Brillante Mendoza grateful for chance to work with acclaimed actresses Nora Aunor in Thy Womb and Isabelle Huppert in Captive

Dalawang bagong pelikula ni Direk Brillante Mendoza ang nakatakdang ipalabas dito sa Pilipinas at sa ibang bansa. Una ay ang Thy Womb, na pinagbibidahan ni Nora Aunor (inset, top) at kalahok sa isinasagawang Venice International Film Festival. At ang pangalawa ay ang Captive, starring French actress Isabelle Huppert (inset, bottom), na ipalalabas na rito sa Pilipinas.


Aminado si Brillante Mendoza na mahigpit ang labanan ngayong taon para sa Volpi Cup.

Ang Volpi Cup ay katumbas ng Best Actress award sa kasalukuyang ginaganap na 69th Mostra Internazionale d’Arte Cinematografica della Biennale di Venezia—o ang Venice International Film Festival—sa Italy.

Si Brillante ang direktor ni Nora Aunor sa comeback film-starrer ng aktres na Thy Womb (Sinapupunan), na in competition sa nasabing international filmfest.

Kabilang ang Superstar sa contenders para sa Volpi Cup.

Nagbukas ang La Biennale di Venezia noong August 29 at matatapos sa September 8.

Sa huling gabi ng international film event gaganapin ang awards night.

"Mahigpit ang labanan!" tahasang sabi ni Direk Brillante nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kagabi, September 3, sa red-carpet premiere ng pelikula niyang Captive sa Greenbelt 3, Makati City.

Ayon sa mga naunang report, kabilang ngayon sa malalakas na contenders sa pagka-best actress sa Venice International Filmfest 2012 ang mga nagbidang aktres na sina:

Cho Min-soo ng South Korea para sa pelikulang Pieta; Franziska Petri ng Germany para sa Russian film na Betrayal; at Isabelle Huppert ng France para sa Italian film na Dormant Beauty.

Bukod sa mga nabanggit, nariyan din ang makakalaban nilang mga aktres mula sa Amerika na sina Rachel McAdams at Noomi Rapace, para sa Passion ng France at Belgium (co-production), sa direksiyon ng Hollywood filmmaker na si Brian de Palma;

Si Hadas Yaron ng Israel para sa Lemale Et Ha’Chalal (Fill The Void) at si Cecille De France ng pelikulang Superstar (a French-Belgian co-production).

Samantala, nakatakda pa lamang ang apat na screenings ng Thy Womb simula sa Setyembre 6, kaya maaga pa para mapaulat ang lakas o ang hina ng tsansa ni Ate Guy na makamit ang parangal.

Interesante namang mabatid na makakalaban ni Nora ang artista rin ni Direk Brillante sa Captive, na si Isabelle Huppert.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakangiting sabi ng direktor, "Oo, magkalaban sina Ate Guy at Isabelle sa Venice.

"Mabibigat ang makakalaban ni Ate Guy, pero may laban din naman siya.

“Let’s just hope for the best."

Sa Thy Womb ay ginampanan ni Nora ang papel ni Shahela Sarail, isang Badjao midwife na baog o hindi maaaring magkaanak. Pero determinado siyang hanapan ang kanyang asawang si Bangas An (Bembol Roco) ng babaeng makakapagbigay ng supling, ayon sa accepted tradition ng mga liping Muslim.

Para sa ginampanang papel ay kinailangang magsalita si Nora ng iba’t ibang wika, tulad ng Sinama at Tausug, bukod pa sa wikang Tagalog.

Nakatakdang lumipad ngayong araw, September 4, patungong Venice, Italy, sina Nora, Direk Brillante, at ang tatlo pa sa main cast ng Thy Womb—sina Bembol Roco, Mercedes Cabral, at Lovi Poe.

Dadalo sila sa gala night ng Thy Womb sa September 6.

Mauuna namang ipalabas sa Venezia Classici (restored film classics section), on September 5, ang Himala (1982) na pinagbidahan din ni Nora, sa direksiyon ng yumaong National Artist for Film na si Ishmael Bernal.


CAPTIVE. Sa interview ng mga taga-media kay Direk Brillante matapos ang screening ng Captive kagabi, muli niyang ipinaalala na magbubukas sa mga sinehan sa Pilipinas ang obra niyang ito simula ngayong September 5.

"Huwag nating kalilimutan ang pelikula. Ito muna, saka natin i-promote ang Thy Womb pagbalik ko."

Ayon din sa 51-year-old Cannes Filmfest ’09 Best Director awardee, masaya siya sa pagkakaroon ng commercial o theatrical release ng Captive, matapos itong mag-compete noong February 2012 sa Berlin International Film Festival sa Germany.

"For the first time, may release ako dito sa Pilipinas na, kumbaga, nationwide!” bulalas niya.

"So, ibig sabihin, a lot of Filipinos can watch the film. That it’s more accessible this time.

"Sana ang mga kababayan natin, panoorin naman nila kasi, tulad ngayon, we got a PG-13. Even high school students can watch the film.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"And we got an A-rating from the Cinema Evaluation Board [CEB]. It’s very, very encouraging!”


ISSUE-ORIENTED. Ayon pa kay Direk Brillante, isang "issue-oriented" film ang Captive, na base sa mga tunay na pangyayari sa naganap na pag-kidnap ng grupong Abu Sayyaf sa mga dayuhan at Pilipino sa isang island resort, sa south, sometime between May 2001 up to early 2002.

Bukod kay Isabelle Huppert, na kabilang sa mga na-hostage ng mga Muslim rebels, nabiktima rin ang mga tauhang ginampanan nina Angel Aquino, Rustica Carpio, Che Ramos, Bea Garcia, Archie Adamos, at Allan Paule.

Ang mga Abu Sayyaf rebels naman ay ginampanan nina Raymond Bagatsing, Ronnie Lazaro, Mon Confiado, Neil Ryan Sese, at Sid Lucero.

Isa naman sa gumanap bilang sundalo si Coco Martin.

May matitinding tunggalian ang mga tauhang kabilang sa magkakaibang lipi, relihiyon, at simulain.

"Hindi lang siya tungkol sa kidnapping, hindi siya basta action film, kundi may sinasabi siyang issues na involved tayo as an audience," diin ni Brillante.

Naniniwala rin ang direktor sa halaga ng pagtrato sa manood bilang intelligent viewers.

Aniya, "Hindi lang ipinapalabas ang pelikula para panoorin, kundi involved din tayo as an audience.

"Somehow, nai-involve din sila sa araw-araw na issues na nangyayari sa atin ngayon, tulad ng kidnapping, which is very much an issue hindi lang dito sa Pilipinas kundi sa ibang parte ng mundo."

Naipaliwanag pang lalo ni Brillante ang puntong ito sa pagkakaroon niya ngayon ng dalawang pelikulang tumatalakay sa buhay ng mga mamamayan sa southern Philippines.

Tulad ng mga hostages sa magulong bahagi ng Mindanao, sa Captive; at ng mga katutubong namumuhay nang payapa sa mga bayan ng Sitangkai at Bongao, sa Tawi-Tawi island, sa Thy Womb.

"Katulad ng sinabi ko... hindi ako gumagawa ng pelikula na mga controversial issues or for the sake of exposing the controversies, para maging controversial.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kumbaga, gumagawa tayo ng pelikulang ganito because we are concerned sa issues, hindi sa controversies.

"So we have Thy Womb, na hindi violent, na there’s another side of our Muslim brothers na hindi aggressive, na mas compassionate, mas calm...

"Dito natin ipinapakita na hindi tayo interesado sa mga kontrobersiya, na mas interesado tayo sa totoong kuwento."



ON WORKING WITH PROFESSIONAL ACTORS. Napakaraming mga artistang gumanap sa Captive, pero hindi raw nahirapan si Brillante sa pakikipagtrabaho sa mga ito.

"Walang kahirap-hirap!" pag-describe ni Brillante sa kung paano niya na-handle ang malaking grupo ng mga artista niya.

"Unang-una, they share the same passion. Kung ano yung hihingin mo sa kanila, ibibigay nila sa iyo nang doble-doble.

“Yun ang nakaka-inspire, to work when you knew these passionate actors—sina Sid, Angel, Coco, and the rest.

“And they give you one hundred percent more than what you expect."



NORA AUNOR AND ISABELLE HUPPERT. Bagamat magkaiba ang "mood" ng dalawang bagong pelikula ni Direk Brillante, parehong physically demanding ang mga ginampanang papel ng mga bidang aktres ng Captive (Isabelle Huppert) at Thy Womb (Nora Aunor).

"Nagdusa siya!" pagtukoy ni Brillante kay Isabelle, ang Christian missionary na na-hostage ng mga Abu Sayyaf sa Captive.

"Pero sa mga artistang tulad ni Isabelle, when you ask them something, tulad ng mga Filipino actors, mas natsa-challenge sila, mas mahirap, mas gusto nilang gawin.

"So, dun mo makikita kung gaano sila ka-passionate, dun mo makikita kung gaano sila ka-dedicated sa trabaho nila.”

Banggit pa ni Brillante tungkol kay Isabelle, "Hindi naman siguro siya mananalo ng two-time best actress award sa Cannes kung hindi siya [mahusay], di ba?

"There must be something in her kung bakit talagang mahusay siyang artista."

Ni hindi raw nagreklamo ang French actress sa buong panahon ng shooting nila sa mahirap na kundisyon sa malayong location.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Not once!" pagkumpirma ni Brillante. "Lagi nga niyang sinasabi, tinatanong sa akin, kung okey raw ang performance niya."

Tungkol naman kay Nora sa Thy Womb, Brillante was similarly grateful.

"Na-surprise din ako sa nangyari, kasi hindi ko in-expect na ganun pala siya kadaling katrabaho.

"Nung una, kinakabahan din ako. Nung nakatrabaho ko siya, parang walang nangyari.

"Yung naririnig ko tungkol sa kanya... napaka-smooth.

"Siguro makikita niyo rin sa pelikula na sobrang calm ng film.

“[Pero] binilad ko si Ate Guy sa araw kasi kailangan."



BACK TO VENICE. Noong 2009 ay surprise entry sa Venice International Filmfest ang Lola ni Brillante Mendoza. Bidang mga aktres dito sina Anita Linda at Rustica Carpio, both in their ’80s.

Matapos ang tatlong taon, Direk Brillante is back in Venice, upang muling mag-compete ang pelikula niya.

This time, with Nora Aunor as female lead in Thy Womb.

"Tungkol sa totoong pagmamahal na base sa totoong kuwento ng mga Badjao," pagtukoy ni Brillante sa bago niyang pelikula.

Ano ang damdamin ng direktor sa muling pagsali ng kanyang pelikula sa kumpetisyon sa ibang bansa?

"Siyempre, masaya ako na babalik na naman sa Venice.

"Tungkol na naman sa tubig...

"Yung Lola, nasa tubig [ang setting]. Ngayon, sa Thy Womb, nasa tubig.

“At alam natin na ang Venice ay tungkol din sa tubig.

"Gusto kong bumalik doon, maganda ang architecture nila doon.

"Dito naman [sa Thy Womb], mas masaya ako na ipapakita naman yung other, more peaceful, side ng Philippines.

“Siyempre, hindi naman ang ipinapakita natin ay yung pangit, negative side ng Pilipinas."



NORA-COCO-VILMA MOVIE. Bago magpaalam sa mga kausap ay sinagot ni Direk Brillante ang tanong tungkol sa napaulat ding movie project na gagawin niya with Nora Aunor, Coco Martin, and Vilma Santos.

"Ino-organize namin yung project na yun, inaayos namin ang schedule, pero... kaya nandito si Coco.

"Sina Ate Guy at Ate Vi, hinahanap ko sila!" natawa si Direk Brillante.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Okey naman. Ang inaayos namin, schedule.

“Alam mo naman... kasi ang requirement ko sa artista, kung magtatrabaho kami, dapat one hundred percent sa akin yung schedule.”

Sa proposed project ng dalawang aktres, isa sa kanila ang gaganap na asawa at ang isa ay gaganap na mistress.

Isa kina Nora at Vilma ang magiging nanay ni Coco.

Kung sino ang gaganap bilang “husband” ng dalawang aktres ay hindi pa nababanggit ni Direk Brillante.

"Walang problema kay Ate Guy. Wala ring problema kay Ate Vi. Ang problema talaga ay schedule," pangwakas na banggit ni Brillante.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN