John Lapus declares he will be jobless after Makapiling Kang Muli; waiting for next project on GMA-7

Ngayong malapit nang magwakas ang natitirang programa ni John "Sweet" Lapus sa GMA-7, sinabihan na raw siya ng ilang Kapuso executives na hahanapan siya ng panibagong soap. Pero pakiusap ni Sweet, "Huwag lang sanang matagal matengga because nagbabayad nga ako ng bahay at maraming gastusin.”


Muntik na raw makalimutan ni John “Sweet” Lapus na mayroon pa pala siyang nakabinbing pelikula nang tawagan siya para sa pagre-resume ng shooting ng Of All The Things.

Ito ang pelikulang pinagbibidahan nina Aga Muhlach at Regine Velasquez, na simulang gawin noong 2009 ngunit nito lamang 2012 natapos.

At pagkatapos nga ng tatlong taon ay ipalalabas na ito sa wakas sa September 26.

Kuwento ni Sweet, “Yung na-shoot naming matagal na, mga sixty to seventy percent din.

“Konti na lang, so nakakapanghinayang pag hindi tinapos.

“So, itong nag-resume kami, thirty percent na lang yung, more or less, inano namin.

“Nung tumawag ng reshoot, parang, ‘Ay, oo nga pala, may ganyan pala akong pelikula!’ Nawala na sa isip ko.

“Buti na lang yung PA [personal assistant] ko, ang galing, na-save yung damit.

“So very good kami sa continuity. Even sa accessories at sa footwear, na-save namin.”

Noong July raw sila nag-resume ng shooting at ngayong August sila natapos.

Ang Of All The Things ang ikatlong pelikula ni Sweet kasama si Regine.

Una silang nagkasama sa Kailangan Ko’y Ikaw (2000), kunsaan nakapareha ng Asia’s Songbird si Robin Padilla.

Sinundan ito ng Pangarap Ko Ang Ibigin Ka (2003), kunsaan si Christopher de Leon naman ang nakatambal ng singer-actress.

“Sabi ko nga kay Ate, iuwi na niya ako,” biro ni Sweet.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press si Sweet sa presscon ng Of All The Things kahapon, August 27, sa Citybest Restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.


LIFE AFTER SHOWBIZ CENTRAL. Sa telebisyon naman ay isa na lang ang regular show ni Sweet sa GMA-7—ang primetime series na Makapiling Kang Muli.

Nawala na sa ere ang showbiz talk show na Showbiz Central, na tumagal sa ere ng limang taon. Pinalitan ito ng H.O.T. TV.

Tinanong ng PEP si Sweet kung kumusta na siya ngayon pagkatapos ng Showbiz Central.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot niya, “Okay naman. Now I have my Sunday back.

“But, hindi pa ako sanay. Three weeks pa lang, e. Hindi ako sanay.

“Nagigising pa rin ako nang maaga on a Sunday. Nasa sistema ko na yata.”

Inamin din ni Sweet na iniyakan niya ang pagkawala ng Showbiz Central.

Dito ay nakasama niya sina Pia Guanio, Raymond Gutierrez, Rufa Mae Quinto, at Jennylyn Mercado.

“Ang tagal kong umiyak!” bulalas niya.

“Since we were told about… mga three weeks prior mawala ang Showbiz Central, nalungkot na ako nang bongga.

“Nakakalungkot din… ganun yata.

“Alam ko naman na some good things never last. But, you know, pag dumating pala yun, malulungkot at malulungkot ka.”

Ano ang mas masakit: Mawalan ng show o mawalan ng lovelife?

Sagot ni Sweet, “Nung panahong nawalan ako ng lovelife, oo, mas masakit nga.

“At saka pag lovelife, matagal mag-move on… matagal talaga akong mag-move on.

“Kung nade-depress ako, nalulungkot ako, kailangan ko munang magluka-lukahan.

“Para akong babae! Di ba, yung mga babae, nagpapa-parlor, nagpapa-facial…”

Dagdag niya, “Buti na lang, ito, nung nawala yung Showbiz Central, may ginagawa akong dalawang pelikula.

“Tinapos ko itong Of All The Things, tapos sinimulan ko naman yung Enteng, Agimat At Ako… dun ko na lang minanifest [manifest] yung kabaliwan ko.”

Ang Enteng, Agimat At Ako ay entry sa Metro Manila Film Festival 2012. Pagbibidahan ito nina Senator Bong Revilla, Vic Sotto, at Judy Ann Santos.


WHAT’S NEXT? Ayon kay Sweet, sa ngayon ay wala pang proyektong ibinibigay ang Kapuso network na kapalit ng Showbiz Central.

“Yun nga yung isa pang bagay na nakakalungkot, pero ganun yata talaga.

“Actually, di ba, pag natetengga ka, sasabihin ng mga tao, ng mga kaibigan mo, ‘Talented ka, magkakaroon ka rin ng trabaho…’

“Ako, baligtad, ewan ko kung ano ang problema sa akin. Parang mas lalo akong nalulungkot pag sinasabihan ako ng ganun!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Di ba, usually sinasabi ‘yon para matanggal ang lungkot mo?

“Ako, napansin ko, nalulungkot ako.

“Parang, ‘Oo nga naman, tama ‘tong mga ‘to, talented ako, bakit wala akong work? Ano ang nangyari?’

“Kasi ang dami niyong nagsasabi, mga kaibigan ko: ‘Wag kang mag-alala, talented ka, hindi ka matetengga.’

“Ako naman, ‘Oo nga naman. Bakit ganun? Ano ang nangyayari?’ Hindi ko alam, e.

“Hindi ko na alam… hindi ko na alam,” nagtatakang saad ni Sweet.

May offer ba siya mula sa TV5?

“Meron, pero hindi talk show. Talentadong Pinoy, actually.

“Lagi naman akong nagge-guest judge doon.

"But itong darating na season, they want me to be one of the regular na judge,” banggit ng comedian-TV host.

Bukod sa manager niyang si Ricky Gallardo, talent pa rin ng Star Magic si Sweet.

Ang Star Magic ang talent arm ng ABS-CBN, na dating pinanggalingan ni Sweet bago siya lumipat sa GMA-7.

Si Ricky ang nakikipag-ayos sa mga shows ni Sweet sa GMA-7, ang Star Magic ang humahawak pagdating sa pelikula, at ang Viva naman ang humahawak ng endorsement offers niya.

Nagsabi na ba siya sa Star Magic?

“Nagsabi naman ang Star Magic na mag-abiso lang ako… kasi alam nila na nagbabayad ako ng bahay.

“Ang Star Magic naman, hindi ako pinababayaan niyan.

“Pero alam mo, naniniwala ako, basta nangyari sa akin, di ba, parang…

“Siguro yun din ang reason kung bakit ako na-depress, dahil hindi ko ini-expect na ang Showbiz Central mawawala—agad-agad.

“It’s so easy to say na five years din yung itinagal.

“But, you know, Startalk, sixteen years na; The Buzz, magpi-fifteen years na din. So, parang…

“Ngayon, inaano ko na lang, ang lahat ng bagay ay posible.

“So whether joke ‘yang ilalagay ako sa The Buzz, umu-oo na ako ngayon, hindi na ako natatawa.

“Kasi everything is possible. Hindi mo na rin masasabi ngayon, e.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


JOBLESS. Birong totoo pa ni Sweet, “In the next two weeks, I will be one of the millions of Filipinos that would be jobless.”

Nasabi ito ni Sweet dahil two weeks na lang ang itatagal sa ere ng primetime series na Makapiling Kang Muli, na pinagbibidahan nina Richard Gutierrez, Carla Abellana, Sarah Lahbati, at Mark Anthony Fernandez.

Pero nagpasabi naman daw sa kanya ang ilang executives ng GMA-7 na hahanapan siya ng bagong soap.

“Kasi nagsabi naman ako na I have nowhere to go.

“I have no intentions of going back to ABS-CBN or moving in TV5.

“Kaya lang, I hope… Although sinabi ko, through my manager sa GMA na si Ricky Gallardo, sinabi namin na huwag lang sanang matagal matengga because nagbabayad nga ako ng bahay at maraming gastusin.”


LOYALTY ISSUE. Isang isyung pilit ikinakabit kay Sweet, at sinasabing siyang dahilan kung bakit nawawalan siya ng proyekto sa Kapuso network, ay ang loyalty daw nito ay kuwestiyonable.

May mga pagkakataon daw kasing napapanood siya sa mga programa sa ibang network nang hindi nagpapaalam sa GMA-7. Nagugulat na lamang daw ang mga taga-Kapuso kapag nagge-guest siya sa ibang channels.

Ipinagtataka naman ni Sweet ang isyung ito.

Aniya, “Well, yung Star Magic is not the issue anymore.

“That’s the very reason kung bakit kumuha na ako ng Ricky Gallardo to talk to GMA-7, para mawala nga yung whatever man na haka-haka o malisya nila na.

“So, Star Magic, pelikula ko na lang ang hinahawakan.

“Yung regarding naman sa guesting-guesting issue, naririnig-rinig ko from other people, parang hearsay.

“Wala namang sinasabi na, ‘Bakit ganito, bakit ganyan?’

“Other than that, hindi naman ako exclusive contract artist ng GMA, so technically, puwede naman akong mag-guest—and these are just guestings.

“Of course, not to compare myself to Joey de Leon or Chris Tiu, for that matter, sila nga, may mga regular shows outside GMA.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At least ako, guestings lang. So, I hope hindi naman yun ang reason.”

Inamin pa ni Sweet na umabot na siya sa puntong sinabihan niya ang management ng GMA-7 na: “Kung ayaw niyo akong mag-guest, i-exclusive niyo ako.”

Pero aniya, “Wala, hindi naman ako ino-offer-an ng exclusive contract.

“Yung first three years ko, sa kontrata ko, may stipulation na kailangan magpapaalam ka pag magge-guest ka [sa ibang channel]. Na ginagawa naman namin.

“Yung last two years, pinatanggal na namin yun.

“I don’t know if you remember, may time na tatlo ang shows ko sa GMA—I have a soap, I have Showbiz Central, I have Show Me Da Manny.

“Dalawang taong sunud-sunod na ‘yan, hindi naman ako nag-guest sa kahit anong network. Bilang sa ganung schedule, paano ka pa magge-guest?

“At sa schedule na yun, nakabili naman ako ng bahay at lupa, alam niyo ‘yan.

“So, sabi ko nga, kahit wala nang kontrata, basta bigyan ka lang ng trabaho.”

Nagpapasalamat na lang daw si Sweet dahil may mga kaibigan siyang laging nandiyan upang saluhin siya sa mga pagkakataong kailangan niya ng trabaho.

Isa na rito si Kris Aquino.

Ikinuwento ni Sweet na isang dahilan kung bakit siya nakasama sa Makapiling Kang Muli ay dahil sa "pangungulit" ni Kris.

Bagamat nasabihan na si Sweet na makakasama siya sa soap ni Richard Gutierrez, talagang sinigurado raw ni Kris na hindi ito magkakaroon ng aberya.

Sa isang party raw na dinaluhan nila ay talagang hinintay ni Kris si Richard na dumating upang ipaalala na isama si Sweet sa soap nito.

Ito ay sa kabila nang antok na antok na raw si Kris nung mga oras na iyon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN