Jolina Magdangal reveals reason why she chose Mikoy Morales over her other protégés

Gustong makita ng mag-asawang Jolina Magdangal at Mark Escueta ang northern lights sa Alaska para sa kanilang first wedding anniversary: “Gusto talaga namin sa Alaska sana para makita ang northern lights, e. Kaso, na-research namin, sa March pa. Meron din daw ng September, e—hindi naman puwedeng agad-agad.”


Isa sa mga mentor ng Protégé: The Battle For The Big Artista Break ang actress-singer na si Jolina Magdangal.

Bago ang gala night ng Protégé noong Linggo, September 23, ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press si Jolina.

Mula sa apat na orihinal na apat na protégés ay tatlo pa ang natitira sa mga napili ni Jolina mula sa Cebu audition: sina Zandra Summer, Bryan Benedict, at Mikoy Morales.

Pero dahil sa twist ng show na kailangang mamili lang ng isa ang bawat mentor sa natitirang nilang protégés, kinailangan ni Jolina na pakawalan ang dalawa sa kanyang mga alaga.

Ang mga hindi naman napili ay mapupunta sa ibang mentors.

Ang pinili ni Jolina na manatili sa kanyang poder ay si Mikoy, at pinakawalan niya sina Zandra at Bryan.

Napunta si Zandra kay mentor Gina Alajar, samantalang si Bryan naman ay napunta kay mentor Ricky Davao.

Ang pinili naman ni Jolina na protégé mula sa ibang mentor ay si Jeric Gonzales, na galing kay Gina.


JOLINA’S CHOICE. Sa hindi pagkakapili kina Zandra at Bryan, naging tapat ang mga ito na nagkaroon sila ng kaunting tampo sa kanilang orihinal na mentor.

Ano ang reaksiyon dito ni Jolina?

“Hindi ko nga nararamdaman na nagtampo sila.

"Si Zandra nga, hindi ko maramdaman na may tampo siya.

“Kasi, parang mas ano siya ngayon… noong isang beses, isang Sunday, kung yakapin niya ako… ngayon, may kasama nang gigil.

“Bata lang, fufu lang ako, aso lang!” natatawang kuwento niya.

Pero sa tingin ni Jolina, posibleng si Bryan ang may tampo pa sa kanya.

“Siguro ano lang... nahihiya. Sabi nila, nahihiya raw.

“Pero hindi ko naman alam kung ano ang dapat niyang ikahiya kasi pinapansin ko pa rin.

“Pero ayoko namang mamilit na, ‘Tara, usap tayo.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siyempre, sarili niyang pakiramdam yun o saloobin.”

Bakit nga ba si Mikoy ang napili niya?

“Kasi, noong pinapili kami, si Mikoy yung nakitaan ko... na lahat magagawa—kumanta, musician, sumayaw, host, umarte—noong time na yun.

“Hindi ko sinasabi na hindi kaya ng dalawa. Kasi nga, may balak pa ako sa kanila. May kinakausap pa ako sa training sa kanila.

“Pero kasi, pinapili kami ng time na yun kaya wala akong choice kung hindi magpili talaga ng isa.”

Prangkahan namang tinanong si Jolina kung sa pakiramdam niya ay magta-top si Mikoy sa competition.

Aniya, “Ayoko namang masyadong magpaka… hindi naman mayabang, pero masyadong relax.

“Pero naniniwala kasi ako sa kanya, e. At saka nagtutulungan naman kami.

“At ngayong napunta sa akin si Jeric, naniniwala rin ako na kakayanin din niya at kung hindi siya magtitigas ng ulo.”

Matigas ba ang ulo ni Jeric?

“Hindi pa nga. Ayoko nga ang magtigas ang ulo.”



STRESSFUL. Bilang isang mentor, bago kay Jolina ang ginagawa niya sa show.

Pero nag-e-enjoy ba siya o mas nai-stress siya?

“Nag-e-enjoy, pero sa totoo lang, hindi ko ipagkakaila na stressful siya.

“Kasi, sasabihin pa lang sa inyo ang challenge for next Sunday, ang meeting nila Tuesday.

“The whole Monday, diyan pa lang nagkakaroon ng changes kaya kailangan napag-isipan mo na yun mula Monday.

“Wednesday naman, personalan. At tapos Thursday, kailangang ma-mentoran ko sila sa gagawin nila, hindi puwedeng hindi.

“Kahit kakapiranggot lang, hindi puwedeng hindi.”



NEW RESIDENCE. Nagawi naman ang usapan sa paghahanap ng bagong tirahan ng mag-asawang Jolina at Mark Escueta.

Hanggang ngayon ay wala pa rin daw silang nahahanap na bahay na maituturing nilang sa kanila.

Sa bahay ng pamilya ni Mark sa Parañaque tumutuloy ang mag-asawa ngayon.

Ayon kay Jolina, “May condo siyang patapos nang bayaran sa Resorts World. Iniisip namin kung doon na lang ba muna kami.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung bahay talaga, may makikita kami na okay sana kaso biglang hindi puwede yung, halimbawa, ayoko ng buo na agad.

“Gusto ko, naggo-grow with the family.

“At saka siguro, pihikan kami. Kasi gusto namin, yung bahay, ito na yung magiging bahay namin for ten years.”

Biniro naman si Jolina na sigurado raw bang magtatagal sila ni Mark ng ten years?

“Oo naman! Hanggang next life!” natatawang sabi naman niya.



SECOND HONEYMOON. Ngayong November ay nagpaplano sina Jolina at Mark ng kanilang totoong honeymoon. Pero hindi pa rin daw sila sigurado kung anong bansa ang pupuntahan nila.

“Gusto talaga namin sa Alaska sana para makita ang northern lights, e."

Ang northern lights o mas kilalang "aurora borealis" ay isang tanawin sa langit na magandang mapanood sa Alaska.

“Kaso, na-research namin, sa March pa.

"Meron din daw ng September, e, hindi naman puwedeng agad-agad.

“Gusto naming i-celebrate kasi ang first year anniversary namin. So, baka sa Europe na lang. Gusto namin yung backpack.

“If ever, gusto nga namin sa November 21, sa Splendido at parang picnic-picnic lang kami.”

Sa November 21 ang first year anniversary nina Jolina at Mark bilang mag-asawa, at sa Splendido naman sila ikinasal.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN