Atty. Ferdinand Topacio wants public apology from Bea Binene and her mother

Nagpatawag ng presscon si Atty. Ferdinand Topacio kahapon, October 3, upang sagutin ang mga isyung kinasasangkutan niya kaugnay ng mag-inang Carina at Bea Binene.


Nagpatawag ng press conference ang kontrobersiyal na abugadong si Ferdinand "Ferdie" Topacio kahapon, October 3, sa Hotel Rembrandt.

Ito ay kaugnay ng pagkakadawit ng pangalan niya sa isyu ng Kapuso teen actress na si Bea Binene at ng DWLS disc jock na si Dan Villanueva o mas kilala bilang Papa Dan.

Matatandaang sinampahan ng reklamo si Papa Dan noong Setyembre 3 sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil diumano sa pangba-blackmail at pangha-harass nito kay Bea.

Ayon sa report ng Philippine Daily Inquirer, ang ina ni Bea ang nagsampa ng reklamo laban sa disc jockey.

Pero pinabulaanan ni Mrs. Binene na may pahintulot nila ang pagsasampa ng kaso laban kay Papa Dan.

Si Atty. Topacio raw ang nagsampa ng reklamo at wala raw kinalaman dito ang mag-inang Binene.

(CLICK HERE to read related story.)

Sa presscon niya kahapon, detalyadong sinagot ni Atty. Topacio ang mga akusasyon laban sa kanya sa pamamagitan ng isang PowerPoint Presentation na may titulong “Hey, This Is The Truth, Bea!"

NO LAWYER-CLIENT RELATIONSHIP. Una niyang sinagot ang akusasyong wala raw silang “lawyer-client relationship” ni Bea.

Ipinakita ni Atty. Topacio ang isang sulat dated “24 April 2012” para kay Ms. Lilybeth Rasonable, ang vice president for entertainment ng GMA-7.

Ipinagbigay-alam sa sulat, base sa instruction ng kliyente ni Atty. Topacio na si “Beanca Marie L. Binene,” na ang ina at legal guardian ng young actress ang tatayo bilang “Personal Manager/Co-Manager” nito katuwang ang GMA Artist Center.

Nasundan ito ng isa pang sulat dated “07 June 2012” at naka-address naman kay Ms. Annette Gozon-Abrogar, president ng GMA Films, para payagan si Bea na makagawa ng album sa Galaxy Records.

Ipinakita rin ni Atty. Topacio ang acknowledgement letter ni Arsi Baltazar, talent management division head ng GMA Artist Center. May petsa itong “28 June 2012.”

Ayon kay Atty. Topacio, kung hindi siya ang legal counsel ni Bea, dapat daw noon pa lang ay sinabi na ng mag-ina at itinanggi na siya ng mga ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



NO ROMANTIC INVOLVEMENT. Na-link din noon si Atty. Topacio, 46, kay Bea, 14. Pero mariin itong pinabulaanan ni Bea sa mga nauna niyang interviews. (CLICK HERE to read related story.)

Sa presscon niya kahapon, itinanggi ni Atty. Topacio na may relasyon sila ni Bea bukod sa pagiging legal counsel ng young actress.

Pero inamin ng abugado na totoong naglabas siya ng pera para sa Bea Cares Foundation ng tween star.

Ipinakita pa nga ni Atty. Topacio ang mga tseke na inisyu niya para sa foundation at debut album ni Bea.

Ipinakita rin ng abugado ang acknowledgment receipt na pirmado ng ina ni Bea bilang patunay na tumanggap ang mga ito ng pera mula sa kanya.



COMPLAINT AGAINST PAPA DAN. Sinagot din ni Atty. Topacio ang isyung hindi raw siya awtorisadong magsampa ng reklamo laban kay Papa Dan.

Saad ng abugado, tatlong beses niyang sinamahan ang mag-inang Binene sa CIDG kaugnay ng kanilang reklamo kay Papa Dan.

Ipinakita ni Atty. Topacio ang police blotter na naitala sa CIDG noong August 8 upang pabulaanan na siya ang pumirma ng reklamo ng mag-ina.

Ang inireklamo nila sa CIDG ay pang-aabuso diumano ni Papa Dan kay Bea.

Nilinaw rin ni Atty. Topacio na hindi siya ang nagsabi sa mga awtoridad na kumpiskahin ang mobile phone at portable computer ni Papa Dan dahil naglalaman daw ito ng sensitibong mga larawan at videos na maaari raw makasira sa pangalan ni Bea.

Saad ni Atty. Topacio, “Wala akong sinasabi kung ano ‘yon. Yun ang ni-relay sa akin.

“Sabi ko, hindi ko puwedeng kumpiskahin yun upon the arrest of Mr. Villanueva because I will be charged with theft or robbery.

“Sabi ko, it has to be the police, as an incident of a lawful arrest para ma-confiscate yun.”



DISBARMENT CASE. Pagkatapos ng PowerPoint Presentation ni Atty. Topacio ay sinagot niya ang mga katanungan ng imbitadong entertainment press.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Una ay ang tungkol sa disbarment case na diumano’y planong isampa laban sa kanya ng mga Binene. Ito ba ang rason kung bakit siya nagpatawag ng presscon?

Sagot ng abugado, “Hindi ako takot sa disbarment case sapagkat as you have seen, I can very well defend myself.

“Wala silang tigil sa H.O.T. TV, Startalk, 24 Oras… yun, maligning my good name.

“Ang sinasabi nila, nakikialam daw ako, wala raw akong authority, idea ko lang daw.

“Ang apelyido kong Topacio ay dala ng misis ko [Judge Dinnah Aguila-Topacio] who is an RTC judge in Manila...

"Dala ng mga anak ko, ama ko [Atty. Arturo M. Topacio] na dating provincial board member at abogado rin.

“Dala ng mga kamag-anak ko who are known in their own field.

“I have an uncle who is a national scientist, si Uncle Teddy Topacio.

“I have a niece na nasa Artista Academy, si Nicole Topacio-Estrada.

“These people all have the names Topacio, sinisira nila yung pangalang Topacio.

“Doon ako lumabas, hindi dahil sa disbarment.”

Dagdag niya, “Sana lang sa GMA, kinausap muna nila ako at naliwanagan sana sila.

“E, papaano ngayon, sila ang lumabas pa na tagapagsalita ng mga Binene? Sinabi pa nila na ganito, ganoon? Hindi totoo. Vice president pa ang nagsalita.

“E, di kawawa naman ang GMA kung sila ay nalinlang ng mga Binene.

“Nagsalita sila that will later on be proven wrong, sino ang nakakahiya?

“Ano nga ako, e… actually, mas marami akong pinapanood na Kapuso shows.

“Panay nga ang tweet ko ng Party Pilipinas, e.

“Nagbibiro pa nga ako, sinasabi nila, ‘Ano ba ang party list mo?’

“Sabi ko, ‘Party Pilipinas.’

“Mas nanonood pa nga ako. Mas marami akong kaibigan diyan.”

Ang Party Pilipinas ang weekly musical-variety show ng GMA-7.



IS SOMETHING GOING ON? Tinanong din si Atty. Topacio kung sa palagay niya ay may namamagitan kina Bea at Papa Dan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot niya, “That is none of my concern.

“Sinabi nila, sila ay nanganganib, tumulong ako dahil ako ay abogado nila.

“That is what the lawyer does—he protects his client.

“Ang problema lang, if the client couldn’t protect the lawyer, kawawa ang lawyer.”

Nang may lumabas na isyu sa pagitan nila ni Bea ay mabilis daw itong itinanggi ng teen actress.

Sabi ni Atty. Topacio, “Noong may lumabas na isyu sa amin ni Bea, ang bilis ni Bea na nag-deny. Ang bilis ko rin nag-deny.

“Bakit ito, biglang nawala si Bea? Bakit hindi siya mag-deny sa relationship nila ni Papa Dan?

“Bakit si Mommy Carina? Bakit nawala siyang bigla?

“Bakit bigla siyang nawala? Magsalita ka naman, girl.”

Dugtong pa niya, “Anyway, ako, napatid din ako sa mga Binene.

"Hanggang ngayon, actually, itinuturing ko silang kaibigan.

“And sabi ko, baka hindi lang nagkaintindihan or may pressure from some quarters or baka hindi masira ang reputation.

“Actually, until now, wala naman akong ill feelings towards Bea. I have nothing but the best for her.

“Kanta yata ni Adele yun, a!” biro pa ng legal counsel.

“Pero sana, public apology lang ‘to na, ‘Attorney, pasensiya na kayo. Nagulo ang isipan namin, nalito kami.

“’Hindi kami sanay sa ganitong problema, kung anu-ano ang nasabi namin, pasensiya na kayo.

“’If we have caused you pain, we’re sorry and how can we be friends again,’ tapos ang usapan.”



REMEMBER WHEN…. Paano at kailan sila nagkakilala ni Bea?

Pabiro namang nag-request si Atty. Topacio kung may background music ba.

Aniya, “It was November… hindi ko na ma-recall ang date.

“I was a guest in News To Go, ni Howie Severino at Kara David.

“They interviewed me regarding PGMA [Gloria Macapagal Arroyo], yung gulo… Nagkakagulo nun, di ba, gusto niyang umalis, pumunta kami ng Supreme Court.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“When I was in make-up room, tumawag si Tina Panganiban-Perez [GMA News reporter]. Sabi niya, ‘Attorney, nasaan po kayo?’

“Sabi ko, ’Ang suwerte mo, nandito na ‘ko sa GMA, hindi mo na ‘ko hahanapin, hindi mo na ‘ko pupuntahan. Guest ako sa News To Go.’

“Sabi niya, ‘Sir, pagkatapos n’yo, interbyuhin ko kayo sa lobby.’

“So, sabi ko, ‘Walang problema, nandito naman ako.’

“Doon kami sa may malaking Christmas tree magsu-shoot.

“Noong papunta na kaming Christmas tree, sumilip si Bea. May segment siya sa Good News.

“Tandang-tanda ko pa, may dala-dala pa siyang one hundred pesos.

“Sabi niya, ‘Ano ang mabibili sa one hundred pesos ngayong Pasko?’

“Sabi ko, ‘Tina, akala ko ba magsu-shoot tayo?’

“’Sir, nasingitan tayo.’

“Sabi ko, ‘Sino ba ‘yan?’

“Sabi niya, ‘Ano ho, artista ho namin.’

“Tinitingnan ko siya, sabi ko, parang pamilyar.

“E, napanood ko ang Tween Academy. Sabi ko, si Ms. Bea Binene yata ‘to ah.

“So, noong natapos siya, I walked up to her and said, ‘Excuse me, ma’am, di ba kayo si Ms. Bea Binene?’

“Sabi niya, ‘Attorney Topacio, kamusta po? Napapanood ko kayo.’

“Sabi ko, napanood din kita sa Tween Academy.

“Sabi niya, ‘Huh, hindi naman kayo nanonood ng ganun.’

“Sabi ko, ‘Nanonood ako, I’ll prove it to you.’

“Sinabi ko, siya si George, ’in love ka sa character ni Jepoy [Jake Vargas].’

“Sinabi ko, wala siyang dialogue noon, pero within five seconds, na-convey niya jealousy, anger, envy.

“Sabi ko sa kanya, that was the best moment of the film.

“Siguro natuwa siya sa sinabi ko.

“Tapos nag-usap kami sa lobby for thirty seconds. Hanggang sa kinakalabit na ako ni Ms. Tina Panganiban-Perez.

“In short, naging magkaibigan kami, and that’s the story.”



JUST AN APOLOGY. Ipinagdiinan ni Atty. Topacio na mag-apologize lang ang mag-inang Binene sa kanya ay puwede na sila ulit maging magkaibigan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Puwede kong kalimutan ang lahat ng ito. It’s just a simple misunderstanding.

“Sa pagkakaibigan naman, minsan, hindi nagkakaunawaan.”

Wala raw anak na babae si Atty. Topacio kaya parang ganito raw ang turing niya kay Bea.

“Kaya nga sinasabi ko, ako, wala akong anak na babae. Dalawang lalaki ang anak ko, e.

“But I look as her as the daughter I never had. Kaya ano, e, sayang, sayang yung samahan.”

Fascinated ba si Atty. Topacio sa beauty ni Bea?

“Kahit sino naman siguro, hindi lang ako. She’s a friend of mine.

“I’m fascinated with her beauty that an early age, ang ibang bata, gustong gumimik, siya, may concern na siya for the less-fortunate. Meron na siyang charitable foundation.

“Talagang nagbibigay—that’s what impressed me about Bea Binene.”



CONDO UNIT. Sinagot din ni Atty. Topacio ang isyu na diumano’y nagbigay siya ng five-million worth of condo kay Bea.

Aniya, “Sinagot ko nga yun, sabi ko, hindi naman five million yun, 4.6 million lang. At hindi ako ang bumili.

“I think, matagal na nilang hinuhulugan ‘yan.

“Ang pagkakaalam ko lang diyan, noong gusto nilang mag-move in dun, sa condo unit na yun…

“Kasi nga, sabi nila may stalker, minsan hindi sila makauwi sa Caloocan.

“So, humingi sila ng recommendation sa akin sa interior decorator and I recommended my own personal friend.

“So, yun ang extent ng participation ko sa condo issue na yun.”

Nilinaw naman ni Atty. Topacio na “never” nangutang ng pera sa kanya ang mommy ni Bea. Hanggang sponsorhip lang daw.

Sabi pa niya, “Kaya lang, parang nagulat lang ako. Ako ang nag-o-offer at tinanggihan nila. Sinabi naman sa foundation.

“At kapag may mga projects sa foundation, kami ay tumutulong at nakikita naman na ibinibigay nila sa mahihirap.

“Katulad sa Santo Tomas, may video, in-upload ko pa nga sa YouTube ang video namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nandoon si Papa Dan, siya pa ang emcee.

“December 20, talagang 600 children from the poorest barangay in Santo Tomas, binigyan namin ng damit, pinakain namin ng Jollibee, damit, laruan…

“Talagang tumutulong naman si Bea. She’s sincere.”



FROM HIS CAMP? Sinagot din ni Atty. Topacio ang tungkol sa espekulasyon na yung mga lumalabas na isyu tungkol kina Bea at Papa Dan ay galing daw sa kampo niya.

“Yun ay konklusyon based on sa report sa Inquirer. Doon nagmula lahat ‘yan.

“Kaya nga sabi ko, bakit hindi ang Inquirer ang tanungin nila?

“Bakit ako ang pinuntirya nila, wala naman akong inilalabas, e.

“Talagang yung article na lumabas medyo damaging.

“According sa Inquirer, tutal, e, public naman, may in-interview raw na high-ranking CIDG official, who said na upon the investigation, may something nga.

“Kasi nga, actually, talagang mahirap hindi mag-conclude otherwise, kung someone has been staying in your house for seven months na hindi naman related sa ‘yo, either by blood or by marriage, di ba?

“Wala akong sinasabi na nagli-live-in. Sila naman ang may sabi na tumira sa kanila si Papa Dan ng seven months.

“Kaya nga sabi ko, if that’s the case, it just made the case more complicated.

“Kaya nga instead na local police ang puntahan namin, sa Crame ko sila dinala para CIDG-specialized agency ng PNP, hindi local police.”

Pero sinasabi naman na “guest house” daw ang tinirhan ni Papa Dan.

“Well, whatever it is, sabi ko nga, I am indifferent as to the personal lives of my client.

“But I have to say this as preparation that they’ve been telling me about this stalker for so long.

“Sabi ko nga, ’Baka gusto n’yo kakausapin ko, tatakutin ko as lawyer.’

“It was only on August 8 na natataranta sila that I found out that this person has been living with them for some time.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yun lang naman ang sinabi ko, pati sa CIDG, inamin nila.”



SWITCHING LAWYERS. Bakit gustong umalis sa kanya si Bea bilang lawyer nito at lumipat sa isang female lawyer?

“Hindi ko alam… actually, matagal na nilang sinasabi, gusto nga raw nila, female lawyer.

“Sabi ko, ‘Fine, humanap kayo ng female lawyer.’

“Wala namang female lawyer. Alangan namang hintayin ko ang female lawyer kung kakatayin na sila ng sinasabi nilang stalker?

“I have to take action, but with always with their consent.

“Nagkaroon lang naman ng female lawyer after the Inquirer article came out, e.”

Nabanggit din ni Atty. Topacio na pro bono siya kay Bea bilang lawyer at nagbibigay pa siya ng pera sa foundation nito bilang sponsor.

Bakit niya ginagawa ang mga ito para kay Bea?

“Hindi lang naman sa kanya, e. Kay Mang Lauro,” pagtukoy ni Atty. Topacio kay Lauro Vizconde, na present din noong presscon at nasa tabi niya.

“May sinisingil ba ’ko sa inyo? Huwag n’yong sabihing may gusto ako kay Mang Lauro!

“Yung foundation, I also give/donate to Give A Life Foundation.

“I also donate to UNICEF. Yung foundation ni Mr. Ike Gutierrez.

“Kasi I believe to whom much is given, much is expected.”

Pero bakit sa kabila ng lahat ng mga naibigay niya sa mga Binene ay siya pa ang idinidiin ng mga ito?

“E, minsan, ganyan talaga ang buhay. It happens,” sagot niya.

“But, hindi naman irretrievable o irreversible ang sitwasyon.

“Hanggang ngayon, I still consider them as friends.

“Mag-usap kami. Upuan natin. Ano ba ang naging problema? May nagawa ba kong kasalanan sa inyo? Sorry.

“O, mag-sorihan tayo. Magkamay tayo. Humarap tayo sa Bibliya.

“Sabihin natin, misunderstanding lang. Hindi natin gustong siraan ang pangalan ni Atty. Topacio.

“Let’s help us and be thankful, tapos ang usapan.”

Muli naming nilinaw kay Atty. Topacio kung public apology lang ba mula kay Bea ang hinihintay niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi, kahit si Mommy Carina na lang. Huwag na nating i-involve si Bea kasi busy siya.

“Kasi, wala naman akong galit kay Bea.

“Inalagaan ko siya katulad ng pag-aalaga ni Kuya Germs kay Jake Vargas,” sabi ni Atty. Topacio na ikina-react ng mga imbitadong press.

Si German "Kuya Germs" Moreno ang tumatayong manager ng ka-loveteam ni Bea na si Jake Vargas.

Ipinahayag at ipinaalam din ni Atty. Topacio ang ilan sa mga prominenteng personalidad sa bansa na kliyente niya; kabilang na ang mga dating Pangulo ng bansa na sina Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.

“Hindi lang naman nila ako pinulot sa bangketa ng Recto at nagno-notaryo doon! Hindi naman tayo nagmamalimos sa kliyente,” sabi niya.

Bukas ang PEP sa panig ng lahat ng mga nabanggit sa isyung ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN