Alma Moreno forgoes Senate bid due to multiple sclerosis; undergoes stem cell therapy

Hindi na itutuloy ni Alma Moreno ang pagtakbo bilang senador sa susunod na eleksyon. Ito ay dahil sa sakit niyang multiple sclerosis na matagal na pala niyang iniinda.


Hindi na itutuloy ng actress-politician na si Alma Moreno ang kanyang planong tumakbo bilang senador sa 2013 elections.

Ito’y bunga ng kanyang sakit na multiple sclerosis.

Hindi raw kasi kakayanin ni Alma ang pagod kaakibat ng pangangampanya para sa posisyon ng pagka-senador.

Sa kasalukuyan ay nanunungkulan siya bilang councilor ng Parañaque.

Ayon sa kuwento ni Alma kay Lhar Santiago sa news program na 24 Oras kagabi, Setyembre 5, nagulat daw ang anak niyang si Yeoj Marquez nang datnan siya sa kanyang kuwarto noong nakaraang buwan.

Si Yeoj ang isa sa mga anak ni Alma sa dating asawa na si Joey Marquez.

Naabutan daw siya ni Yeoj na hindi makakilos, namamaga ang mga ugat, at iniinda ang pananakit ng ulo’t katawan at panlalabo ng paningin.

Yun pala ay inatake si Alma ng multiple sclerosis.

Ayon sa medicinenet.com, ang multiple sclerosis ay isang sakit na “progressively” ini-injure ang nerves ng utak at spinal cord.

Bagamat hindi pa matukoy ang eksaktong sanhi ng sakit na ito, pinaniniwalaan na may kinalaman ito sa “genetic, immunological, and environmental factors.”

Wala pang lunas sa kasalukuyan ang multiple sclerosis.

KEEPING IT TO HERSELF. Ayon kay Alma, noong 1990s pa siya na-diagnose na may multiple sclerosis ngunit hindi niya ito ipinaalam sa kanyang pamilya.

Tuwing aatakihin daw siya’y nagkukulong na lamang siya sa kuwarto.

Pagbabahagi ni Alma sa 24 Oras, “Kasi ang totoo niyan, kapag inatake ka at bumigay na daw talaga yung katawan mo, ano ka daw talaga… paralyzed po.

“Ang hirap na… ‘wag naman sana.

“Kunin na lang ako pag gano’n.”

Ang ibig sabihin ni Alma ay may nanaisin pa niyang bawian na lamang siya ng buhay kaysa maparalisa.

Hindi lamang multiple sclerosis ang iniindang sakit ng aktres. Bukod dito ay mayroon din daw siyang diabetes at high blood.

STEM CELL THERAPY. Kaugnay ng kanyang mga karamdaman, sumasailalim ngayon si Alma sa stem cell therapy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang stem cell therapy o treatment ay ang kontrobersiyal na teknolohiya ng pagre-repair ng luma o damaged cells sa katawan ng tao.

Tila nauuso ngayon ang stem cell therapy sa mga showbiz personalities.

Ilan sa mga artistang sumailalim na sa ganitong proseso ay ang aktres na si Lorna Tolentino, ang talent manager na si Lolit Solis, at ang cosmetic surgeon na si Vicki Belo.

Si Lorna ang biyuda ng yumaong aktor na si Rudy Fernandez, na naging live-in partner ni Alma at kung saan mayroon siyang isang anak—si Mark Anthony Fernandez.

Sa Germany isinagawa ang stem cell treatment nina Lorna, Lolit, at Dra. Belo.

Tinurukan sila ng injection sa kanilang pigi nang siyam na beses. Galing daw sa embryo ng black mountain sheep ang itinurok sa kanila.

Sa kaso ni Alma, mula sa umbilical cord ng isang bagong silang na sanggol ang serum na itinuturok sa kanya.

Wala pang medical proof na direktang nakagagaling ng sakit ang stem cell therapy.

Pero paliwanag ng nakapanayam na doktor ni Lhar Santiago na si Dr. Levi John Lacsangan, “Stem cell treats directly yung conduction, yung conduction na may problema, yung short circuit.

“Kumbaga, hini-heal niya yung short circuit system natin.

“So ang stem cell goes directly to these problem areas.”

Wala mang kasiguraduhan ang pagpapagamot na ito ni Alma, malaki pa rin ang pasasalamat niya sa stem cell therapy.

Aniya, “Ang hirap, kaya sobrang… thank you.

“Ngayon ko masasabi na mahal ako ng Panginoon and thank you sa Kanya.

"Sobrang nakatulong sa akin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN