng P300,000, na dapat sana’y gagamitin niya para sa pagsali sa Ironman 70.3 Philippine Triathlon Race na gaganapin sa Cebu ngayong Linggo, August 5.


Naabutan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jennylyn Mercado sa dressing room ng Studio 7 ng GMA Network Center kaninang hapon, August 1, na malungkot at parang balisa.

Kausap ng actress-TV host sa telepono noong oras na iyon ang manager niyang si Becky Aguila.

Katatapos lamang mag-shoot ni Jennylyn ng isang segment ng H.O.T. TV, ang bagong showbiz-magazine show ng Kapuso network, na magsisimula na sa Linggo, August 5.

Paglabas niya ng dressing room ay mukhang katatapos lamang niyang umiyak.

CANCELLED TRIP. Ikinuwento ni Jennylyn sa PEP na naloko raw siya ng best friend niya, kaya hindi na matutuloy ang pagsali niya sa Ironman 70.3 Philippine Triathlon Race sa Cebu sa darating na Linggo.

Ayaw nang banggitin ni Jennylyn ang pangalan ng babaeng best friend niya.

Pero masamang-masama raw ang loob ng Kapuso star na pinagkatiwalaan niya ang kaibigan na mag-ayos ng booking patungong Cebu—mula sa plane tickets pati sa hotel reservation sa Shangri-La Mactan.

“Naglabas ako ng malaking pera for Sunday. Buong family ko po dala-dala ko. Si Luis po, kasama rin.

“Siyempre, ang dami po namin.

“Medyo malaki po ang naibigay ko po dahil sa Shangri-La Hotel po kami mag-i-stay, e,” mangiyak-ngiyak niyang pahayag.

Umabot daw sa 300 thousand pesos ang nawala kay Jennylyn dahil sa nangyari.

Sabi pa niya, “Nabayaran na po lahat.

“Nalaman ko na lang kaninang umaga na… naka-receive po ako ng e-mail po mula dito sa best friend ko na nagkaroon nga daw po ng problema.

“Hindi ko pa rin po malaman kung ano talaga ang naging problema bakit hindi matutuloy.

“Naguguluhan pa rin po kami. Siguro soon, malalaman din natin.”

Matagal nang naikuwento ni Jennylyn ang pagsali niya sa malaking sports event na ito sa Cebu, kaya ipinaayos niya ito sa kanyang best friend na dati nang nag-aasikaso ng booking niya kapag may biyahe siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Iniiwasan na lang ni Jennylyn na ikuwento ang buong detalye ng panloloko diumano sa kanya dahil matalik na kaibigan niya ang may kagagawan.

Ang buong akala nga raw niya ay aalis na sila bukas, August 2. Nag-tape na nga siya ng segment niya para sa H.O.T. TV dahil wala siya sa live pilot episode nito.

Saad ni Jennylyn, “Actually, itong week na ‘to, talagang pinagkasya ko ang dalawang araw na taping sa isang araw.

“Nagdu-double talaga ako ng kayod para mapalitan ko yung araw na mawawala ako dito sa mga commitments ko.

“Ayoko namang umalis dito na maiiwan ko lang yung mga commitments ko nang wala na lang.

“Kaya kahit pagod na pagod ako, na may sakit ako, wala akong iniiwan na responsibility dito na nakabitin.

“Kahit papa’no, pag umalis ako, kampante ako na wala akong maiiwang trabaho, wala akong problema, wala akong iisipin.

“Kaya itong week po talaga, binuno ko talaga sa pagtatrabaho para po sa Ironman—na hindi ko po alam kung ano ang nangyari. Medyo naguguluhan pa po talaga ako.

“Hindi ko rin po in-expect na mangyayari, kasi all-set na rin po kami, e, for tomorrow,” himutok ng actress-TV host.

FRIENDSHIP. Hindi pa masabi ni Jennylyn kung ano ang susunod niyang hakbang kaugnay sa kanyang kaibigan.

Aalamin daw ni Jennylyn ang buong detalye bago siya magsalita dahil hindi pa niya nakakausap ang kanyang best friend.

“Okay lang yung pera, e. Pero yung friendship, yung trust na nandun, nakakalungkot na bigla na lang mawawala na ganun lang,” sabi nito.

Kahit masama ang loob, kaagad naman niyang natanggap na hindi na siya matutuloy at nawala na ang 300 thousand pesos na ipinagkatiwala sa kaibigan.

“Nangyari na naman ang hindi dapat mangyari.

“Ganun po talaga, matuto tayo sa bawat leksiyon na pinagdaanan natin.

“Bawat trials at lahat na problemang dumadating sa buhay natin, dun tayo matututo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ngayon, alam ko na. Dapat pala talaga huwag tayo basta-bastang magtiwala,” saad ni Jennylyn.

Matatandaan na hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng problema sa pera o nawalan si Jennylyn.

Noong 2008 ay inihabla ng Kapuso star ang kanyang dating personal assistant na si Rowena “Mel" Pulmano ng mga kasong qualified theft at falsification of documents.

Ito ay dahil diumano sa pagdidispalko ni Mel ng kanyang pera at pagpepeke ng kanyang pirma.

Nakulong ni Mel ng isang taon at isang buwan, ngunit nakalaya siya noong 2011, pagkatapos ma-dismiss ang mga kasong isinampa laban sa kanya ni Jennylyn.

LUIS MANZANO. Napangiti na lang si Jennylyn nang kinumusta namin sa kanya ang boyfriend niyang si Luis Manzano.

Nakalabas na raw ng hospital si Luis at magaling na sa sakit nito.

Nilinaw lang ni Jennylyn ang kumalat na balitang malubha raw ang sakit ni Luis kaya ito nagtagal ng ilang araw sa hospital.

Pahayag nito, “Gusto ko lang iklaro na hindi talaga malala ang sakit niya, kasi baka isipin ng mga tao, ano yun…

“Nagpa-confine lang siya talaga kasi, siyempre, lahat naman tayo concerned sa health natin. Gusto natin masigurado kung normal pa ba ang takbo ng katawan natin.

“Kung may narararamdaman tayong hindi maganda, gusto natin malaman agad kung ano ang problema.

“Yun lang, para sa peace of mind namin lahat.”

Pero nag-alala pa rin daw si Jennylyn dahil magkasunod na buwan na-confine si Luis.

Pina-CT scan din daw ang Kapamilya TV host-actor para matiyak lang kung ano talaga ang diperensiya, pero nalaman nga na viral infection ito at gastritis.

Tatlong gabi raw siyang nagbantay kay Luis sa hospital, at palitan sila ng schedule ng ina ni Luis na si Governor Vilma Santos.

“Hindi po kami nagkakasabay, kasi sa umaga po nagti-taping po ako, tapos sa gabi po ako nandun. Si Tita po sa umaga, ako po sa gabi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ngayon po, healthy na siya,” nakangiting sabi ni Jennylyn tungkol kay Luis.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN