Wendell Ramos feels no disappointment over having no TV projects: “Wala akong TV shows, pero tatlong movies na sabay-sabay.”

Kahit na walang ginagawa ngayon sa TV5 kunsaan siya nakakontrata, hindi naman nababahala si Wendell Ramos dahil sa pagiging abala niya raw ngayon sa tatlong pelikulang ginagawa. “Sa ngayon, nagkataon din na tatlong movie ang ginagawa ko ngayon at nagkasunud-sunod,” sabi ni Wendell. “So, para sa akin, medyo naging magaan pa rin.”


Marami ang naka-miss kay Wendell Ramos sa nakaraang Bench Universe: The 2012 Denim and Underwear Show na ginanap sa SM MOA Arena nung September 13 and 14.

Nasanay na kasi ang mga tao na isa si Wendell sa tinitilian at inaabangan sa nasabing fashion show.

Pero bakit nga ba wala si Wendell ngayong taon?

Nakausap naman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Wendell sa opisina ng PPL Entertainment, ilang araw bago naganap ang Bench show at nasabi na nga nito na hindi siya mapapanood na rarampa.

Kahit na nakapaghanda na siya para sa show na ito, nagdesisyon siya at ang management niya na pagkatapos ng dalawang taon na lang uli siya rarampa.

Ayon kay Wendell, “Next time na lang ako rarampa, after two years. Siguro, para maisip nila na kahit 36 na ‘ko no’n, para maisip nila na at least, sa mga ganoong age, puwede pa rin mag-underwear [sa rampa].”

Malaking bagay raw kay Wendell ang fashion show ng nabanggit na clothing and lifestyle brand dahil dito raw siya unang na-discover ng namayapang manager niya dati na si Douglas Quijano.

“Sa Cebu noon, doon ako na-discover. Rumampa lang ako noon, nag-underwear. ‘Tapos,‘ayun, naisip na nina Ben Chan.

“Kasi nga, naging maganda ang feedback ng mga tao. Model pa lang ako noon,” pagbabalik-alaala ni Wendell at pagbanggit pa sa pangalan ng may-ari ng Bench.


CHALLENGING ROLE. Samantala, gagampanan naman ni Wendell sa indie film na Menor de Edad, ang role ng isang matulunging professor na napagbintangang nang-rape ng isa niyang babaeng estudyante.

Lead star sa nabanggit na indie film ang baguhang si Meg Imperial. Si Wendell ang bidang lalaki.

Challenging daw ang role na ito para kay Wendell.

“Sobra,” saad niya.

Direktor ni Wendell sa pelikulang ito si Joel Lamangan, ang direktor niya rin sa isa pang pelikulang itinuturing niyang challenging sa kanya, ang 2004 Judy Ann Santos-starrer na Sabel.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagampanan na ni Wendell ang iba’t ibang characters sa mga teleseryeng nagawa niya, pero iba raw talaga ang hamon na binuksan sa kanya ng Menor de Edad.

Masasabi ba niyang puwedeng pang-award ang performance niya sa pelikulang ito?

“Hindi ko iniisip na pang-award siya.

“Kasi sa akin, lahat ng pelikula, lalo na yung may heavy drama, feeling ko, award na yun, ‘di ba?

“Maibigay lang sa ‘yo ang project na yun, it’s an award. Award na talaga.”

Natuwa rin daw siya sa reaksyon ng mga nasa paligid niya sa isang eksenang nakunan na nila.

“So, sa project na ito, I’m glad dahil natuwa ang mga crew.

“At mismong mga nakakulong sa selda, bigla silang tumahimik sa moment.”

Sa eksenang iyon daw kasi, isang madramang eksena sa loob ng selda ang pag-uusap nila ng gumaganap na asawa niya sa pelikula na si Almira Muhlach.

Natutuwa raw siya na may “moment” talaga sila ni Almira sa eksenang iyon na na-appreciate ng mga nanonood sa kanila.

“At saka, hindi naman porke’t sinabing drama, drama na agad.

“Siyempre, pabigat siya nang pabigat.

“Kaya ako natuwa sa scene na isa sa pinaka-moment namin na mag-asawa.”

Pinuri naman ni Wendell ang leading lady niya talaga sa pelikula na si Meg.

Kahit baguhan daw ito, magaling nang umarte.

“Magaling siyang umarte,” aniya sa kapwa Kapatid talent.

NO TV PROJECTS. Kumusta na nga pala ang pagiging Kapatid niya.

Kapansin-pansin kasi na matapos niyang magkaroon ng sunud-sunod na proyekto sa TV5 nung kalilipat pa lang niya roon ay tila wala siyang masyadong ginagawa rito.

“So far, hindi ko muna iniisip yun. Kasi, hindi naman nila ako pinapabayaan dun. Although…sa lahat naman ng network na pinagtrabahuhan ko.

“Sa ngayon, nagkataon din na tatlong movie ang ginagawa ko ngayon at nagkasunud-sunod. So, para sa akin, medyo naging magaan pa rin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May dalawa pa ngang pelikulang ginagawa si Wendell bukod sa Menor de Edad, ang Bayang Magiliw at ang El Presidente.

Kaya wala raw siyang nararamdamang disappointment kung bakante man siya sa paggawa ng proyekto sa TV.

“Hindi, hindi ako nadi-disappoint.

“Siguro kasi, kaya ako natutuwa, hindi lang ako yung after ng shows sa TV, mag-aabang ka, ang riribyuhin ng tao sa ‘yo o ng mga boss ng isang network, ‘O, naging maganda ang performance na ginawa niya sa huling show’ o drama show, ‘Kunin natin ulit for another show kasi, naka-kontrata naman.’

“Pero, hindi ganoon.

“Ang puwede nilang basehan, yung mga movies na ginagawa ko, which is, hindi naman tie-up ng network.

“Kaya ang sabi ko nga, ang suwerte ko naman.

“Tingnan mo, wala akong TV shows, pero tatlong movies na sabay-sabay,” nakangiting sabi ni Wendell.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN