Chris Tiu will play for Rain Or Shine; picked seventh overall in the 2012 PBA Draft

Tuloy na tuloy na ang pagsabak sa Philippine Basketball Association ni Chris Tiu (kaliwa) matapos siyang piliin ng Rain Or Shine sa ginanap na 2012 PBA Draft ngayong gabi, August 19. Ang Cebuano naman na si June Mar Fajardo (kanan) ang naging No. 1 overall pick matapos siyang kunin ng Petron sa first round.


Bukod sa magiging No. 1 Overall Draft Pick, isa sa inabangan sa katatapos lamang na 2012 PBA Draft ay kung saang team maglalaro ang sikat na basketeer/TV host/commercial endorser na si Chris Tiu.

At ang team na pumili sa dating Ateneo Blue Eagles team captain ay ang Rain Or Shine, ang kasalukuyang may hawak ng Philippine Basketball Association championship crown.

Ginanap ang 2012 PBA Draft Pick event sa Robinson’s Place Midtown Mall sa Ermita, Manila, kanina, August 19.

Bago ang draft pick ay hinulaan ng ilang basketball experts na isa si Tiu sa magiging top picks, at hindi bababa sa fifth pick ang magiging ranggo niya.

Pero hindi ito nangyari. Seventh overall draft pick ang sikat na TV personality at commercial endorser.

Marami rin ang umasa na mapunta si Tiu sa pinakasikat na koponan sa PBA, ang Barangay Ginebra.

Nagsigawan nga ang mga nasa Robinson’s Place nang banggitin ni PBA Commissioner Chito Salud kung sino ang pinili ng Ginebra bilang first-round pick nila.

"Chris" kasi ang binanggit na pangalan ni Commissioner Salud, ngunit hindi Tiu ang apelyido.

Sa halip, ang kinuha ng Ginebra ay ang Fil-Am na si Chris Ellis, na siyang naging sixth overall pick.

Sa interview ni Tiu pagkatapos niyang mapili ay sinabi niyang masaya siyang mapunta sa Rain Or Shine.

Bukod sa malapit na kaibigan ng kanyang pamilya ang mga may-ari ng kumpanya ay makakasama niya rin sa koponan ang kaibigang si TY Tang.

TOP 10 PICK. Gaya ng inaasahan, ang No. 1 Overall Draft Pick ngayong taon ay ang 6’10" na si June Mar Fajardo, na pinili ng Petron, na nakakuha ng first slot sa sampung koponan sa PBA.

Star player ng University of Cebu si June Mar bago siya nagdesisyong sumali sa PBA.

Pangalawang pumili ang Alaska, at ang kinuha nila ay ang NCCA star na si Calvin Abueva, na naging Second Pick Overall.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa ikalawang pick ng Petron Blaze sa first round ay kinuha nila si Alex Mallari, na naging Third Pick Overall.

Fourth Pick Overall si Cliff Hodge na napunta sa Meralco.

Pang-limang pumili ang Barako Bulls, at kinuha nila si Aldrech Ramos, na dating starting center ng Far Eastern University, kaya ito ang naging Fifth Pick Overall.

Pero hindi pa man natatapos ang gabi, at hindi pa man siya nakakapaglaro ng kanyang first game sa PBA, ay na-trade na agad si Ramos.

Kinuha ng B-Meg si Ramos kapalit ni Sean Anthony.

Sa ikalawang pick ng Ginebra sa first round ay isa na namang Fil-Am ang kinuha nila—si Keith Jensen, na naging Ninth Pick Overall.

Dapat sana ay ang B-Meg ang ika-siyam na pipili, ngunit ibinigay nila ang puwestong ito sa Global Port dahil sa naunang trade sa pagitan ng dalawang koponan.

Ang Global Port din ang panghuling pumili sa first round. Ang kanilang mga nakuha ay sina Vic Manuel (9th) at Jason Deutchmann (10th).

THE NEXT ROUNDS. Sa SECOND ROUND ay ito ang mga kinuha ng PBA teams, ayon sa pagkasunud-sunod: Yousef Taha (Air 21), Dave Marcelo (B-Meg), Jewel Ponferrada (B-Meg), AJ Mandani (Global Port), Lester Alvarez (Barako Bull), Emman Monfort (Barako Bull), Kelly Nabong (Meralco), Woody Co (Barako Bull), Raphy Reyes (Alaska), at Jaypee Belencion (Talk ’N Text).

Ang mga nakuha naman sa THIRD ROUND ay sina: Simon Atkins (Air21), Karl Dehesa (Alaska), Ryan Boado (Barako Bull), Janus Lozada (Meralco), Mark Sarangay (Petron), Macky Acosta (Global Port), Bacon Austria (Rain Or Shine), Jerick Canada (Ginebra), Gian Chiu (B-Meg), at Jason Escueta (Talk ’N Text).

Si Atkins ang nabalita noong nanliligaw sa Kapamilya young actress na si Kim Chiu.

Sa FOURTH ROUND ang picks naman ay sina: Kokoy Hermosisima (Barako Bull), Eric Suguitan (Meralco), Jan Colina (Global Port), Jewel Palomique (Rain Or Shine), Paul Zamar (Ginebra), at Ramon Mabayo (B-Meg).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa FIFTH ROUND ay dalawa na lang ang napili: sina VJ Serios (Global Port) at JR Buensuceso (Ginebra).

Sa SIXTH ROUND ay ang Ginebra na lamang ang pumili, at ang naging last overall pick nila ay si Elliot Tan.

Fifty-eight aspiring rookies ang nag-apply sa PBA Draft ngayong taon, ngunit thirty-nine lamang ang nakuha.

Pero hindi pa rin nakatitiyak ang mga napiling ito kung papipirmahin sila ng kontrata ng koponang kumuha sa kanila.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa 2012 PBA Draft, bisitahin ang spin.ph.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN