Queen of Visayan Songs Susan Fuentes stricken with kidney ailment, according to Dulce

Sa gitna ng press conference para sa bagong produksiyon ng Katy The Musical, naluluhang ikinuwento ng cast member na si Dulce ang masaklap na pinagdadaanan ngayon ng tinaguriang Queen of Visayan Songs na si Susan Fuentes (inset). Naka-confine ngayon si Susan sa National Kidney Transplant Institute sa Quezon City at sumasailalim sa dialysis treatment.


Napaluha ang veteran singer na si Dulce habang inaawit ang kantang “Minsan Ang Minahal Ay Ako” sa press conference ng Katy: The Musical kahapon, Agosto 14, sa Batasang Pambansa Complex, Quezon City.

Ang awitin ay bahagi ng naturang produksiyon ng Spotlight Artists Centre, na nagtatampok sa buhay ng reyna ng Philippine bodabil o vaudeville na si Catalina “Katy” dela Cruz.

Ayon kay Dulce, naging emosyonal siya sa pagkanta dahil nakaka-relate siya sa tema ng awitin.

Tinatalakay kasi nito ang mga pagninilay ng dati ring bodabil star na si Olivia tungkol sa pagkawala ng ningning ng kanyang bituin sa showbiz.

Saad ni Dulce, “Siguro nakaka-relate lang sa sitwasyon ngayon. Kasi iyong pinaka [ibig sabihin] ng song is ‘Minsan, ang minahal ay ako.’

“I don’t know if any of you know, pero meron kasi ako ngayong inaayos na bagay para sa isang mang-aawit din dati na tinutulungan namin.

“Actually, Isay [Alvarez] is with me in coming up with a fundraising concert for this person, na dati rin siyang mang-aawit.

“Iyon actually ang pumasok sa isip ko habang kinakanta ko ito, kasi gano’n iyon, e, gano’n din iyong pinagdaanan.

"Nanggaling na siya diyan, minsan siya rin ang minahal, minsan siya’y [naging sikat] sa entablado.”

Ang tinutukoy ni Dulce na mang-aawit ay si Susan Fuentes—ang dating tinaguriang Queen of Visayan Songs.

Siya ang nagpasikat sa ilang classic Filipino songs gaya ng “Usahay” at “Miss Kita Kung Christmas.”

Ayon kay Dulce, naka-confine ngayon sa National Kidney Transplant Institute sa Quezon City si Susan, at sumasailalim sa dialysis treatment.

ADOPTING SUSAN. Matagal na umanong nasa poder ni Dulce si Susan.

Kuwento niya, noong una ay nagpupunta lamang sa bahay niya si Susan upang mangumusta at dumalaw.

Kuwento niya, “Siyempre, ako bilang isang fan niya—kasi talagang kilalang-kilala siya, sikat na sikat siya, nakatingala ako sa kanya—e nando’n iyong pagiging fan ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“‘Tapos mula noon, naramdaman na niya siguro talaga na napa-close siya sa akin. ‘Tapos lagi na siyang nagpupunta sa akin.

“Doon ko naramdaman iyong mga hinaing niya, kung ano iyong mga pinagdadaanan niya, and talaga palang wala siyang… iyong supply para i-provide iyong needs niya doon sa medication.

“Kasi pala, kapag naoperahan ka, na-transplant ka, you have to have this anti-rejection medication.

“Hindi pala niya nagagawa sa sarili niya iyon kasi kulang siya.

“‘Tapos dumating na iyong time na sunud-sunod na talagang lagi ko siyang kasama, ‘tapos hindi ko naman alam iyong gano’ng need niya dahil hindi naman siya masyadong nag-o-open up about it.

“Until talaga na lang makikita mo namamanas na siya, ‘tapos grabe na, halos hindi na siya makahinga.

“So, pag pumupunta siya sa bahay… there were times na pupunta siya kahit wala ako. Basta iyong kakain lang, gano’n.

“Basta she’s free to come. Tanggap ko naman siya sa bahay.

"Kahit wala ako sa bahay, sabi ko sa kanya, she can stay.”

Sa itinagal nga ng pamamalagi ni Susan kay Dulce ay napilitan na itong akuin ang responsibilidad sa pag-aalaga sa idolong naging malapit na niyang kaibigan.

“Hanggang sa noong talagang parang mahinang-mahina na siya, so na-feel ko na kailangan ko siyang dalhin na sa emergency [room] talaga.

“At doon [nalaman] talagang kailangan siyang i-emergency dialysis na. Araw-araw na iyon, sunud-sunod.

“‘Tapos ngayon, siyempre, nagma-mount up iyong bills talaga.

"Hindi naman namin kayang mag-asawa na kami-kami lang, so humingi na ako ng tulong.”

Kamakailan ay nag-post si Dulce sa kanyang Facebook account ng isang panawagan sa mga kapwa singers at kasamahan sa industriya, upang tulungan siyang magtayo ng isang fundraising project para sa kaibigan.

Isa na nga sa mga tumugon ay si Isay Alvarez, malapit na kaibigan ni Dulce, na makakasama rin niya sa Katy The Musical.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Gagampanan ni Isay ang lead role.

USAHAY: A MOMENT FOR SUSAN. Ang fundraising concert na itinayo ng grupo nina Dulce at Isay ay pinamagatang Usahay: A Moment For Susan.

Ito ay magaganap sa Agosto 28, sa Zirkoh Bar sa Tomas Morato, Quezon City.

Sabi ni Dulce, “Usahay kasi sa Bisaya means minsan. Parang binigyan mo si Susan ng konting panahon.

“Ito ay para makalikom tayo, para matulungan siya sa kanyang pangangailangan sa kanyang medical needs.

“Kung magkano, kung ano iyong maging [kikitain], iyon ay gagamitin natin lahat para sa kanyang pangangailangan.

“At talagang balak ko rin sana mayroong maisubi para sa later on, kasi it’s an ongoing treatment na, e.”

FAMILY PROBLEMS? Hindi naman naiwasang ungakatin ng media kung nasaan ang pamilya ni Susan sa gitna ng pinagdadaanan nito.

Ayon kay Dulce, “Wala na akong masabi na family na puwede niyang hingan ng tulong. Wala. Hanggang diyan lang.

“May mga kapatid siya na [nagbibigay] pakonti-konti lang, pero they don’t have much also, e.

“Parang ang tulong na lang nila sa akin ay bantayan siya or dalaw-dalawin siya.

“Merong isang kaibigan na kasama sa simbahan, iyon ang nag-aalaga sa kanya, nakabantay sa kanya [sa ospital].”

Bagamat iniwasang banggitin nang diretsahan ni Dulce ang tungkol sa mga anak si Susan, hindi naman nito pinalampas ang pagkakataon na manawagan sa kanila upang bigyang tulong ang kanilang nagdarahop na ina.

“Doon sa mga talagang dapat ding tumulong talaga sa kanya, mga pamilya, humihingi rin ako ng tulong sa kanila, na gawin kung ano ang kaya nilang gawin.

“Kung ano man iyong mga istorya nila in the past, sana palampasin na nila iyon. At this point, ito iyong need.

“Sana tulungan nila si Susan dahil hindi natin alam ang buhay kung hanggang saan na lang siya.

“But as far as I’m concerned, gagawin ko lang iyong hanggang sa kaya namin, kasi I can only do so much din. May sarili din akong pamilya, sariling pangangailangan.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa ngayon ay may 33 confirmed artists na magpe-perform sa concert para kay Susan.

Kabilang dito sina Jose Mari Chan, Aiza Seguerra, Frencheska Farr, Jett Pangan, Faith Cuneta, Gary Granada, Marco Sison, at Nonoy Zuñiga.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN