ABS-CBN, TV5, and GMA-7 unite for Dolphy musical tribute special

Umakyat sa stage at nagpasalamat sina (mula kaliwa) Boy2 "Dos" Quizon, Vandolph, Manny Quizon, Karylle, Zsa Zsa Padilla, Sahlee Quizon, Zia Quizon, Eric Quizon, Epy Quizon, at Ronnie Quizon, sa mga nanood ng musical tribute, mga artistang nagsidalo’t nag-perform, at sa TV networks na tumulong para mairaos ang Dolphy Alay Tawa: A Musical Tribute to the King of Philippine Comedy na ginanap kagabi, Setyembre 19, sa SM Mall of Asia Arena.


Sa isang pambihirang pagkakataon ay nagsanib-puwersa ang tatlo sa pinakamalalaking networks sa Pilipinas: ABS-CBN, TV5, at GMA-7.

Ang pagsasama-samang ito ng tatlong leading networks sa bansa ay upang magbigay-pugay sa Hari ng Komedya ng Pelikulang Pilipino na si Dolphy.

Pinamagatang Dolphy Alay Tawa: A Musical Tribute to the King of Philippine Comedy, ginanap ang malaking pagdiriwang na ito kagabi, September 19, sa SM MOA Arena, Pasay City.

Tila bumaba ang mga bituin sa langit, dahil halos lahat ng mga pinakamalalaking pangalan sa industriya ay nakiisa para parangalan ang nag-iisang Hari ng Komedya.

Pumanaw si Mang Dolphy noong July 10, 2012 dahil sa mga kumplikasyon dulot ng chronic obstructive pulmonary disorder (COPD).

THE TRIBUTE CONCERT. Sa ginanap na tribute concert ay inalala ng mga kamag-anak, kaibigan, at katrabaho ni Mang Dolphy ang mahigit animnapung taong ibinihagi niya sa industriya ng showbiz sa pamamagitan ng pagkanta, pagsayaw, at pagpapatawa.

Napuno ng mga artista mula sa Kapamilya, Kapatid, at Kapuso networks ang entablado ng Arena; habang ang ibang mga bituin at kilalang personalidad naman ay nagbahagi ng kanilang mga mensahe at performances sa pamamagitan ng video clips.

Bawat network ay may representative sa halos lahat ng production numbers at spiels.


FRONT ACT. Bago magsimula ang program proper ay nag-front act muna ang mga apo ng Comedy King na sina Rowell at John Quizon.

Pinalakpakan nang husto ang mga apong ito ni Dolphy sa anak na si Freddie, nang kumanta habang ginagaya ang boses at mannerisms sa pagkanta ng iba’t ibang lokal na artista, tulad nina Jaya, Ogie Alcasid, Janno Gibbs, Nora Aunor, Fernando Poe Jr., at ng mismong si Dolphy.

Pagkatapos nito ay lumabas sa stage sina Bernadette Sembrano ng ABS-CBN, Paolo Bediones ng TV5, ay Rhea Santos ng GMA-7.

Matapos na batiin ang audience at magkuwento kung para saan ang tribute special, nagbiruan pa ang tatlong news anchors nang magkamustahan na.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ako, okay lang, ewan ko sa inyo, iniwan n’yo ako, e," sabi ni Rhea kina Bernadette at Paolo na parehong galing sa Kapuso network bago nagsilipatan ng istasyon.

Sinagot naman siya ni Bernadette ng biro rin na, "Okay lang kami, ikaw baka gusto mong lumipat?"

Tinawanan ng audience ang biruan na ito ng news anchors.

Ibinahagi rin ni Rhea kung bakit sa mismong MOA Arena pinili ng mga Quizon na gawin ang tribute event para kay Dolphy.

Dati raw kasing dagat ang kinatatayuan ng Arena at sa mismong spot na iyon, nung dagat pa ito ay natutong lumangoy ang teenager pa noong si Dolphy.

Pagkatapos ay tinawag na nina Rhea, Bernadette, at Paolo para umakyat sa stage sina Sahlee at Eric Quizon bilang representatives ng Dolphy Aid Para sa Pinoy Foundation.

Sinabi nina Sahlee at Eric na ang kikitain ng tribute special ay ibibigay ng foundation ng kanilang ama sa mga beneficiaries nito na Friends of Hope, Eye Bank Foundation of the Philippines, at Philippine Red Cross.


TRIBUTE PERFORMANCES. Matapos na mamahagi ng certificates at donasyon sina Sahlee at Eric sa mga nabanggit na beneficiaries, nagsilbing opening number ang sama-samang pag-awit nina Gary Valenciano, Martin Nievera, Janno Gibbs, Ogie Alcasid, at ang Megastar na si Sharon Cuneta.

Kinanta nila ang "Buhay-Artista" na theme song ng early ’60s TV show ni Dolphy na may parehong titulo.

In-introduce naman nina Heart Evangelista, Lorna Tolentino, at Boy Abunda, ang ilang clips ng mga pelikula ni Dolphy na nagpapakita ng comic timing ng yumaong komedyante.

Pagkatapos ay in-introduce ng magkapatid na Ruffa at Raymond Gutierrez ang comedy skit nina Jose Manalo at Wally Bayola na lumabas sa pamamagitan ng isang recorded video clip.

In-introduce naman nina Lovi Poe at Paolo Bediones ang isang video ng "pick-up-an" mula sa gag show ng GMA-7 na Bubble Gang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Maraming naaliw sa ginawang video presentation ng Kapuso gag show kunsaan nakalaban ni Boy Pick-up (Ogie Alcasid) si Dolphy bilang si Big Boy Puruntong.

Matapos ang video ay ipinakilala ni Edu Manzano ang drag-queen production number nina Michael V, Wendell Ramos, Keempee de Leon, Martin Escudero, Smokey Manaloto, at Gio Alvarez.

Sinamahan at nakipagsayawan sa kanila ang hunks na sina Aljur Abrenica, Daniel Matsunaga, at Rayver Cruz.

In-introduce naman ng mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo ang classic Dolphy-Panchito "translation department" skit na ginawan naman ng version ng mga anak ni Dolphy na sina Epy Quizon at Vandolph.

Ang Kapuso stars na sina Marian Rivera at Dennis Trillo ang nag-intro ng "Swan Lake" dance number nina Iya Villania, Jhong Hilario, Melai Cantiveros, Ruby Rodriguez, at Ai-Ai delas Alas.

Sa pamamagitan din ng video presentation ay binalikan ng veteran stars na sina Susan Roces, Eddie Garcia, Daisy Romualdez, German Moreno, Rosa Rosal, Nova Villa, at Eddie Gutierrez, ang kanilang magagandang alaala kasama ang Comedy King.

Ang Diamond Star na si Maricel Soriano ang nag-intro sa dance number at John En Marsha-Home Along Da Riles skits ng mga child star ng ABS-CBN kiddie gag show na Goin’ Bulilit.

Kabilang naman sa mga nagsalita tungkol sa kung ano ang gusto nilang tularan kay Dolphy ay sina Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Barbie Forteza, Joshua Dionisio, Ritz Azul, Aljur Abrenica, Kris Bernal, Eula Caballero, Maja Salvador, at Piolo Pascual.

Ang magkapatid na Toni at Alex Gonzaga ang nagpakilala sa mga anak at apo ni Dolphy na sina Eric, Ronnie, Epy, Vandolph, at Boy2 "Dos" Quizon, na kumanta ng medley ng ’60s to ’90s songs habang naka-costume ng ’70s outfit at afro wigs.

Pagkatapos ng kanilang medley number, ipinakilala naman ni Eric ang video ng pagkanta ni Zia Quizon ng "Smile" ka-duet ang isang lumang clip ni Dolphy na kumakanta rin ng nabanggit na awitin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Naiyak ang nasa audience na si Zia habang pinapanood ang video ng duet nila ng kanyang ama.

Sina Carla Abellana at Glaiza de Castro ang nagpakilala sa dance tribute nina Mark Herras at Gab Valenciano para kina Dolphy at sa dance partner nito noon na si Bayani Casimiro.

Ipinakilala naman nina Billy Crawford at Derek Ramsay ang song number nina Nikki Gil, Angeline Quinto, Jolina Magdangal, Rachelle Ann Go, Danita Paner, at Arci Muñoz ng mga ’60s at ’70s songs na paborito ni Dolphy.

Isang taped monologue naman ang ginawa ni Eugene Domingo kunsaan isa raw siyang another woman na naka-affair ni Dolphy.

Tinawag niya si Dolphy as "bombilya of my life." Tawanan ang tao sa monologue skit na ito ni Uge.

In-introduce ni Roderick Paulate ang tap dance number nina Vhong Navarro, Shaina Magdayao, Pauleen Luna, JC de Vera, Edgar Allan Guzman, Rocco Nacino, Eula Caballero, Enzo Pineda, Wynwyn Marquez, at ang tap dancing duo na Happy Feet.

Kumanta naman sa video ang sinasabing "heir apparent" ni Dolphy na si Vic Sotto ng "Send In The Clowns."

Naiyak ang partner ni Mang Dolphy na si Zsa Zsa Padilla habang pinapanood ang video na ito ni Vic.

Nagsalita sa pamamagitan ng video si Star For All Seasons at Batangas Governor Vilma Santos-Recto habang ipinapakita ang ilang litrato nila nung nagkasama sila sa ilang pelikula at nang maging Box-Office King and Queen sila.

Nagtilian at nagpalakpakan ang mga tao nang lumabas sa stage ang Superstar na si Nora Aunor at sinabi ang ilang linya ng kantang "Handog."

Pigil ni Nora ang pag-iyak habang nagsasalita pero bumigay rin siya bago lisanin ang stage.

Pagkatapos nito ay nagsama-sama sa stage ang magkakapatid na Quizon at ang apo ni Dolphy na si Boy 2 na kinanta ang "We Are Family." Kasama na nina Epy, Vandolph, Eric, Ronnie, at Zia ang dalawa pa nilang kapatid na sina Sahlee at Manny.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Habang kumakanta sila ay umakyat na rin sa stage si Zsa Zsa kasama ang anak na si Karylle.

Nagpasalamat si Zsa Zsa sa mga pumunta sa tribute concert at in-introduce ang video ni Dolphy kunsaan inalayan ng rapper na si Gloc-9 ng rap ang Comedy King.

Lumabas sa screen ang lyrics ng paboritong awitin ni Dolphy na "What A Wonderful World" para makikanta ang audience sa lahat ng celebrities na nag-perform noong gabing iyon.

Sa gitna ng programa ay nagbigay rin ng kani-kanilang video message ang chairman ng tatlong pinakamalalaking networks sa Pilipinas.

Unang nagbigay ng mensahe ang chairman ng GMA-7 na si Atty. Felipe Gozon. Sinabi nito na si Dolphy ay hindi pagmamay-ari ng isa o dalawa lamang na network kundi ng lahat.

Sumunod na nagsalita ang chairman ng ABS-CBN na si Mr. Gabby Lopez. Bukod sa napakabuting tao raw ng Comedy King ay isang napakabuting kaibigan din daw nito.

Ikinuwento ng ABS-CBN chairman kung paanong laging dumadalaw noon si Dolphy sa kanyang amang si Geny Lopez nang makulong ito nung panahon ng Martial Law.

Panghuling nagbigay ng mensahe ang chairman ng TV5 na si Manny V. Pangilinan. Sinabi niya ang dahilan kung bakit patuloy pa rin nilang ipinapalabas sa Kapatid network ang Pidol’s Wonderland at isang malaking karangalan daw para sa kanila na makatrabaho ang Comedy King.

Ipapalabas ang special tribute concert na ito para kay Dolphy sa ABS-CBN, TV5, at GMA-7 sa September 30, Linggo.

EXHIBIT FOR DOLPHY. Pagkatapos ng event ay nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Eric Quizon sa backstage.

Natutuwa raw ang actor-director sa kinalabasan ng tribute special para sa kanilang ama.

"It’s been tough, because after his death we mounted this event. Everyone thought it was impossible to involve the three networks and the stars, but we managed to do it, we mounted it and it’s so much fun," sabi ni Direk Eric.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagpapasalamat siya sa mga artistang nagboluntaryo para magbigay ng tribute sa kanilang ama.

"Everyone did this for free. Even [MOA] Arena, this venue is for free. So, thank you talaga sa lahat.

"Yung ibang artista pa nga, did not wait for us to ask them, they volunteered agad nung malaman nila ang tribute concert.

"And siyempre, thank you very much talaga sa tatlong networks. Sa Kapamilya, Kapuso, at Kapatid for doing this," pasasalamat pa ni Eric.

Susunod daw na gagawin nila ay ang pagsasagawa ng Dolphy exhibit na magpapakita sa publiko ng mga items na ginamit at related sa Hari ng Komedya.

"Hindi pa sure ang date, pero definitely, sa Gateway [Araneta Center] namin gagawin.

"Ipapakita namin yung mga gamit ng daddy ko, yung kotse niya, yung mga isinuot niya sa shows, yung mga awards, mga pelikula niya..."

Patuloy pa rin daw ang pagpapalabas ng SM Cinemas ng dalawang huling pelikula ng kanyang ama na Father Jejemon at Nobody Nobody But Juan sa tatlong weekends.

"September 21, 22, 23, and then September 28, 29, 30, at October 5, 6, and 7," saad ni Eric.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN