Senator Tito Sotto to file resolution to scrap libel law: "Alisin na ang libel para kami puwede na ring magmura, kayo puwede na ring magmura..."

Ito ang sinabing dahilan ni Senator Tito Sotto sa kanyang balak na maghain ng resolusyon upang alisin na ang “Libel Law” sa bansa: “Magpa-file ako sa Lunes, alisin na rin sa inyo [media], alisin na natin lahat, alisin na natin ang libel. Magpa-file ako ng bill o resolution na alisin na ang libel para kami puwede na ring magmura, kayo puwede na ring magmura, at bakit sila lang ang puwede?”


Tila napuno na si Senator Vicente "Tito" Sotto III sa mga batikos na natatanggap niya kaugnay ng kontrobersiyal na Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Law.

Partikular na tinututulan ng marami ang probisyong libelo na nakapaloob sa bagong batas na ito.

Sa Cybercrime Prevention Law ito ay pinalawak ang ibig sabihin ng "libel" upang masakop ang mga violation na matatagpuan online, partikular na sa social networking sites gaya ng Twitter at Facebook.

May mas mabigat din na parusa sa sinumang mapapatunayang nagkasala.

Sa panayam kay Senator Sotto ng dzMM kanina, Oktubre 3, ay sinabi nitong maghahain siya ng resolusyon upang alisin na ang libel provision, hindi lamang sa Cybercrime Prevention Law kundi maging sa print at broadcast media.

“Ngayon, ipagpalagay na natin na gusto nila, open talaga, gusto nila may freedom of expression sila, gawin natin. Pag-aralan natin sa Senado.

“Magpa-file ako sa Lunes [October 8], alisin na rin sa inyo [media], alisin na natin lahat, alisin na natin ang libel.

“Magpa-file ako ng bill o resolution na alisin na ang libel para kami puwede na ring magmura, kayo puwede na ring magmura—at bakit sila lang ang puwede?” tila paghamon pa ng senador.

Itinanggi ng TV host-politician na siya ang nagsingit ng libel provision sa Cybercrime Prevention Law.

Bago pa man daw mangyari ang mga pambabatikos sa kanya sa iba’t ibang social networking sites kaugnay ng isyung plagiarism ay naipasa na sa Senado ang Cybercrime Prevention Law, kung saan kabilang na ang libel sa listahan ng mga punishable acts.

Pero giit niya, hindi nilalabag ng Cybercrime Prevention Law ang freedom of expression ng mga mamamayan.

Idiniin din ng senador na “moralidad” ang isyu sa batas na ito at hindi upang harangan ang kalayaan ng mamamayan na ipahayag ang kanilang saloobin.

Ani Senator Sotto, “Moralidad ang issue dito, e, kaya nga gusto nating bantayan ang cyberspace, kasi yung moralidad ng mga kabataan natin, nababastos na, e. Nabababoy na.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN