Jestoni Alarcon gets reunited with his loveteam partner Rita Avila in Sana Ay Ikaw Na Nga

“Kami naman kasi ni Rita, talagang trabaho ang ginagawa namin noon. Kapag sinabi na kailangang magmukha kaming sweet tuwing may promo kami ng pelikula, ginagawa namin. Madali pa kasing mapaniwala ang mga manonood noon, e… Kaya akala ng mga fans na naging kami. Pero ang totoo, may sarili kaming mga dine-date noon,” pagtatapat ni Jestoni Alarcon (main picture) tungkol sa kanila ng ka-loveteam niya noong 1980s at 1990s na si Rita Avila (inset).


Natuwa si Jestoni Alarcon nang muli silang pagsamahin ng kanyang ka-loveteam noong ‘80s at ‘90s na si Rita Avila sa afternoon drama series ng GMA-7 na Sana Ay Ikaw Na Nga.

Twice pa lang kasi nagkasama sa drama series sina Jestoni at Rita.

Una ay sa Marimar at pangalawa ay sa Darna.

Pareho raw na saglit lang ang paglabas nila sa mga naturang series.

Ngayon sa Sana Ay Ikaw Na Nga ay gumaganap silang magulang ni Andrea Torres.

Si Jestoni ay si Ricardo Peron na originally ay ginampanan ni Joey de Leon at si Rita naman ay si Mariana Fulgencio na unang ginampanan ni Jaclyn Jose.

Huling napanood si Jestoni sa drama series na Makapiling Kang Muli at na-excite nga ito nang sabihing magbabalik ang tambalan nila ni Rita sa Sana Ay Ikaw Na Nga.

“Siyempre naman, happy ako. Kasi si Rita, isa ‘yan sa mga naging mabuti nating kaibigan ever since nagsimula tayong mag-artista.

“Unforgettable ang tambalan namin noon sa Seiko Films at nakakatuwa na hanggang ngayon ay kilala pa rin kami ng marami.

“Nagkasama na kami before, pero guest role lang kami, kaya one or two taping days lang kami.

“Ngayon, pangmatagalan na ang pagsasama namin sa Sana Ay Ikaw Na Nga,” sabi ni Jestoni nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanyang guesting sa show ni Chef Boy Logro na Kusina Master kamakailan.

Isa sa mga sikat na loveteams ng Seiko Films ang tambalang Jestoni at Rita.

Nagtambal sila sa ilang comedies, tulad ng Di Bale Na Lang (1987), Ako Si Kiko Ako Si Kikay (1987), Leroy Leroy Sinta (1988), Rock-A-Bye Baby Tatlo Ang Daddy (1988), at Mirror Mirror On The Wall (1988).

Nagkapareha rin sila sa mga drama movies na tulad ng Huwag Mong Buhayin Ang Bangkay (1987), Hiwaga Sa Balete Drive (1988), at action films na Walang Panginoon (1989), Kunin Mo Ang Ulo Ni Ismael (1990), Babayaran Mo Ng Dugo (1989), at Kristobal: Tinik Sa Korona (1990).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Huling pelikula na nagsama sina Jestoni at Rita ay ang God Save The Babies noong 1994.

NOT REALLY TOGETHER. Ayon kay Jestoni, kahit na ilang pelikula ang napagsamahan nila ni Rita, hindi raw sila nagkaroon ng relasyon.

“Kami naman kasi ni Rita, talagang trabaho ang ginagawa namin noon.

“Kapag sinabi na kailangang magmukha kaming sweet tuwing may promo kami ng pelikula, ginagawa namin.

“Madali pa kasing mapaniwala ang mga manonood noon, e.

“Wala pang mga drama series noon sa TV noong kabataan namin. Puro mga pelikula lang noon, kaya bihira kami mapanood sa TV except sa That’s Entertainment at GMA Supershow noon.

“Kaya akala ng mga fans na naging kami. Pero ang totoo, may sarili kaming mga dine-date noon.

“Sa amin kasi ni Rita, basta trabaho very cooperative kaming dalawa. Kaya siguro maraming naniwala sa team-up namin,” nakangiting sabi pa Jestoni.

KUMARE AND KUMPARE. Kaya ang pagkakaibigan nila ay nauwi sa pagiging kumare’t kumpare na lang.

“Ninang si Rita ng isang anak ko. Kaya parang parte na siya ng pamilya namin.

“Yun naman ang maganda sa aming dalawa. Kahit na matagal kaming hindi nagkikita or nagkakausap, kapag magkita man kami parang walang nagbago.

“Kung sino ang Rita Avila na nakilala ko noong araw, ganun pa rin siya hanggang ngayon,” diin pa ni Jestoni.

Kaya nga ramdam din ni Jestoni ang lungkot noong mabalitaan niyang pumanaw ang first-born ni Rita at ng mister nitong si Erick Reyes na si Elia Jesu noong 2006.

“Oo naman, isa ako sa nalungkot for Rita kasi alam kong matagal niyang hinintay ang magkaroon ng baby.

“Ako nga, tatlo ang anak ko. Tuwing may bago akong baby noon, lagi ko siyang tinatanong kung kelan naman siya?

“Kaya noong mabalitaan ko ang nangyari sa baby nila ni Direk Erick, nalungkot talaga ako bilang kumare ko nga si Rita.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NO TO SHOWBIZ FOR NOW FOR HIS KIDS. Speaking of mga anak, may anak na si Jestoni na nasa college at nasa high school naman ang dalawa.

Kahit na may interes nga raw na pasukin ng mga ito ang showbiz, gusto pa rin ni Jestoni na makatapos sila ng pag-aaral.

“Pinapayagan ko naman sila mag-guest kapag ang topic tungkol sa mga anak ng artista. Okey lang iyon. Pero yung gawin na nilang career, hindi puwede.

“Mahirap ang pagsabayin nila ang pag-aaral at pag-aartista. Kalaban nila diyan ang puyat. Ayokong maranasan nila iyong pinagdaanan ko noon.

“Gusto kong makatapos sila ng studies nila. Kapag tapos na sila, okey na mag-showbiz sila.

“Tulad ng anak ni Lotlot [de Leon] at Monching [Ramon Christopher] na si Janine Gutierrez. Naka-graduate na siya ng college kaya pinabayaan na siya ng parents niya na mag-artista.”

ON GOING BACK TO POLITICS. Sa darating na eleksyon nga sa 2013, tinanong namin si Jestoni kung balak ba nitong tumakbo ulit sa lugar nila sa Rizal.

Dating councilor si Jes ng Antipolo City at naging vice-governor din siya ng Rizal.

“Hindi ko pa alam, e. Pinag-iisipan natin. Pero sayang naman ang mga trabaho natin ngayon.

“May mga nag-e-encourage sa atin ulit na tumakbo. Nothing is sure pa naman.

“Right now, may mga tinutulungan tayo na mga grupo sa Rizal. May mga projects doon na sinusuportahan ko.

“Kahit na wala tayong hinahawakan na posisyon ngayon, nasa public service pa rin naman tayo.

“Pagdating naman sa pagtulong sa mga charitable organizations, handa tayo para diyan.

“Open ako sa pagbigay ng tulong talaga,” pagtatapos ni Jestoni Alarcon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN