Lian Paz confirms separation from husband Paolo Contis; says it was Paolo who decided that they separate

Lian Paz on separation from Paolo Contis: “Hindi ako puwedeng parang eng-eng na mahinang klase na iiyak na lang forever. Oo, kailangan umiyak talaga ako. Araw-araw po akong umiiyak, hindi pa rin nauubos ang luha ko. Pero yung mga anak ko, kailangan kong maging matatag para sa kanila. Pero yung door ko, nakabukas lang po. Maghihintay lang po ako sa kanya. Sana po. Mahal na mahal ko po ang asawa ko.”


Kinumpirma ng dancer-actress na si Lian Paz ang balitang hiwalay na sila ng kanyang asawa na si Paolo Contis pagkatapos ng halos apat na taong pagsasama.

Matagal na raw pinaplano ng dating miyembro ng EB Babes na makaharap ang ilang entertainment press, simula pa nang magbalik-showbiz siya sa pamamagitan ng fantaserye ng TV5 na Enchanted Garden.

Nataon namang kung kailan nai-schedule ang pocket interview ni Lian kagabi, September 12, sa Romulo’s restaurant sa Scout Tuazon, Quezon City, saka may pumutok na balitang may pinagdadaanan daw ang pagsasama nila ni Paolo.

May blind-item report kasing lumabas na isang mag-asawa raw ang nagkakalabuan dahil patuloy pa rin daw sa pambababae ang mister.



SEPARATION RUMOR. Nang tanungin kung kumusta na ang kanyang pamilya, sumagot si Lian ng, “Okay naman po.”

Pero halata sa mga mata niya ang kalungkutan.

Ito ang nagbigay ng hudyat sa press, kasama na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), upang usisain si Lian kung ano nga ba ang tunay na saloobin niya.

Nang tanungin kung bakit may balitang hiwalay na sila ni Paolo, tumango si Lian bilang pagkumpirma sa lumabas na balita.

“Malalaman din naman po,” sabi niya.

Pero magkasama pa rin daw sila sa iisang bahay.

“As of now, we are. We are still living together, pero soon… eventually.”

Ang ibig sabihin ni Lian ay maghihiwalay na sila ng tirahan.

Si Paolo raw ang nagdesisyon na si Lian ang maiiwan sa bagong bahay na ipinagawa nila sa Pasig City.

Kay Lian din titira ang dalawa nilang anak na babae ni Paolo na sina Xonia Aitania at Xalene Abriana.

Saad ni Lian, “Siyempre po, ayaw rin naman niyang umalis kami dahil binili rin naman niya ang bahay na yun para sa amin.

“So, doon po kami sa bahay. At siya po ang aalis para makapag-isip-isip.”



IN LOVE. Marami ang nagulat sa naging pag-amin ni Lian na hiwalay na sila ni Paolo. Kailan lang din kasi inamin ni Paolo sa publiko na kasal na sila ni Lian sa Huwes.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang akala ng lahat ay in love na in love sina Lian at Paolo sa isa’t isa, kaya ang tanong: Ano ang nangyari?

Ayon kay Lian, “In love naman po kaya rin we have decided… ako, nirerespeto ko ang desisyon niya for now.

“Baka maybe, yun din ang dahilan para mas makabuti o baka naman yun ang healthy for him, baka may pinagdadaanan siya.

“So, sa akin, I’m not closing my door at ganoon din naman po siya, hindi niya isinasara.”

Ano ba ang dahilan kaya nagdesisyon si Paolo na maghiwalay na sila?

“Siguro po nanibago siya, 360 degrees naman po talaga ang changes.

“It’s really different when you pay a lot of bills. Dalawa’ng anak niyo.

“Siguro akala namin prepared na prepared na kami. Tapos nagsunod pa yung dalawa naming baby.

“It’s a blessing from God, pero siguro lahat ng married couple na nagkakaanak, dumadaan talaga sa mga ganyang pagsubok.

“Kaya yun, nirerespeto ko po yung desisyon niya, pero nandito lang ako para sa kanya.”

Hindi ba nila naisip na ayusin muna ang lahat?

“According to him po kasi, according to Pao, we’ve been both unhappy na siguro hindi namin alam.

“Siguro sa mga differences namin o sa mga nangyayari ngayon na changes sa buhay namin.

“Dahil nga may mga anak na kami, lumalaki na sila. Malaking pamilya, lumalaki ang mga gastos every day.

“Baka isa yun sa pinagdadaanan niya.

“Ako, bilang asawa, dapat siguro, intindihin ko.”

Tinanong ng PEP si Lian: Bilang siya ang babae, naging submissive ba siya nang buung-buo kay Paolo bilang asawa?

“Yes,” mabilis na sagot niya.

“Pero siguro, baka may pagkukulang ako, hindi ko lang alam.

“Kasi minsan, ganoon tayo, e. Tao lang tayo. Nagiging insensitive rin tayo.

“So, siguro parehas. Parehas po kaming nagkukulang sa isa’t isa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“As much as puwede pang-i-save, at kung yun ang sa tingin niya rin na ways para ma-save ang marriage namin, so be it.”

Sa palagay niya, masi-save pa ba nila ang kanilang pagsasama gayong nagdesisyon na silang maghiwalay?

“Ako, sa sarili ko, gusto ko. Hindi ko lang po alam sa kanya,” sagot ni Lian.

Ayon pa sa dancer turned actress, kung siya raw ang masusunod ay ayaw talaga niyang maghiwalay sila ni Paolo.

“At first, siyempre ayoko pong maghiwalay kami.

“Siyempre, iniisip ko po, una, mga bata, bago ang sarili ko.

“Kaso, yun po ang desisyon niya. Bilang asawa, rerespetuhin ko po yun.

“At sana, sa pag-alis niya, maisip niya po yun.”

Mamayang gabi, September 13, ay aalis si Paolo kasama ang iba pang hosts at production team ng Manny Many Prizes para sa kanilang show sa Amerika.


NO THIRD PARTY. Sa kabila ng balitang nambababae diumano si Paolo, idiniin ni Lian na walang third party sa desisyon nilang maghiwalay.

Sabi pa niya, “At saka, sa pagiging father naman po niya, he’s a very good father.

“Siguro po, differences naming dalawa. Nag-a-adjust kami sa married life.

“Actually, ang mas nakaka-praning po, yung walang pinanggagalingan, yung bigla-bigla na lang.

“Kasi, kung mambabae naman po, sa liit ng mundo ng industriya, e, malalaman ko rin po yun.”

May kinalaman ba ang pagbabalik ni Lian sa showbiz sa paghihiwalay nila ni Paolo?

“Hindi naman po siguro,” tanggi ni Lian.

“Kasi, noong una naman po, nagpaalam naman po ako sa kanya.

“Two years din akong tumigil sa industriya.

"Ngayon, medyo malaki-laki na yung mga bata. May nag-offer at ipinaalam ko naman yun sa kanya.

“So, sumuporta naman talaga siya kung yun daw ang gusto ko, ‘Sige, mabuti rin yung may ginagawa ka, may trabaho ka.’

“So, yun. Siguro nga lang talaga, may ganoong phase sa lalaki, intindihin ko na lang talaga.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Busy raw talaga si Lian ngayon. Bukod pa sa pagiging regular cast ng Enchanted Garden, nagtatrabaho rin siya nang full-time sa Full Circle bilang media relations officer.



THE WEDDING. Dalawang taon nang kasal sina Lian at Paolo. Ikinasal sila sa Huwes noong August 1, 2010.

Bakit kailan lang sila umamin na kasal na pala sila?

Paliwanag ni Lian, “Inisip din po namin yung career… siyempre yung career rin niya.

“Hindi rin kasi siya sure sa contract kung ano yung nakalagay do’n, baka hindi pa puwede, ganoon po.”

Pero si Paolo rin ang umamin na kasal na sila, di ba?

“Opo, siguro po, naisip niya, baka kapag umamin siya, nalaman na kasal na kami, hindi na ako maaagaw ng iba. Baka ganoon po,” sagot ni Lian.

Sa kabuuan ng panayam ay hindi nito mapigilang umiyak.

Mahigit tatlong taon pa lang nagsasama bilang mag-asawa sina Lian at Paolo. Sa loob ng panahon na yun, madalas ba yung mga pag-aaway nila?

“Ako po kasi, kapag nakikipag-away sa kanya, hindi po ako seryoso.

“Siguro ganoon lang po ako. Naghahanap lang ng lambing ng asawa ko.

“Pero siyempre, nami-miss ko rin yun kasi tutok po kami sa mga bata.

“So, yung pagiging husband and wife niyo, minsan, nawawala.

“So, yun ang sinasabi ko na differences na baka nagbago sa aming dalawa na hindi namin napapansin.”

Naniniwala si Lian na pareho silang may pagkakamali at pagkukulang.

“Makulit po talaga ako. Kahit antok na antok na ‘yan, kakausapin ko. Gusto kong malaman ang problema niya.

“Siguro noong time na gusto na niyang magsalita, ako naman po ang busy.”

Paano kinakaya ngayon ni Lian ang nangyayari sa kanila?

“Painful siyempre,” naiiyak na sagot niya.

“Iba yung you broke with up someone na alam mong boyfriend-girlfriend lang kayo.

“It’s very new to me na may anak kami.

“Sa totoo lang, I don’t know how to start it. Nagpapakatatag for now.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“I’m getting my strength sa mga anak ko.”



THE KIDS. Mabuti na rin daw siguro na babies pa ring maituturing ang dalawang anak nila. Si Xonia ay two years old at si Xalene naman ay isang taong gulang.

Sabi ni Lian, “Mabuti na lang hindi pa sila marunong magsalita. Yun ang hindi ko alam kung paano magsasalita.

“Kasi, every morning, nakabukas na ng pinto ‘yan, ‘Papa…’

“Ganoon talaga.”

Ayon kay Lian, noong September 11 lamang nagdesisyon si Paolo na maghiwalay muna sila. Kaya wala pa raw siyang maisasagot pagdating sa magiging arrangements nila pagdating sa kanilang dalawang anak na babae.

“Yung arrangement, pag-uusapan pa po namin nang maayos.

“Ngayon ay nasa bahay pa siya. Aaalis siya ng States tomorrow and then, pagbalik niya, siguro uuwi pa naman siya.

“Meron pa siyang mga gamit sa bahay, siguro kukunin pa niya.”

Ang lola raw ni Lian na nagpalaki sa kanya ang unang nakaalam ng mga nangyayari ngayon sa pamilya niya.

“Lola ko pa lang po bilang lumaki po ako sa lola.

“Pero yung mommy ko, daddy ko, napapansin po nila kapag malungkot ako. Ramdam naman po nila.

“Yung lola ko, noong malaman niya po, umiyak po siya kanina.”



IDEAL COUPLE. Noong magsimula ang relasyon nina Paolo at Lian ay marami ang naging tutol dito. Pero marami rin ang humanga nang panindigan nila ang pagmamahal nila sa isa’t isa.

Ngunit sa huli ay sa hiwalayan din pala mauuwi ang lahat.

Reaksiyon ni Lian dito, “Alam niyo, akala nga po namin, dati, may nag-curse sa relationship namin, akala talaga namin hindi kami magtatagal.

“Pero, iba ang ginagawa ng love at prayer.

“So ngayon, dasal na lang po muna.

“Yung love, e, actually, okay na rin po.

“Siguro, baka kung mag-stay kayo together at mag-aaway kayo nang mag-aaway, ang dami mong sisitahin sa kanya, lalo lang lumayo yung tao, lalong mawalan ng love, mapalitan ng hatred.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, hangga’t meron pa, respetuhin natin.

“Kung kayo talaga, kayo talaga.”

Kung sakaling mauwi ba ang lahat sa legal separation ay makikipag-cooperate siya?

“Wala pa naman po yun sa mga napag-usapan namin. Pero for now, part ways muna.

“I don’t think I’m ready for this one. No one is ready for this.

“Mahal ko po ang pamilya ko,” sabi ni Lian.

Bilang hindi naman daw isinasara ni Lian ang posibilidad na magkabalikan sila ni Paolo, umaasa siya na maaayos pa rin ang lahat sa pagitan nilang mag-asawa.

“I’ll do everything,” sambit niya.

“Lumaki ako na kumpleto ang pamilya ko, daddy ko, mommy ko. Kahit nagkakaproblema, sila pa rin at the end of the day.

“Pero kung yun ang desisyon niya, baka kailangan niya yun ngayon. Siguro rerespetuhin ko muna.”

Sa ngayon, alam daw ni Lian na kailangan niyang maging matatag para sa dalawa nilang anak.

“Ang makakasagot lang naman po ng lahat ng ito ay ang Diyos lang.

“Nandito lang ako para sa kanya. Hindi ako puwedeng parang eng-eng na mahinang klase na iiyak na lang forever.

“Oo, kailangan umiyak talaga ako. Araw-araw po akong umiiyak, hindi pa rin nauubos ang luha ko.

“Pero yung mga anak ko, kailangan kong maging matatag para sa kanila.

“Pero yung door ko, nakabukas lang po. Maghihintay lang po ako sa kanya. Sana po.

“Mahal na mahal ko po ang asawa ko,” panghuling sabi ni Lian.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN