YouTube “Random Girl” Zendee Rose Tenerefe performs in Party Pilipinas; says Ellen people contacted her for an appearance

Nakikilala na ngayon si Zendee Rose Tenerefe, ang tinagurian “Random Girl” sa YouTube. Bukod sa YouTube user na si youngjay0918 na nag-upload ng kanyang video, malaki rin daw ang utang na loob ni Zendee sa Pambansang Kamao at Saranggani Congressman Manny Pacquiao.


Nag-guest na sa Party Pilipinas nung Linggo ang tinaguriang “Random Girl” na si Zendee Rose Tenerefe.

Naging viral ang YouTube video niyang “And I Am Telling You (Random Girl) (SM Megamall)” na in-upload ni youngjay0918 sa social networking sites, at naging daan para makilala si Zendee nang husto.

Nung Linggo, nakipagsabayan na ng biritan si Zendee kina Jonalyn Viray, Aicelle Santos, at Rachelle Ann Go.

Inawit nila ang medley ng R&B hits na kinabibilangan ng “And I Am Telling You (I’m Not Going),” “Through The Fire,” at “Believe.”

MEETING HER IDOL. “Sobrang natuwa po talaga ako, feeling ko natupad na ang pangarap ko na makapag-perform at umawit sa stage ng Party Pilipinas.

“Nagawa kong makipag-duet pa sa idol kong si Jonalyn Viray, tapos nakita at nakilala ko pa si Ms. Regine Velasquez.

“Sobrang blessing po talaga,” excited na bungad ni Zendee sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanya nung Linggo, August 19, sa lobby ng GMA-7 Network Building, matapos ang guesting niya sa Party Pilipinas.

Hindi raw akalain ni Zendee na mangyayari ang ganito sa kanya.

“Napanood ko lang po sila, nangangarap lang po ako na makasama ko sila, pero ngayon nakakanta pa ako kasama nila!

“Akala ko nga po hindi ko maabot yung mga kanta namin sa sobrang nerb’yos ko. Pero natuwa ako, kasi naabot ko pala.

“Ang babait at napaka-supportive po nina Aicelle, Rachelle Ann, at si Jonalyn.

“The best po itong moment na ito sa akin,” masaya pa niyang sabi.

Aminado si Zendee na nakadama siya ng kaunting pagbabago sa kanyang buhay mula nang mapansin ang video niya sa YouTube.

Mahigit na sa isang milyon ang views ng kanyang video.

Kuwento nga niya, “Marami pong nagpapa-picture. May mga nag-i-interview na rin po sa aking mga reporters, gaya po ninyo.

“Marami po akong natatanggap na magagandang comments po sa Facebook ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

GOING STATESIDE? At posible pang hindi lang sa Pilipinas makilala nang husto si Zendee kundi pati na rin sa U.S.

Kinontak daw kasi siya ng isang U.S. TV show.

“Nag-message po sa akin ang The Ellen DeGeneres Show po.”

Ang The Ellen DeGeneres Show o Ellen ay ang U.S. syndicated talk show ni American actress and TV host Ellen DeGeneres.

“Nag-message po sila sa akin sa YouTube po. Gusto po nilang makipag-communicate sa akin.

“Ibinigay po nila yung email add nila…

“Actually po, nung isang araw pa po sila nag-message, nung Saturday ko lang po na-reply-an kasi marami po akong ginawa,” kuwento pa ni Zendee, na sumagot daw nung August 18.

“Saka hindi ko po alam kung ano po ang isasagot ko. Parang hindi ako makapaniwala.

“Actually, nung nabasa ko yung message nila, nagtatalon po ako sa tuwa. Tumakbo ako sa loob ng bahay namin sa sobrang tuwa!”

Hindi ba siya nag-alala na baka nagkukunwari lang na taga-The Ellen DeGeneres Show ang nag-message o nanloloko lang?

“Ay, hindi po. Na-search ko na po. Totoo naman po yung email ad na ibinigay nila.

“Sabi nila, mag-iwan ako ng contact numbers ko, then yung information tungkol sa akin,” kuwento pa ni Zendee.

Maliban sa pagiging excited, nakakaramdam na rin ngayon nang pag-aalala si Zendee na baka mahirapan siyang makipag-communicate sa staff ng show o kay Ellen DeGeneres mismo.

“Kasi po Inggles, e. Hindi naman po ako masyadong marunong mag-Inggles. Baka mahirapan lang po ako.

“Pero sabi nga nila, huwag daw akong matakot, kasi opportunity ko na raw yun,” nakangiti niyang sabi.

FOURTH PINOY GUEST ON ELLEN? Kapag natuloy ang guesting ni Zendee sa Ellen, siya na ang ikaapat Pilipino na lumipad sa U.S. para mag-guest sa nabanggit na American show.

Una nang nag-guest doon si Charice Pempengco, pagkatapos ay si Rhap Salazar, at ang huli’y ang Pinay housekeeper ni Ellen na si Luzviminda “Mindy” Casimiro.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung matutuloy siyang makilala sa U.S., siguradong ikukumpara siya sa nauna sa kanyang si Charice.

Siya na nga ba ang papalit kay Charice sa popularidad na narrating nito sa U.S.?

“Siguro hindi naman po papalit. Madadagdagan lang po yung mga international singers from the Philippines.

“Iba po si Charice, iba rin po ako. Yun po,” sagot ni Zendee.

Dahil sa maaaring pagkukumpara sa kanila ni Charice, hindi ba siya nangangambang awayin siya ng fans nito sa social networking sites?

“Nirerespeto ko po yung mga fans, at saka isa po ako sa mga fans ni Charice.

“Alam niya po yun dahil nag-join po ako ng X Factor. Sinabi ko po sa kanya na idolo ko po siya,” banggit ni Zendee tungkol sa local franchise ng international talent search.

Gaano katagal na ba siyang kumakanta?

“Since four years old pa po.

“Opo, kinder pa lang po ako, lumalaban na po ako sa Grade 6,” may pagmamalaking sabi ni Zendee.

A SCHOLAR OF PACMAN. Tubong-General Santos City si Zendee at kababayan ng boxer at Saranggani representative na si Manny “Pacman” Pacquiao.

Buong-ningning na ipinagmamalaki ni Zendee na singer siya ni Pacman.

“Opo, singer po niya ako sa GenSan.

“’Pag may event, ako po yung tinatawagan niya para kumanta.

“Saka siya rin po yung nagpaaral sa akin sa college. Mula po first year,” pagbabahagi ni Zendee.

Humingi raw kasi siya ng tulong dito nung nangangampanya pa ito.

“Sabi ko, ‘Sir Manny, tulungan n’yo naman po ako. Gusto ko pong mag-artista. Gusto ko pong maging singer.’

“Sabi niya, ‘Mag-aral ka munang mabuti. Bibigyan kita ng scholarship. Tapusin mo muna yung pag-aaral mo.

“’Puntahan mo ako at tutulungan kita,’” pangako raw sa kanya ni Pacman.

Information Technology raw ang tinapos na kurso ni Zendee sa STI-GenSan. Tuition fee raw niya ang sinagot ni Pacquiao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nanghihinayang si Zendee dahil hindi na niya nakita si Pacman bago at nang matapos siyang mag-college.

Gusto sana niya itong pasalamatan sa pagpapaaral sa kanya.

Pero nagawa naman daw niyang hanapin ang contact number nito at nakausap pa sa telepono.

Gusto pa sana niyang pasalamatan nang personal si Pacman sa GMA-7, kaya lang ay hindi niya ito nagawang puntahan sa show nitong Manny Many Many Prizes.

Pangarap ni Zendee na kumanta sa programa ni Manny bilang pasasalamat daw sa nagawa nito sa kanyang paga-aral.

“Sana nga lang po, nabalitaan niya yung tungkol sa YouTube ko at saka yung pagsali-sali ko sa mga contest.

“Gusto ko kasing ipagmalaki sa kanya na hindi ako tumigil na i-push yung dream kong maging singer,” sabi ni Zendee.

GOD’S PLAN. Bukod sa ABS-CBN show na X Factor, sumali rin noon si Zendee sa Pilipinas Got Talent ng Kapamilya station.

Nagbakasali rin daw siya sa Protégé ng GMA-7.

Pero pawang talunan siya sa mga sinalihang nationwide talent searches.

May panghihinayang kaya ngayon ang mga show na ito na bumigo kay Zendee?

“Hindi naman po. Naniniwala po kasi akong baka hindi ko pa po time.

“Or hindi po yun para sa akin. Baka po may ibang plano sa akin si God.

“Siguro po yung pagkaka-upload po ng video ko sa YouTube, yun po talaga yung oras ko para mapansin yung talent ko,” paliwanag ni Zendee.

MEETING YOUNGJAY0918. Nakilala na raw niya ang taong nag-upload ng video niya sa YouTube.

Kuwento ni Zendee, nasa audience daw ng Party Pilipinas ang YouTube user na nag-upload ng video niya—si youngjay0918— para suportahan ang kanyang guesting.

Sa ngayon, wala pang malinaw at opisyal na usapan sa pagitan ni Zendee Rose at ng GMA-7, partikular na kung magiging mainstay ito sa Party Pilipinas.

“Sa ngayon po, freelancer po ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi ko po alam kung ano po ang mangyayari sa mga susunod na araw. Naghihintay lang po ako.

“Pero sana po maging part ako ng Party Pilipinas.

“It’s an honor po,” aniya pa.

ANSWER TO ANGELINE QUINTO? Kung sakaling makilala na talaga si Zendee sa showbiz, siya raw ang nakikitang puwedeng ipangtapat kay Angeline Quinto.

Bukod sa pareho silang biritera, pareho rin ang personality nila na kalog at masayahin.

“Okey naman po. Wala naman pong problema. Fan po ako ni Angeline.

“Gusto ko rin po siyang kumanta. Pero iba na rin po ang narating ni Angeline.

“Sana lang po makilala rin po ako sa showbiz.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN