PART 2: Nora Aunor and Lorna Tolentino finally get to act together in one scene 30 years after starring in a movie

Magkasama sa TV5 suspense-drama na Third Eye sina Lorna Tolentino (kaliwa) at Nora Aunor. Ito ang unang pagkakataon na magkakaroon ng direktang eksena at palitan ng dialogue sina Lorna at Nora, kahit na nagkasama na sila sa pelikulang Mga Uod At Rosas nung 1982.


Sa taping ng Third Eye, nung Huwebes, August 23, hindi maiwasang balik-tanawin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang proyektong pinagsamahan nina Lorna Tolentino at Nora Aunor, dalawa sa pinakamagagaling na aktres ng pelikulang Pilipino.

Huli silang naging tampok na bida sa pelikulang Mga Uod At Rosas (1982), kasama ang namayapa nang aktor na si Johnny Delgado, bilang leading man at ka-love triangle.

Ang pelikula’y mula sa panulat ni Edgardo M. Reyes, na yumao na this year, at sa direksyon ng aktibo pa ring si Romy V. Suzara.

At ngayon, after 30 years, nagkasama silang muli, magkaeksena na at nagpapalitan pa ng dialogue.

Malayo sa mga character nila noon sa pinagsamahang Mga Uod At Rosas.

Kahit na magkasama kasi sila sa pelikula’y wala naman silang eksena na direktang magkasama o nagkaharap at nag-usap.

"Ganun talaga," sabi ni LT nang makapanayam ng PEP.

"Kasi, mahal na mahal niya si Johnny,” pagtukoy ni LT sa character ni Nora na si Socorro.

Sa Mga Uod At Rosas, minamahal nang lubos ni Socorro ang mahirap na pintor na si Ding Delano, ang character ni Johnny.

Ang problema, may kinalolokohang ibang babae si Ding—ang character ni LT na si Nina.

"Kumbaga, magkasama lang kami sa eksena, nung lasing si Johnny. Tapos inaalagaan siya ni Guy, pinupunasan siya.

"Tapos, habang pinupunasan siya, dahil lasing si Johnny, ang nakita niya, yung mukha ko.

"Dun lang din kami nagkasama sa set, e.

“Siyempre, siya muna, tapos biglang ako na,” paglalarawan pa ni Lorna kung paano kinunan ang eksenang nag-iilusyon ang character ni Johnny.

Kaya nga raw wala talagang eksena na direktang magkasama sila ni Nora sa buong pelikula.

"Unang ipinalabas yun sa CCP, e. Dahil si Imee Marcos ang producer,” dagdag-impormasyon ni Lorna, na ang binabanggit ay ang Cultural Center of the Philippines (CCP) at ang ngayon ay Ilocos Norte governor na si Imee.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Imee ang general director noon ng Experimental Cinema of the Philippines (ECP), na naki-co-produce o naging mismong prodyuser ng ilan sa mga klasikong pelikula, katulad ng Himala, Oro Plata Mata (1982), Soltero (1984), Misteryo sa Tuwa (1984), at Isla (1985).

Ang nag-release sa commercial theaters ng Mga Uod At Rosas ay ang inactive na ngayong IAN Films ni Romy Ching.

Si Romy din ang nag-prodyus ng Burlesk Queen (1977) ni Celso Ad Castillo starring Vilma Santos, at Atsay ni Eddie Garcia starring Nora Aunor.



GOOD RAPPORT. Para kay Nora, maganda ang naging working relationship nila nuon pa man ni Lorna.

Hindi man sila noon nagkakatrabaho, may pagsasamahan sila sa industriya na tulad ng sa totoong magkaibigan.

Unang una, hindi sila direct rivals in popularity.

Nagku-complement sila sa maraming aspeto ng kani-kaniyang showbiz career.

"Ang natatandaan ko noon, noong nag-start pa lang ako, nagkakasama kami ni Ate Guy sa mga radio programs. Dun kami madalas noon nagkikita," pagre-recall ni LT.

"Ok naman kami...maganda talaga yung rapport namin sa trabaho," sabi naman ni Guy.

Maaaring ang estado nila bilang top dramatic actresses in later years ang naging dahilan para dumalang ang pagsasama nila sa mga proyekto, sa TV man o sa pelikula.

Pero sa taping ng Third Eye, banggit pa ni Boy Palma na parang datihan na raw magkatrabaho sa regular TV series sina Nora at LT kung magturingan.

"’Hoy, LT, pag nakalimutan ko ang linya ko, sabihan mo ako, ha!’" sabi pa raw ni Ate Guy kay Lorna.



MATURITY. Para kay Lorna, ang ganitong samahan at pagtitinginan nila ng kapwa respetadong aktres ay siyang nararapat at talagang mangyayari kahit hindi pilitin.

"It goes with maturity rin," palagay ni LT.

"Kasi, iba na pag nasa tamang edad ka na. Na marami nang nangyari sa buhay mo, sa buhay ninyo.

"Nagme-mellow ka na, di ba? Nagma-mature ka na.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, talagang the more na yung pagmamahal mo sa trabaho mo, mas lalong nandoon.

"Since matagal ka na rin sa industriya, alam mo yung respeto na talagang ibinibigay mo nang mas higit dun sa dapat."



HUMILITY OF BIGGER STARS. On the part of other veteran actors like Guy, naroon naman ang higit na pagpapakumbaba, ayon sa estado at pagkilalang natamo.

Kaya maging si LT, may humility na naise-share sa mga baguhang artista na tumitingala at rumi-respeto rin sa kanya, bilang isa na ring showbiz institution.

"Oo, kasi nga, yun nga, natututo ka na lalo... dahil nare-realize mo, na hindi habang panahon e nandiyan ka.

"Parang habang mas umeedad ka, alam mo na parang kapos na yung panahon.

"Kasi nga, life is short," makahulugang saad pa ni Lorna.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN