Artista Academy student Alberto Bruno puts studies on hold to pursue acting career

Nakaligtas sa unang elimination ng Artista Academy si Alberto Bruno dahil sa pagbaha sa malaking bahagi ni Metro Manila. Nagsilbi itong motibasyon para sa 16-anyos na aspiring actor para pagbutihin ang mga pagsasanay nila sa show.


Isa si Alberto Bruno sa naging bottom three students o contestants sa unang linggo ng reality-based artista search ng TV5 na Artista Academy.

Sa patakaran ng show, mas malaki ang tsansa na ma-kick out o matanggal ang mga estudyante na napapasama sa “bottom group.”

Pero dahil sa baha na dulot ng habagat noong linggong iyon, nagdesisyon ang head ng Asian Academy of Television Arts, na si Ms. Wilma Galvante, na huwag munang ituloy ang elimination.

Si Ma’am Wilma rin ang tumatayong principal ng Artista Academy.

Dahil dito, nailigtas si Bruno, kasama ang dalawa pang nasa bottom three na sina Stephanie Rowe at Jon Orlando, sa posibleng pagkakatanggal.

Nang sumunod na linggo ay sumailalim muli ang 16 students ng Artista Academy sa iba’t ibang pagsasanay para sa kanilang live exam na ginanap noong Sabado, Agosto 18.

Base sa kanilang performances noong live exam, ang mga nakakuha ng tatlong pinakamababang marka mula sa judges ay sina Brent Manzano, Chris Leonardo, at Benjo Leoncio.

Sila ang bottom three, at sa kanila pinagpilian kung sino ang unang maki-kick out mula sa Artista Academy.

Noong Lunes, Agosto 20, ay ginanap ang first elimination. Ang unang na-kick out ay si Chris Leonardo.

BRUNO’S WISH. Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Alberto sa Broadway Centrum noong Sabado, dalawang araw bago ng elimination.

Sinabi ng 16-year-old aspiring actor na hindi niya talaga gustong matanggal.

“Kung hindi siguro ako natawag last week, pag-iisipan ko ang sagot na ito, kasi alam kong mababa ang grades ko sa school.

“Pero, I love challenges kasi. ’Yon nga, last ako sa AA, pero gusto kong maipakita na may ibubuga rin ako.

“Sabi ko, siguro last ko nang okasyon ito na maipakita sa mga tao na may kaya rin akong ibigay sa mga tao.’

“Kaya noong umakyat ako sa stage, kahit kinabahan ako, ibinigay ko ang lahat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At sobrang masaya ako nang gabing ito na naging topic ako nina Direk Mac Alejandre at Ma’am Wilma Galvante.”

Dahil sa nangyari, sa palagay ba ni Alberto ay magtatagal pa siya sa Artista Academy?

“Hindi ko iniisip ’yan. Iniisip ko, day for day. At masaya na ako ngayon.

“Ayokong isipin na hindi ako matatanggal sa Lunes, pero ayokong sabihin na safe na ‘ko.

“Pero sure ako na hindi ako matatanggal sa Lunes. At kahit sa isang linggo, mag-i-stay pa ako sa Academy.

“Tapos, bahala na lang ulit sa next live exam at ibibigay ko ulit ang best ko do’n.”


Tinitingnan din ni Alberto ang positibong nangyari sa kanya nang malagay siya sa bottom three.

Aniya, “Siyempre ang magandang nangyari, nakita nila ang mga defect ko noong unang week.

“At ngayon, makikita naman nila siguro yung mga opposites… iyong magiging pag-okay ko ngayon.”


FOREIGN ACCENT. Sa aming panayam, kapansin-pansin na may kakaibang pagbigkas o accent sa pagsasalita si Alberto.

Paliwanag niya, ang nanay niya ay Filipina samantalang ang ama naman niya ay Italyano.

Sa Italy raw siya lumaki at nag-aral.

Kuwento niya, “Sa Italy ako ipinanganak, pero taun-taon, umuuwi ako sa Pilipinas, nagbabakasyon ako.

“Kasi sa Italy, ang bakasyon namin sa school, three months.

"Kaya pag bakasyon, nasa Marikina ako, sa lolo at lola ko.”

Ngunit daig ni Alberto ang ilang half-Filipinos na matagal na sa Pilipinas pero hindi pa rin marunong mag-Tagalog hanggang ngayon.

Paano niya natutunan mag-Tagalog kung nagbabakasyon lang naman siya sa Pilipinas?

Kuwento niya, “Hindi po ako nakauwi noong 2010 at 2011.

"Iyong huli kong uwi, noong 2009, hindi ko kasama ang mama ko.

“Ang kasama ko lang, ang tito ko. Parang hinatid niya lang ako sa lolo at lola ko.

“E, noong nandoon ako, hindi kami nagkakaintindihan ng mga lolo at lola ko.

"Hindi ako marunong mag-English, konti lang. Hindi sila marunong mag-Italyano.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre, hanggang sa napilitan ako at natuto… na-master ko na ang Tagalog ko.”


GROWING UP. Ayon kay Alberto, lumaki siyang hindi kapiling ang kanyang Italyanong ama. Bagamat sa Italy siya nakatira, ang kasama niya ay ang kanyang ina na nagtratrabaho roon.

Kuwento ni Alberto tungkol sa kanyang ama, “Nakita ko siya noong 2008, nagpakita siya.

“Pero parang hindi ko naaalala ang day na iyon, parang wala sa akin iyon.

“Nakita ko lang siya, na-meet ko, kinamayan ko lang siya.

“Pero para sa akin, hindi ko siya hinahanap at ayoko siyang hanapin.

“Pero may stepbrother ako.”

TURN OF EVENTS. Noong July 12, dapat ay nakabalik na si Alberto sa Italy, pero nag-audition siya sa Artista Academy at natanggap naman siya.

Aniya, “Gusto ko talagang mag-artista bata pa lang ako.

"Pero sinasabi ng mama ko na hindi ganyan kadali maging artista.

“Mas maganda raw kung tapusin ko ang pag-aaral ko sa Italy at sigurado raw makakapagtrabaho ako do’n.

“Medyo malaki-laki naman ang suweldo at siguradong makakapagpadala ako dito sa Pilipinas.

“Pero gusto ko talagang mag-artista.

"Tapos noong mangyari ang audition, magbi-billiard sana kami ng pinsan ko.

"E, bago kami umalis, ipinakita iyong ads sa TV na ’Artista Academy, last audition today, 2 p.m.’

“Ewan ko kung bakit, kung naging trip lang sa akin.

"Nasabi ko sa sarili ko, ‘Bakit hindi? Subukan ko lang mag-audition, wala naman akong program para sa araw na ‘to.’

“Tapos sinabi ko sa mama ko na susubukan ko lang naman.”

STUDIES PUT ON HOLD. Third year college na si Alberto, pero tumigil muna siya sa pinapasukang Marignoni-Polo School sa Milan, Italy.

Katuwiran ni Alberto, “Ini-stop ko muna dahil siyempre, malaking bagay ang Artista Academy. Siyempre, uunahin ko muna ‘to.

“At nag-usap na kami ng mommy ko, na kung sakaling matuloy ang career ko dito, dito muna ako mag-uumpisang mag-aral habang nagtatrabaho ako sa pagiging artista…

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Mag-aaral din ako.”

MEETING MVP. Sa isang pagkakataon ay ipinakilala ang mga estudyante ng Artista Academy kay TV5 Chairman Manny V. Pangilinan.

Si Alberto lang ang naglakas-loob na magtanong kay MVP.

Pagmamalaki niya, “Tinanong ko po kung paano siya nakarating sa point na ito, parang, ‘Sino kayo noon bago kayo sumikat?’

“Tapos tinanong ko rin kung noong dumating na siya sa point na ito, sino ang pinakikinggan niya—sarili niya o ibang tao?

“Kasi ako, kahit alam kong tama ang ibang tao, pinapakinggan ko rin ang sarili ko.”

Ano naman ang sinagot sa kanya ni MVP?

“Sinabi niya na mahirap lang siya dati.

“Sa pangalawang tanong ko naman, sarili niya [ang pinakinggan] kaya napalago niya [ang mga negosyo].”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN