Kapuso tween star Hiro Magalona recounts how his family narrowly escaped flood in Novaliches; says nothing is left of their belongings

Laking pasasalamat ng young actor na si Hiro Magalona dahil nakalikas ang kanyang buong pamilya mula sa baha sa Novaliches dulot ng walang tigil na pag-ulan ngayong linggo.


Isa ang pamilya ng young actor na si Hiro Magalona sa mga naapektuhan ng baha dulot ng walang tigil na pag-ulan ngayong linggo.

Ikinuwento ng Kapuso tween actor sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung paano binaha ang lugar nila sa Goodwill Subdivision, Novaliches, noong Martes, Agosto 7.

Aniya, “Mga bandang two a.m. nang magising kami mula sa tawag ng mga barangay, na nagsasabing lumikas na kami dahil tumataas na daw yung tubig.

“Kaya naman dali-dali kaming kumilos, kasama ng pamilya ko para lumabas ng bahay.”

Noong una raw ay hanggang binti lang ang baha sa kanilang lugar, pero ilang minuto lang ang lumipas ay bigla itong tumaas sa limang talampakan.

“Paglabas namin ng bahay, hanggang binti na yung tubig.

“Sa tulong ng kapatid ko, itinulak namin yung isang sasakyan namin. Hindi tumakbo agad yung sasakyan siguro dahil na rin sa baha, pinasok na ng tubig yung makina.

"Sobrang lakas talaga ng current ng tubig.

“Yung ibang pamilya ko, sumakay na sa van namin papaalis sa bahay namin.

“Tapos, bigla-bigla na lang tumaas yung tubig ng five feet ilang minuto lang ang nakalipas.”

Mabuti na lang daw at nakalikas kaagad sila sakay ng kanilang dalawang sasakyan.

“Kasi kung nagkataon, baka hindi namin alam yung nangyari sa amin, kasi nandun yung lolo at lola ko. Tapos biglaan talaga ang pagtaas ng tubig.”

Hindi naman daw napigilang maiyak ni Hiro dahil wala silang naisalba sa kanilang gamit.

Hindi rin daw nila naisara ang kanilang bahay bago umalis, kaya karamihan ng kanilang gamit at kasangkapan ay inanod ng baha.

“Wala kaming nailigtas kasi inuna muna namin yung sarili namin.

“Wala man lamang kaming nadalang gamit dahil biglaan ang pagtaas ng tubig. Kung ano yung suot namin, yun lang nadala namin.

“Kaya naman halos lahat ng naipundar ko, nawalang parang bula.”

Nagpapasalamat na lang daw si Hiro sa Diyos dahil walang napahamak sa kanyang pamilya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Thankful na rin ako kay Lord kasi buhay kaming lahat, kahit na nawala yung mga gamit namin, ang mahalaga ay ligtas kami at magkakasama.

“Inisip ko na lang na makakabili pa rin ako ng mga nawalang gamit sa amin, sa mga susunod na araw.”

Nagpapasalamat din si Hiro sa ama-amahan niya sa showbiz na si German “Kuya Germs” Moreno dahil ito raw ang unang tumulong sa kanya.

“Kasi nung tawagan ko siya ng nangyari sa pamilya ko, siya yung unang tumulong sa amin.

“Yung suot ko ngang damit nang pumunta ako sa radio program ni Kuya Germs, hiniram ko lang sa pinsan ko, kasi wala talagang natira sa damit ko.

“Nakakalungkot nga kasi two months pa lang kami doon sa bago naming bahay, tapos ganun ang nangyari.

“Ayaw na nga ng lolo at lola kong bumalik dun, medyo na-trauma sa nangyari. Nakita kasi nila ang pagtaas ng tubig.”

Sa ngayon daw ay nakatira ang pamilya ni Hiro sa dati nilang bahay na tinitirhan na ng kanilang kamag-anak.

Hindi raw alam ni Hiro kung babalik pa sila sa dati nilang tirahan o lilipat na sila.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN