Former child actor Francis Magundayao joins cast of Aryana; now Ella Cruz’s official loveteam partner

Kapamilya at Star Magic talent na ang dating Kapuso child actor na si Francis Magundayao. Excited ang ngayo’y teen actor na, dahil pormal na siyang ilu-launch ng ABS-CBN bilang loveteam partner ni Ella Cruz. Mamayang gabi, Setyembre 1, ang unang pagkakataong lalabas bilang magka-loveteam sina Francis at Ella sa Star Magic Ball.


Matapos makagawa ng ilang proyekto sa ABS-CBN nitong mga nakaraang taon, pormal nang pumirma ng exclusive contract sa Star Magic ang teen actor na si Francis Magundayao.

Sa pictorial niya para sa teleseryeng Aryana noong Martes, Agosto 28, sinabi ni Francis na masaya siya dahil sa wakas ay masasabi niyang "Kapamilya" na rin siya.

Wika ni Francis, “Natutuwa naman ako kasi ano po, e, parang ang saya tingnan ng Star Magic, parang maganda.

“Natutuwa po ako kasi parang halos lahat po kasi ng artista ng Star Magic, parang ang gagaling nila tingnan… ang taas po ng tingin ko sa kanila.

“So, ngayon na Star Magic na po ako, natutuwa na po ako.”

Ilan daw sa mga iniidolo ni Francis sa Star Magic ay sina Coco Martin at John Lloyd Cruz.

"Naa-amaze po ako sa paga-acting nila kasi parang napaka-natural po.

"Parang wala silang pakialam kahit anong tingin, kahit anong sabihin sa kanila, basta naga-acting sila," sabi ni Francis tungkol sa dalawang aktor.

Hinahangaan din daw niya si Kathryn Bernardo dahil nagagandahan siya rito at nahuhusayan sa pag-arte nito.

PREVIOUS WORKS. Bagamat unang nakilala si Francis sa GMA-7—bilang si Iking sa 2005 primetime series na Darna, na pinagbidahan ni Angel Locsin—hindi na rin bago si Francis sa ABS-CBN.

Ilan sa mga teleseryeng nagawa na niya sa Dos ay ang Tayong Dalawa (2009), Only You (2009), Kokey @ Ako (2010), Mara Clara (2011), at Dahil Sa Pag-ibig (2012).

Sa bakuran naman ng Kapuso network, bukod sa Darna ay naging bahagi rin siya ng cast ng Gagambino (2008), Kung Aagawin Mo Ang Lahat Sa Akin (2009), The Last Prince (2010), at Futbolilits (2011).

Ayon kay Francis, kaya raw niya naisipang lumipat sa ABS-CBN ay dahil sa magandang oportunidad na ibinigay sa kanya ng network.

“Wala akong masyadong mahabang role noon [sa GMA-7].

"Kumbaga po, kung bibigyan nila ako ng role as young [version ng main character] po or minor role, mga gano’n,” sabi ng 13-year-old actor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hinintay muna ni Francis na matapos ang kanyang kontrata sa GMA-7 bago tuluyang pumirma ng exclusive three-year contract sa Star Magic.

FIRST LOVETEAM. Para sa kanyang big break sa ABS-CBN, ipapareha si Francis kay Ella Cruz sa early primetime soap na Aryana.

Gaganap siya rito bilang si Adrian, na iibig kay Aryana.

Bagamat nakakaramdam siya ng pressure dahil first time niyang magkaroon ng ka-loveteam, natututwa raw si Francis sa oportunidad na muling makatrabaho si Ella.

Nagkasama na sila noon sa Dahil Sa Pag-ibig, kung saan gumanap sila bilang batang Alfred (Piolo Pascual) at batang Jasmin (Cristine Reyes).

Dito rin unang binansagan ng mga fans ang kanilang tambalan bilang FrancElla.

Sabi ni Francis, “Marami po akong nababasa noon sa social networks—Twitter, FB [Facebook]—na sana magsama kami ulit ni Ella.

"So ngayon, magkasama na kami sa Aryana.”

JOINING ARYANA. May ilang buwan na ring tumatakbo sa ere ang Aryana, at kahit paano ay na-establish na ang love triangle sa pagitan ni Ella at ng leading men niyang sina Paul Salas at Dominic Roque.

Nakakaramdam ba ng pressure si Francis dahil sa bigla niyang pagpasok sa programa ay “magugulo” ang namumuong love triangle ng tatlo?

“Wala naman po,” simpleng sagot nito.

Sa tingin ba niya ay kakayanin niyang talbugan ang dalawang leading men ni Ella?

“Kaya naman po,” nakangiting sagot ni Francis. "Kasi may [practice] na noon sa Dahil Sa Pag-ibig."

Kumusta naman ang pakikitungo sa kanya nina Paul at Dominic sa set ng Aryana?

“Okay naman po. Nakakatuwa po kasi na-feel ko na wine-welcome nila ako sa Aryana.

"Nakakagaan ng loob at nakakawala ng kaba.”

Si Francis ang pinakabata sa apat na young cast ng programa.

Si Francis ay 13 years old lamang, samantalang si Ella ay 16, si Paul ay 14, at si Dominic ay 21.

Hindi ba siya nai-intimidate dahil sa kanyang edad?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi naman po. Medyo nakasanayan ko naman na po.”

STAR MAGIC BALL. Mamayang gabi, Setyembre 1, ay dadalo si Francis sa taunang Star Magic Ball.

Ito ang first big event niya bilang miyembro ng talent management group ng ABS-CBN, ang Star Magic, na pinamumunuan nina Johnny "Mr M" Manahan at Mariole Alberto.

Siyempre, makaka-date niya sa naturang okasyon ang ka-loveteam niyang si Ella.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN