Marky Lopez doing his best to be a responsible father to five-year-old daughter with former actress Girlie Sevilla

Marky Lopez on doing his responsibility as a father to five-year-old daughter with Girlie Sevilla: “Kaya kahit hindi kami nagkatuluyan ni Girlie, ’pinapadama ko pa rin sa anak namin na may pamilya siya. Nandito pa ang tatay niya na handang makita siya kahit anong oras.”


Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkuwento sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang character actor na si Marky Lopez tungkol sa kinahinatnan ng relasyon nila ng dating girlfriend na si Girlie Sevilla.

Si Girlie ay anak ng dating film producer na si Violet Sevilla. Ang Violett Films nito ang nag-produce ng award-winning film na Magnifico (2003).

Nagkakilala sina Marky at Girlie nang nagkasama sila sa telefantasya ng GMA-7 na Encantadia noong 2005.

Pagbabalik-tanaw ni Marky, “Siya yung gumanap na si Gurna, yung dama ni Pirena [Sunshine Dizon].

“Ako naman si Wantuk, isa ako sa mga sidekick ni Ybarro [Dingdong Dantes].

“One year din kasi tumakbo yung Encantadia. Nagka-debelopan kami kasi marami akong naging eksena na kasama si Girlie.

“Hanggang sa naging kami na nga.”

Nakausap ng PEP si Marky sa press launch ng GMA-7 afternoon drama series na Sana Ay Ikaw Na Nga sa Excess Superclub, Timog Avenue, Quezon City last August 23.


WHIRLWIND ROMANCE. Magti-three years na raw ang relasyon nila nang mabuntis ni Marky si Girlie.

Pero bago man makapanganak si Girlie ay nagkaroon na sila ng problema.

Sabi ni Marky, “Sa simula pa lang naman ng relasyon namin, marami nang hindi sang-ayon.

“Lahat naman ginawa ko para ma-prove ko na mahal ko talaga si Girlie.

“Nasa plano na namin ang magpakasal noon pa, pero may mga pumigil sa kanya.

“Hindi ko na alam kung ano pa ang gagawin ko. Hanggang sa nagkahiwalay kami.

“Noong manganak nga siya, wala ako doon. Nauna pa ang ibang tao na makakarga sa anak ko.”

Hindi raw sang-ayon ang pamilya ni Girlie sa relasyon nila.

Pero wala naman daw masasabing masama si Marky sa pamilya Sevilla.

Sabi niya, “Maganda naman ang pakikiharap nila sa akin noong maging kami ni Girlie.

“Nag-effort talaga ako na magustuhan nila ako.

“Pero ganun yata talaga... kung ayaw sa ‘yo, wala kang magagawa pa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang masasabi ko lang ay ipinaglaban ko ang relasyon namin. Alam ni Girlie ‘yan.

“Hindi ako basta nawala na lang sa buhay niya at ng anak namin.”


RESPONSIBLE FATHER. Limang taon na ngayon ang anak na babae nina Marky at Girlie.

Ayon kay Marky, gumagawa siya ng paraan upang makita niya ang kanyang anak.

“Kapag wala akong taping, I make it a point na bisitahin ang anak ko. Pinupuntahan ko pa siya sa bahay ni Girlie.

“Minsan naman, pinapasundo ko yung bata at doon naman siya sa bahay namin.

“Never nga kaming nakakapag-mall na kaming dalawa lang mag-ama. Lagi kasing may yaya yung bata.

“Kaya kapag magkasama kami, lahat ng oras ko ’binubuhos ko sa kanya. May mga dala akong regalo para sa kanya."

Dagdag niya, “Never naman akong nakaka-miss ng birthdays niya.

“Pasko at Bagong Taon, nagkikita rin kami ng anak ko.

“Kaya kahit hindi kami nagkatuluyan ni Girlie, ’pinapadama ko pa rin sa anak namin na may pamilya siya.

“Nandito pa ang tatay niya na handang makita siya kahit anong oras.”



FINANCIAL SUPPORT. Kahit hindi natuloy ang pagsasama nina Marky at Girlie, hindi naman daw naging pabayang ama ang aktor sa kanilang anak.

Buwan-buwan ay meron daw siyang ipinadadalang sustento.

“Ako talaga ang nagsabi na kahit na anong mangyari, magbibigay at magbibigay ako ng sustento sa anak namin.

“Ayokong may masabi ang pamilya ni Girlie sa akin.

“Ayokong sabihin nila na pabaya at iresponsable akong tao.”

Kaya nga nagpapasalamat si Marky dahil hindi siya nawawalan ng trabaho sa GMA-7.

“Tuwing may bagong show, isinasama nila ako.

“Hindi naman ako mapili sa role na ibigay nila. Kahit na sidekick forever na lang ako sa mga bida, okey lang.

“Ang importante ay may trabaho tayo para patuloy ang sustento ko sa aking anak.”


THE SIDEKICK. Dakilang sidekick or best friend ang kadalasang role ni Marky sa mga teleserye ng Kapuso network.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang ilan sa mga ito ay: Encantadia, Bakekang, Marimar, Ako Si Kim Samsoon, Luna Mystika, All About Eve, Rosalinda, Full House, Langit Sa Piling Mo, Beauty Queen, Captain Barbell, My Beloved, at ngayon nga sa Sana Ay Ikaw Na Nga.

Sabi ni Marky, “Okey lang ako sa mga roles na best friend.

“Naging best friend na ako nina Dingdong Dantes, Mark Anthony Fernandez, Luis Alandy, Richard Gutierrez, Mark Herras, Mike Tan, at ngayon si Mikael Daez naman.

“Pambalanse lang naman ako.

“Kapag medyo madrama ang bida, ako yung nagpapatawa. Ako yung humihirit ng mga punchlines.

“Ang maganda kasi, kapag may taping ang bida, laging kasama ang best friend.

“Kaya damay ako parati sa taping ng bida. Hindi ako nababakante.”


HOW IS GIRLIE? Tinanong namin si Marky kung may balak pa bang magbalik sa pag-aartista si Girlie.

Huli itong napanood sa primetime series nina Marian Rivera at Dingdong Dantes na Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang noong 2009.

Sabi ni Marky, “Hindi ko alam, e. Mukhang wala na yata.

“Medyo tumaba na kasi siya, tsaka may mga inaasikaso siyang mga negosyo ngayon. I think family business nila iyon.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN