(UPDATED) Susan Roces and Mary Grace Poe-Llamanzares formally accept Fernando Poe Jr.’s National Artist medallion and citation from President Noynoy Aquino

Sinabi ni Mary Grace Poe-Llamanzares (kaliwa) ang dahilan kung bakit hindi nila kinilala noon ang National Artist award na iginawad sa kanyang amang si Fernando Poe Jr. Aniya: “Kasi noon, hindi namin tinanggap, kasi naniniwala kami na ang isang karangalan ay dapat ibinibigay ng isang taong marangal.”


Pormal nang tinanggap ng mag-inang Susan Roces at Mary Grace Poe-Llamanzares ang National Artist medallion at citation para sa yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr.

Ito’y ginanap bandang alas-diyes ng umaga kahapon, Agosto 16, sa Malacañang Palace.

Mismong si President Benigno "Noynoy" Aquino III ang naggawad ng parangal sa mga mahal sa buhay ni FPJ.

Sinabi ni Susan nang makapanayam siya ng ABS-CBN News kahapon, "Hindi po ako nakatulog nang magdamag sa pag-iisip sa pagtanggap ng karangalang ito.

"Pambihira ang karangalang ito.

"Salamat kay PNoy sa pagkumpirma kay FPJ. It’s worth waiting for to receive this award mula sa isang tunay na halal na pangulo."

Dagdag naman ni Mary Grace, iba raw talaga ang pakiramdam kapag galing sa isang "marangal" na tao ang parangal.

Matatandaan na noong Mayo 23, 2006, ay iginawad ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang posthumous National Artist award kay FPJ.

Tumanggi ang pamilya ng King of Philippine Movies na tanggapin ang parangal na ito sa ilalim ng administrasyon ni GMA.

Naging magkatunggali sina GMA at FPJ noong 2004 presidential elections, na pinagwagian ng una ayon sa tally ng Commission on Elections.

Ito ay sa kabila ng paniniwala ng marami na si FPJ ang nanalo.

Sumakabilang buhay si FPJ noong December 14, 2004, ilang buwan makalipas ang presidential election.

Sa dating panayam kay Grace, na kasalukuyang chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), ipinaliwanag nito ang dahilan kung bakit hindi nila kinilala ang naturang parangal sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

Aniya, “Kasi noon, hindi namin tinanggap, kasi naniniwala kami na ang isang karangalan ay dapat ibinibigay ng isang taong marangal.

“Kaya ngayon na manggagaling sa isang Presidente na tunay na marangal at may kredibilidad, kami po ay taus-pusong nagpapasalamat.”

Nitong Hulyo 27 ay pinagtibay ni Pangulong Aquino ang Proclamation No. 1069, na pormal na nagdedeklara kay FPJ bilang National Artist.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya ang mensahe ni Grace kay PNoy: “Kami ay natutuwa at nagpapasalamat na, sa wakas, matatanggap na rin namin ang pisikal na medalya para sa National Artist.”

(CLICK HERE for related article.)


WORTH THE WAIT. Bukod sa mag-inang Susan at Grace, dumalo rin sa naturang seremonya ang iba pang National Artists na sina Napoleon Abueva, Eddie Romero, Virgilio Almario, at Abdulmari Imao.

Matapos tanggapin ang National Artist medallion at citation, sinabi ni Susan na "worth the wait" ang parangal na ito para sa yumaong asawa.

Pinasalamatan din ng beteranang aktres ang Movie Workers Welfare Foundation, Inc. (MOWELFUND), na pinamumunuan nina Boots Anson Roa at ng National Artist for film na si Eddie Romero.

Sila kasi ang nagnomina kay FPJ para sa naturang parangal.

Gayundin, nagpasalamat si Susan kay Pangulong Aquino para sa pagpapatibay sa proklamasyon kay FPJ bilang National Artist.

Hindi rin niya nakalimutang pasalamatan ang mga tagahanga ni Da King na sumuporta at naniwala sa sining nito.

NO ONE LIKE FPJ. Sinabi naman ni PNoy sa kanyang talumpati na isang malaking karangalan para sa kanyang administrasyon na igawad ang karangalang ito kay FPJ.

Nauunawaan din daw nila ang anim na taong paghihintay ng kaanak ng Hari ng Pelikulang Pilipino na matapos ang termino ni dating Pangulong Arroyo.

Saad ni PNoy, "Alam naman po natin na noong 2006 pa dapat ibinigay ang karangalang ito kay FPJ.

"Ngunit tayo pong nasa tuwid na daan, alam nating hindi kalabisan ang naging pasya ni Susan Roces at ng kanyang pamilya na ipagpaliban ang pagtanggap sa karangalang ito.

"Batid nating ang kabuluhan ng anumang parangal ay nagbubukal sa integridad ng institusyong nagbibigay ng gawad, at sa tiwala ng publiko sa institusyong ito.

"Anim na taon mang naudlot ang paghirang kay FPJ bilang Pambansang Alagad ng Sining, mahigit kalahating siglo naman po ang nakalipas mula nang una siyang lumabas sa pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Mahigit kalahating siglo na ang nakalipas mula nang makamit niya ang pinakamataas na parangal na maaaring matanggap ninuman—ang paghanga at pagmamahal ng taumbayan.

"At hanggang ngayon, mahigit pitong taon man ang nakaraan nang bumalik siya sa piling ng ating Panginoon, hindi pa rin kumukupas ang iniwan niyang tatak sa ating kamalayan."

Ikinuwento rin ng Pangulo ang isang anekdota tungkol sa isang empleyado nila noon sa Hacienda Luisita.

Pag-alala niya, lumiliban pa talaga ang naturang trabahador para lang mapanood sa first showing date ang pelikula ni Da King.

Naniniwala rin si PNoy na lumipas man ang panahon, wala nang maaaring pumalit kay FPJ.

Hindi lamang daw ito aktor, kundi isa rin daw Pilipino na dapat lamang idolohin ng nakararami.

"Higit pa sa pagiging aktor, higit sa pagiging writer, prodyuser, at direktor, isa siyang Pilipinong mapagkumbaba, mapagmalasakit, at matulungin sa kapwa.

"Sa mga magtatanong sa susunod na henerasyon kung sino si FPJ, nagkakaisang tinig nating isasagot sa kanila: Siya ang Hari ng Pelikulang Pilipino, alagad ng sining na patuloy na magiging bahagi ng bawat lights, camera, action sa buhay ng sambayanan."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN