Sabay na nagsumite ng kanilang certificate of candidacy ang mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao noong Martes, October 2, para sa 2013 elections.
Si Manny ay tatakbong muli bilang congressman ng Sarangani Province, habang si Jinkee naman ay tatakbo bilang vice governor sa parehong lalawigan.
(CLICK HERE to read related story.)
Sa panayam ni Manny sa primetime newscast ng TV5 na Aksyon, sinabi nitong puspusang dasal ang kanyang pinagdaanan bago tuluyang magdesisyon sa bagong mundong tatahakin ng asawa.
“Inisip ko nang matagal, nagdasal ako nang taimtim. Paglabas ko ng kuwarto, nagsigawan yung mga kasama ni Jinkee na, ‘Vice gov, vice gov!’”
Sabi pa ni Manny, hindi dapat husgahan agad kung ano ang kayang gawin ng kanyang asawa dahil sabay raw silang nag-aral noon ng crash course sa public administration and governance.
Sabi naman ni Jinkee, “Pero kasi, pag sa pulitika, hindi naman patalinuhan. Ang importante is matulungan natin ang kababayan natin.”
Sa ulat naman ng Interaksyon, ang news portal ng TV5, sinang-ayunan ni Manny ang sinabing ito ng kanyang asawa.
Aniya,“Maraming matatalino, ang problema napapaikot nila yung pera ng gobyerno.
“Sa sobrang talino, pinapaikot yung pera ng gobyerno. Di napupunta sa mga tao.”
Pangako naman ni Jinkee sakaling mahalal na vice governor, magsisilbi siya nang tapat sa kanyang mga kababayan.
“I will serve them with love, with compassion,” sabi niya.
