Aga Muhlach celebrates 43rd birthday in Camotes Island

Isang kakaibang selebrasyon ang nangyari sa mismong kaarawan ni Aga Muhlach noong August 12. Imbes na party ang nangyari, dumaan si Aga sa iba’t ibang challenges sa Camotes Island sa Cebu. Ito ay bilang bahagi ng kanyang show sa TV5 na Pinoy Explorer.


Noong Linggo, August 12, eksaktong kaarawan ni Aga Muhlach, isang espesyal na episode ang inihanda para sa kanya ng show niya sa TV5 na Pinoy Explorer.

Imbes na isang engrandeng selebrasyon ay isang challenge ang ipinagawa sa 43-year-old actor-TV host.

Nagkaroon ng isang exploration sa isang isla si Aga sa Cebu—ang Camotes Island.

Ang Camotes Island ay malayong isla sa naturang probinsiya, na mayroong apat na munisipalidad (Poro, San Francisco, Tudela, Pilar), at tinatayang may 90,000 na population.

Sa bawat challenge ay may iniabot na regalo ang mga ordinaryong tao sa kanya na nagiging gabay upang matapos niya ang isang araw at isang gabing “buhay-isla.”

THE BIRTHDAY CHALLENGE. Sa pagpunta ni Aga sa isla, kailangan niyang sumakay sa isang maliit na roro boat na may halos dalawang oras na biyahe.

Pagdating niya sa pier ng Camotes ay kailangan niyang sumakay ng motor papunta sa una niyang destinasyon.

Unang pinuntahan ni Aga ang isang pamilyang naghahabi ng banig. Kailangan niyang matutong gumawa ng banig dahil ito ay isa sa kanyang mga challenge.

Nakilala niya sa kanyang unang pagsubok ang pamilya ni Mang Bonifacio Wenceslao na taga-habi ng banig sa isla.

Matapos gumawa ng banig ni Aga ay tumungo na siya sa susunod na destinasyon, isang lawa na kung tawagin ay Lake Danao sa barangay Esperanza, San Francisco, Camotes.

Isang bangka ang sumalubong kay Aga, na naghatid sa kanya sa isang mabato at walang kabahay-bahay na bahagi ng isla. Dito siya pansamantalang namahinga ng ilang oras.

Wala pa ring kain si Aga kaya naghanap siya sa paligid ng makakain at nakahanap naman siya—isang hinog na papaya.

Matapos ang ilang oras, kailangan nang makahanap ng mapagpapahingahang lugar si Aga at natagpuan niya ang kabilang bahagi ng lugar na may pampang at malinis na dagat, kaya naman naligo muna siya.

Nakilala ni Aga dito ang mangingisdang si Jed, kaya naman namingwit sila ng magiging hapunan ng aktor. Nakahuli sila ng dalawang isdang “mungit” at kanila itong inihaw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matapos maghapunan ay naghanda na upang matulog si Aga sa bahagi na iyon ng isla.

Kinaumagahan, isang malaki at masayang birthday celebration ang inihanda ng mga taga-Tulang Diyot (isang sitio ng Esperanza), kung saan halos ang buong populasyon ng lugar ay bumati sa aktor.

May dance number pa ang mga kabataan, kuntodo costume at choreography, para kay Aga.

At may inihandang salo-salo ang taga-Tulang Diyot.

Nakipag-sayaw si Aga sa ilang mga kababaihan at bumati sa mga tuwang-tuwang tagaroon.

Pagkatapos nito, nagbigay naman ng mensahe si Aga sa crowd.

Simple lang ang mensahe ni Aga, ngunit bakas sa mukha nito na damdam niya ang sinasabi: “Maraming salamat sa inyo, hindi ko makakalimutan ‘tong araw na ito at masayang-masaya ako na nakasama ko kayong lahat, thank you very much.”

MESSAGES FROM HIS FAMILY. Bago matapos ang episode, may ipinaabot naman na mensahe kay Aga ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng sulat.

Mensahe ng misis niyang si Charlene Gonzalez: “To my soulmate, my life partner, and my best friend. Thank you for giving me and the kids the gift of love.

“Always remember, no matter what, the kids and I will always be with you, to love you and support you 100 percent, happy birthday my love and here’s to many more years to come and happiness.

“P.S. We miss you very much.”

Mula naman kay Andres: “Dear Dad, happy birthday, I love you so much, you’re the best dad in the whole world. I love you.”

Sabi naman ni Atasha: “Dear Dad, happy birthday, you are the best dad in the world, you support me all the time.

“Thank you for making me feel like I’m the best daughter in the world. I love you and happy birthday.”

Dito ay namugto ang mga mata ni Aga, bagamat pinigilan niya ang pag-iyak.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN