Andrea Torres on bagging lead role in Sana Ay Ikaw Na Nga remake: "Alam ko po na mababago ang career ko dahil sa project na ito."

Napasabak agad sa kissing scene sina Andrea Torres at Mikael Daez sa launching soap nilang Sana Ay Ikaw Nga. Sabi ni Andrea: “Ginawa namin talaga. We just went for it, tapos nagpalakpakan pa sila.”


Napaiyak ang young actress na si Andrea Torres nang siya ang napili ng GMA-7 bilang lead actress sa remake ng 2002 drama series na Sana Ay Ikaw Na Nga.

Gaganap si Andrea sa serye bilang Cecilia, na unang ginampanan ni Tanya Garcia.

Si Mikael Daez ang magiging leading man ni Andrea na gaganap naman bilang si Carlos Miguel, unang ginampanan ni Dingdong Dantes.


UNAWARE.Kuwento ni Andrea sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong August 3, sa Museum Room ng GMA Annex Building, ipinatawag siya isang araw sa isang meeting.

“Noong dumating po ako, nandoon din si Mikael.

"Magkakilala naman na kami ni Mikael kasi nagkasama kami sa My Beloved.

“Tinanong ko siya kung bakit kami nandoon, hindi rin daw niya alam.

“Then, noong umupo na kaming lahat, biglang sinabi sa amin na kami ang napiling lead stars ng Sana Ay Ikaw Na Nga, sabay inabot ang script sa amin.

“Doon po ako umiyak talaga kasi sobra akong na-surprise. Wala akong alam regarding sa project, tapos ako pa ang napili nila.

“Si Mikael, sobra naman siyang masaya—magkaiba nga ang reactions naming dalawa.

“Basta sobrang masaya ako that day at alam ko po na mababago ang career ko dahil sa project na ito.

“Nangako kami ni Mikael na gagawin namin ang nararapat para hindi kami mapahiya sa kanila,” saad ni Andrea.


DUAL ROLE. Nasa tabi ni Andrea ang suwerte dahil sa dami ng Kapuso young stars na puwedeng pagbigyan ng naturang role ay sa kanya ito ibinigay.

Aniya, “Tinatanong ko rin po ang sarili ko kung bakit ako. Marami naman ang puwede diyan na mas nauna sa akin.

“Pero inisip ko na lang na baka they saw something in me na pupuwede sa role na Cecilia.

“Nagpapasalamat na lang po ako dahil nasabi nga nila, wala na silang ibang naisip na kunin for the role kundi ako lang daw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sobra akong natuwa doon.

“Yung tagal kong pagiging artista ay napunta rin sa maganda ang lahat. Dream come true ito for me.”

Malaking challenge para kay Andrea ang Sana Ay Ikaw Na Nga dahil dual role ito—isang tunay at isang pekeng Cecilia.

“Kaya nga po may mga workshops na kaming naka-schedule.

"Mahirap daw po ang gagawin ko sa remake ng Sana Ay Ikaw Na Nga. Mas complex daw po kesa sa original.

“Walang problema sa akin. I will do what they want at gusto kong mahigitan pa ang ini-expect nila sa akin,” sabi ni Andrea.

SHOWBIZ STINT. Noong 2006 nagsimulang pasukin ni Andrea ang showbiz pagkatapos niyang gumawa ng maraming TV commercials, mga pelikula, at TV shows.

Noong pumirma siya ng one-year exclusive contract for GMA-7, isinama siya sa mga seryeng Blusang Itim at My Beloved.

Sabi ni Andrea, “Marami nga po ang nagulat noong malaman nila na six years na pala akong nasa showbiz. Akala nila bago pa lang ako.

“Before kasi, lumapit po ako kay Tita Geleen [Eugenio]. Gusto ko sana na siya ang mag-manage sa akin.

“Pero she was very busy that time with other talents kaya ni-recommend niya ako sa iba.

“Marami na rin ang tumayong manager ko, pero I ended up with Mr. Jojo Oconer ng APT Entertainment.

“Sila ang nag-asikaso ng contract ko with GMA-7."

Si Jojo ang asawa ng actress-TV host na si Ciara Sotto.

“Kaya yung tagal nga na hinintay ko for a big break is finally here. Hindi ko ito pababayaan talaga.

“I will work even harder for my career now,” diin niya.


LEAVE OF ABSENCE. Kailangan munang mag-leave of absence (LOA) si Andrea sa University of Santo Tomas kunsaan kumukuha siya ng kursong Communication Arts.

“Third year na po ako. One year to go na lang at matatapos na ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“But I have to make a decision. Kaysa naman matanggal ako dahil sa dami ng absents ko, mag-LOA muna ako.

“Promise ko naman na tatapusin ko ang kurso ko whatever it takes."

Sabi pa ng 22-year-old actress, “Dapat nga po sa age ko ngayon ay naka-graduate na ako. But I have to make sacrifices.

“Alam ko naman po that the sacrifices I make now will do something good in my life.

“Lagi naman po akong nagdarasal na makaya ko ang lahat—kasama na po diyan ang wish ko na matapos ang college course ko.”


SUPPORTIVE FAMILY. Noong ibalita niya na magbibida na siya sa isang drama series, naiyak din daw ang mga ito.

“I know that for a long time, my parents always wish that I do well in my career. Whatever I decide on, they are always behind me.

“Pero lagi nilang sinasabi rin sa akin na mag-ingat ako sa mga desisyon ko. Always think twice at samahan ko ng dasal.

“I always do that at heto tinupad na nga ni God yung matagal ko nang hiling.

“Siyempre, kaagad ko pong ipinaalam sa parents ko at sa mga kapatid ko. Naiyak din sila sa sobrang tuwa.

“Lagi kasing dinarasal ng family ko na maging tama sana ang desisyon ko na ipagpatuloy ko ang pag-aartista.

“Na may mangyari dahil marami nga po akong isinakrispisyo.”


ON MIKAEL DAEZ. Sinabi ni Andrea na nag-usap na sila ni Mikael tungkol sa kanilang tambalan.

“Whatever the director [Roderick Lindayag] says, alam namin na makakatulong iyon.

“Tulad nga noong mag-workshop kami ni Mikael, he asked us to kiss para ma-break na raw yung wall sa pagitan namin.

“Ginawa namin talaga. Wala na yung nailang kaming dalawa ni Mikael. We just went for it, tapos nagpalakpakan pa sila.

“Medyo nahiya nga po ako after, pero alam namin ni Mikael na we’re doing this para mas maging maganda ang team-up naming dalawa.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Unti-unti na raw niyang nakikilala si Mikael na noo’y nakakabatian lang niya at nakakakuwentuhan nang saglit sa set ng My Beloved.

“Kami naman po ni Mikael, kapag nagkuwentuhan kaming dalawa, okey naman.

“Marami kaming napagkakasunduan na mga bagay. Kaya okey ang vibes namin sa isa’t isa.

“One time nga ay may napag-usapan kami sa set na, ‘Ano kaya na one day, we can be the lead stars ng isang drama series? Okey siguro iyon for us. Mangyari kaya iyon?’

"Ganoon yung pag-uusap namin.

“Then, after many months, dumating itong Sana Ay Ikaw Na Nga… parang nakakakilabot lang.

“Answered prayer nga para sa aming dalawa ni Mikael.”


INTIMATE SCENES. Wala raw problema kina Andrea at Mikael gawin ang intimate scenes dahil pareho naman silang single.

“Four years na po akong loveless,” sabi ni Andrea.

“I had a boyfriend noong 18 years old ako. Pero we broke up dahil marami kaming hindi na mapagkasunduan.

“One reason ay iyong pagpasok ko sa showbiz.

“Hindi po niya maintindihan iyong gusto ko. Kaya isa nga sa naging sacrifice ko ang ay ang aking lovelife.

“Ayoko pong ipagsabay ang lahat. Mahirap na yung may pagsisihan ka balang araw.

“Kaya it’s okay for me na single muna. I do go out on dates, pero group dates kadalasan.

“May mga gustong manligaw pero hindi ko sila binibigyan ng assurance. Okey lang for me na maging barkada muna tayo.

"Wala munang seryosohan dahil priority natin ngayon ang career."

Sa September 3 magsisimula ang Sana Ay Ikaw Na Nga kapalit ng Kasalanan Bang Ibigin Ka?.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN