Gail Bautista and husband cleared in Ramgen Revilla murder case; Janelle Manahan takes witness stand September 18

Ibinasura ng Parañaque City Prosecutors Office ang mga kasong murder at frustrated murder laban sa mag-asawang Gail Bautista (inset) at Hiro Furuyama kaugnay ng pagpaslang sa aktor na si Ramgen Revilla (main photo) noong nakaraang taon.


Nakalusot ang mag-asawang Gail Bautista at Hiro Furuyama sa mga kasong murder at frustrated murder kaugnay ng pagpaslang sa aktor na si Ramgen Revilla noong isang taon.

Ito ay pagkatapos ibasura ng Parañaque City Prosecutors Office kahapon, Setyembre 5, ang kaso laban sa kanila.

Ayon sa anim na pahinang resolusyon, nabigo raw ang kampo ni Janelle Manahan na maglabas ng sapat na ebidensiya upang idiin sa kaso ang mag-asawang Gail at Hiro.

Si Janelle ang kasintahan ni Ramgen, na kasama ng aktor nang maganap ang krimen. Nagtamo si Janelle ng mga sugat at pinsala sa mukha dahil sa insidente.

Pinaslang si Ramgen noong Oktubre 28, 2011, sa loob mismo ng tahanan nito sa BF Homes, Parañaque City.

Nasangkot sina Gail at Hiro sa pagpatay kay Ramgen dahil sa affidavit ni Janelle at testimonya ng iba pang akusadong sina Francis Tolisora at Micheal Nartea, ayon sa report ng GMA News.

Mariin namang pinabulaanan noon ng mag-asawa na may kinalaman sila sa pagpaslang sa aktor.

Bukod kay Gail, suspek din sa Ramgen Revilla murder case ang iba pa nilang mga kapatid na sina Ramona at Ramon Joseph Bautista.

Si RJ ay kasalukuyang nakapiit sa Parañaque Municipal Jail habang dinidinig ang kaso.

Si Ramona naman ay kasalukuyang pinaghahanap ng mga alagad ng batas, matapos nitong umalis ng Pilipinas ilang araw pagkatapos maganap ang pagpatay kay Ramgen.

Sina Ramgen, Ramona, Gail, at RJ ay mga anak ni dating Senador Ramon Revilla Sr. sa dating aktres na si Genelyn Magsaysay.

(CLICK HERE to read related story.)

POSITIVE ID. Kaugnay pa rin ng Ramgen Revilla murder case, sumalang sa witness stand noong Martes, Setyembre 4, ang personal assistant ng aktor na si Ronald Angcajas.

Pinanindigan ni Angcajas ang kanyang naunang pahayag na may kinalaman sina RJ at Ramona sa pagpatay kay Ramgen.

Ayon sa report ni Henry Atuelan ng DZMM, na lumabas sa ABS-CBN News, sumalang sa witness stand si Angcajas para sa cross examination.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang abugado ni RJ na si Atty. Jeffery Gepte ang nagsagawa ng cross examination kay Angcajas.

Dito ay muling iginiit ni Angcajas na nakita niyang lumabas ng bahay ni Ramgen ang magkapatid na RJ at Ramona noong gabing maganap ang krimen.

Positibo ring kinilala ni Angcajas si RJ, na nasa loob ng korte noong Setyembre 4, bilang ang lalaking nakita niyang lumabas ng bahay noong gabing pinaslang si Ramgen.

Madali niya raw namukhaan sina Ramona at RJ dahil ang kanyang kuwarto ay nakapuwesto sa itaas lamang ng garahe ng bahay.

Pero buwelta ng kampo ni RJ, ang mga pahayag daw ni Angcajas ay “not believable” at “fabricated.”

Sa Setyembre 18 ay nakatakda namang sumalang sa witness stand si Janelle Manahan.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN