Venus Raj says there is no "sawa factor" between her and boyfriend Andrei Felix

Matangkad si Venus Raj pero hindi raw ito sagabal sa paghahanap ng magiging leading man niya. Masaya naman siya dahil meron naman siyang leading man sa tunay na buhay sa katauhan ni Andrei Felix, na kasamahan niya sa morning show na Umagang Kay Ganda. Ang sabi ni Venus tungkol sa kanilang relationship: “Wala namang sawa factor. Siguro depende din sa couple, depende din sa magkasama.”


Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Venus Raj sa presscon ng Pridyider sa Imperial Palace Suites kahapon, August 28.


Ang Pridyider ang kauna-unahang pelikula ni Venus matapos niyang mahirang bilang Bb. Pilipinas-Universe 2010 at maging 4thrunner-up sa Miss Universe 2010.

Dahil horror movie ang Pridyider, tinanong namin siya kung nakakita na siya ng multo sa tunay na buhay.

Sagot ni Venus, “Hindi pa, e. Hindi ako maramdamin, hindi ako yung nakakaramdam.

“Medyo ano ako, matatakutin ako sa dilim, pero hindi ako nakakaramdam o nakakakita ng kung anu-ano."

Kasama ni Venus sa pelikula sina Andi Eigenmann, JM de Guzman, Baron Geisler, Joel Torre, Ronnie Lazaro, Bekimon, at si Janice de Belen.

Sino ang madalas niyang makaeksena sa pelikula?

“Mainly si Andi, bilang magkaibigan kami dito ni Andi, si Bekimon and then si JM—so kaming apat yung lagi-laging nagkikita.

“Pero kami talaga ni Bekimon yung may mga… kaming dalawa lang, or minsan kami lang ni Andi.”

SUPPORTIVE DIRECTOR. Kumusta naman katrabaho ang direktor ng pelikula nilang si Rico Ilarde?

“Si Direk, sobrang ibang klase!" sambit ni Venus.

"Kasi first time ko nga po, parang una pa lang nung storycon, dun pa lang, sabi ko kay Direk, ‘Direk, first time ko ito na gumawa ng pelikula kaya kailangan ko talagang tulong ninyo. At saka mahaba-haba pong pagpapasensiya, kailangan ko rin!’’

“At napagpasensiyahan naman niya ako.”

Tulad sa anong eksena?

“Mostly po kasi parang… light lang yung sa akin.

"Kasi yung role ko dito, ako si Celine, tapos ako yung kaibigan ni Andi.

“Parang ako yung nag-reveal kung bakit ganun yung misteryo na nangyayari sa bahay niya, kung ano yung backstory—yung ganun.

“Bilang yung bahay namin, katapat lang ng bahay niya.

"So, parang since doon ako lumaki, alam ko kung ano yung usap-usapan tungkol diyan sa bahay na ‘yan, kahit hindi naman ako talaga nakatira doon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, ako yung nagkuwento sa kanya.”

Paano siya tinulungan ni Direk Rico?

“Minsan ina-act out niya mismo yung scene, parang, ‘O, ganito ‘yan… sabihin mo parang ganito.’

“Pati nga sa dubbing, parang yung dinub [dubbed] ko, parang... as in nandun din yung boses niya na kung paano ko sasabihin.

“Sobrang supportive, aalalayan ka talaga niya from the very beginning.”

THE ORIGINAL. Ang Pridyider ay base sa isa sa mga episode ng original Shake, Rattle and Roll (1984) na parehong pamagat at idinirek ng yumaong National Artist for Film na si Ishmael Bernal.

Si Janice de Belen ang bida sa nasabing episode.

Wala bang eksena si Venus na nagsisisigaw o nagtatatakbo katulad sa naunang Pridyider?

“Meron naman po doon, nasa ending part na… na yung nagwawala na yung pridyider…

“And then yung mga moments na si Andi parang may hinahanap o parang hinahabol ng kung sino, tapos biglang makikita niya, ako lang pala… yung ganun.”



HEIGHT MATTERS. Walang kapareha si Venus dito sa Pridyider. Sa tingin ba niya ay disadvantage ang height kaya mahirap siyang ihanap ng leading man?

“Well, sabi nila.

"Kasi yun nga, halos karamihan naman, pagka leading lady talagang petite lang or madaling hanapan ng partner.

“Pero madami-dami din naman tayong ano, ha, matatangkad na mga leading man.”

Pero in real life, hindi siya nahirapan na makahanap ng “leading man” sa katauhan ng boyfriend niyang si Andrei Felix.

Banggit ni Venus, “Nasa Hong Kong siya ngayon, may shoot kami for Umagang Kay Ganda.

“Susunod po ako bukas. Five days… Friday balik na din po kami.

"For work, work po ito, trabaho po ito… para malinaw lang, trabaho po ito.”



INSPIRED. First time ba nilang mag-abroad ni Andrei na magkasama?

“Together, yes!” bulalas ni Venus.

Hindi ba sila nahihirapan na balansehin ang trabaho nila at ang kanilang relasyon?

“Hindi naman ganun kahirap kasi mas masaya nga. Parang mas inspired kang pumasok araw-araw, makikita mo siya sobrang aga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ngayon, may reason ka to wake up early, di ba?” sagot ng beauty queen.

Laging kay gandang umaga nila ni Andrei…

“Theme song na namin yun,” sinabi ni Venus, sabay-kanta ng “Umagang Kay Ganda.”

Hindi ba sila nagkakasawaan na bukod sa magkarelasyon sila ay magkasama pa sila sa trabaho?

Ayon kay Venus, “Wala namang sawa factor. Siguro depende din sa couple, depende din sa magkasama.

“Kung hindi naman talaga kayo ganun kaseryoso sa isa’t isa, maybe may sawa factor.

“Pero since hindi na naman kayo bata para maglaru-laro at magsawaan sa isa’t isa, wala namang ganun.”



PHILIPPINE BET. Talent si Venus ng Mercator Artist & Model Management, tulad din ng Miss World Philippines 2012 na si Queenierich Rehman.

Si Queenierich ay naging kalahok sa Miss World na ginanap sa China kamakailan, ngunit hindi ito pinalad na manalo.

Nalungkot ba si Venus na hindi nanalo ang kanyang Mercator co-talent?

“Well, para sa amin, malaking tagumpay na iyon… at least from Gwen [Gwendolyn Ruais] tapos top fifteen pa rin.

“Hindi tayo nawala kahit papaano sa finalists, malaking achievement na yun.

“Knowing na Miss World, mas maraming contestants yun versus Miss Universe.

“Sa Miss Universe, eighty-plus… ninety-plus, pero iyon, one-hundred plus yun.

“So yung mapabilang ka sa top fifteen, ang laking bagay na nun.”

Agree ba siya sa sinasabi ng iba na "hometown decision" ang pagkapanalo ng kandidata mula sa China?

Sa China kasi ginanap ang Miss World 2012 at ang Miss China ang nanalo.

“Talaga? Ay, nakakaloka! Ngayon ko lang din nabalitaan ’yang mga ganyan.

“Hindi ko napanood yung pageant mismo, so hindi ko masasabi kung ganoon ba talaga kagaling yung Miss China or ano,” iwas ni Venus.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN