Cybercrime Prevention Act of 2012: the pros and cons

Si Senator Tito Sotto ang nagdagdag ng "libel clause" sa Cybercrime Prevention Act of 2012, na nilikha ni Senator Edgardo Angara.

Sa kabila ng mga protesta at batikos laban dito, sinimulang ipatupad ang naturang batas noong October 3.

Isa sa labintatlong senador na pumirma ay si Chiz Escudero, na ngayon ay kasama sa mga nagsusulong na amyendahan ito.


Noong October 2 ay naging trending topic sa Twitter ang hashtag na #NoToCybercrimeLaw.

Ito ang araw bago ipatupad ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Kasunod nito ay nag-post ng itim na profile picture ang karamihan sa Facebook at iba pang blog sites bilang simbolo ng pagprotesta.

BACKGROUND. Hulyo ng nakaraang taon nang unang basahin sa Kongreso ang RA 10175 na nilikha ni Senador Edgardo Angara.

September 12, 2012 naman nang aprubahan ito ni Pangulong Noynoy Aquino at October 3 nang ito ay sinimulang ipatupad.

Isa sa mga layunin ng batas na ito ay protektahan ang mga netizens sa anumang klase ng pang-aabuso na maaring gawin sa pamamagitan ng Internet.

Sa ilalim ng Chapter III Section 4 ng batas, inisa-isa ang mga itinuturing na Cybercrime Offenses.

Sa unang bahagi, itinala ang mga “Offenses against the confidentiality, integrity, and availability of computer data systems.”

Ito ay tumutukoy sa mga sumusunod:

1) Illegal access

2) Illegal interception

3) Data interference

4) System interference, at

5) Misuse of devices

Nakapaloob dito ang mga gawain tulad ng spamming, hacking, at identity theft.

Sa pamamagitan nitong batas ay maari nang sampahan ng kaso ang sinumang mag-hack ng isang website o Facebook account, gayundin ang magpalaganap ng computer viruses.

Ang sinumang mahuling gumagawa ng naturang krimen ay maaring makulong ng anim hanggang labindalawang taon o magmulta ng hindi bababa sa P200,000.

Sumunod naman dito ay ang mga “Computer-related offenses”—Forgery, Fraud, at Identity theft.

Ito ang magpaparusa sa sinumang gumawa, halimbawa, ng Twitter account at magpanggap bilang ibang tao sa pamamagitan nito.

Ikatlo naman sa mga Cybercrime Offenses ay ang “Content-related offenses”—Cybersex, Child pornography, at Unsolicited commercial communications.

Magkakaroon na rin ng pananagutan ang mga nagsasagawa ng "online prostitution," lalo na kung ang sangkot dito ay mga menor de edad.

Ang pag-upload, halimbawa, ng isang sex video kapalit ang pera o kung anumang pabor ay itinuturing na cybersex at maaring mapatawan ng anim hanggang labindalawang taong pagkakakulong o multa mula P200, 000 hanggang P1 million.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang pagpapatakbo ng isang child pornography syndicate o di kaya ay pagpo-prodyus, pagdidirek, at pagdidistribute ng mga sex video kung saan may mga batang sangkot ay maaring mapatawan ng life imprisonment o mula P1 million hanggang P5 million na multa.

Kahit may ilang aspeto na hindi malinaw kung paano isasagawa— halimbawa na lang ay ang pagtukoy sa isang hacker o impostor— may mga nagsasabing napapanahon ang hangarin ng batas na ito lalo pa’t may nangyayaring pangaabuso sa cyberspace.

LIBEL CLAUSE. Ang idinagdag na libel clause ni Senator Vicente Sotto III sa ilalim ng “content-related offenses” ang umani ng negatibong reaksiyon.

“(4) Libel. ─ The unlawful or prohibited acts of libel as defined in Article 355 of the Revised Penal Code, as amended, committed through a computer system or any other similar means which may be devised in the future.”

Ayon nga sa Article 355 ng Revise Penal Code, “A libel is public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or any act, omission, condition, status, or circumstance tending to cause dishonor, discredit, or contempt of a natural or juridical person, or to blacken the memory of one who is dead."

Ibig sabihin, ang pagpintas, halimbawa, sa isang pulitiko sa personal blog ay maaaring mauwi sa pagkakakulong.

Ang pagpapahayag din ng galit sa isang yumaong presidente dahil sa pagsikil nito noon ng demokrasya ay maaari ding paglabag sa Cybercrime law dahil sa pariralang “to blacken the memory of one who is dead.”

Ito ay may parusa ring mula anim hanggang labindalawang taong pagkakakulong.

At dahil sa (a) Section 5 o “Aiding or abetting in the Commission of Cybercrime,” ang simpleng “like” o “retweet” ng isang itinuturing na libelous post ay maaaring sabihin na isang paglabag.

Gayundin ang pag-share ng isang artikulo dito sa PEP.ph na maaaring maka-offend sa isang personalidad...

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Gayundin ang pagpapahiram ng charger sa isang tao na gagamit ng cell phone para magtuligsa ang isang pulitiko...

Maraming abugado ang nagsasabing malabo o "napaka-vague" ng bahaging ito.

GENERAL LAW. Bago pa man naisabatas ang RA10175, naglabas ang YES! magazine sa October issue nito ng isang artikulo tungkol dito.

Ayon kay Atty. Sandy Coronel ng Yorac Arroyo Chua Caedo & Coronel Law Offices, na siyang legal counsel ng YES! at PEP.ph, self-censorship daw ang pangunahing option ng mga websites at blogs para maiwasan ang mga mapanirang comments.

Aniya, “The obligation by the publisher will be to deactivate the comment if an issue is raised. Kaya merong sites that say, ‘report.’

“Meaning, it alerts the publication or the website publisher that there is a complaint against a particular post, and it’s up to the webmaster to delete or keep it there.

“If you keep it there despite a protest, then the publication takes responsibility for the comment.”

Nasa kamay ng moderator kung paano babalansehin ang karapatan ng mga mambabasa sa pagpapahayag ng kanilang opinyon at ang pagpapanatili sa integridad ng website.

Ngunit paliwanag niya, hindi direktang sakop ng batas sa libel ang social media kaya naman sang-ayon siya magkaroon ng panuntunan para dito.

Maraming butas raw kung gagamitin ang Article 355 ng Revised Penal Code laban sa mga statements na ipinapahayag sa pamamagitan ng cyberspace.

Wika pa ni Atty. Coronel, “The two ways by which we can make a claim is either because the law is there or the Supreme Court says covered ‘yan by the law.

“Unfortunately, the law is general, so unless there is legislation that makes specifics, then the law will remain general.”

LIBEL LAW. Iba naman ang opinyon ni Caloocan City assistant prosecutor Rowena Alejandria sa interview niya sa YES! magazine.

Aniya, “Walang kailangang bagong batas, dahil enough para sa akin ang batas. Nagkataon lang na ‘yong medium is Twitter…

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang libel, meron kang sinabi na hindi maganda sa isang tao, at ‘yon ay merong third person na nakabasa o nakakita o nakaalam.

“Kasi yun yung definition ng publication, e: the moment that a third person [sees it]...”

Para kay prosecutor Alejandria, hindi na kailangan pa ng Cybercrime Law dahil napapaloob na ito sa batas tungkol sa libel.

Ngunit paliwanag niya, ilang taon ang inaabot bago matapos ang paglilitis sa kasong libel.

Ani prosecutor Alejandria, “Libel is not hard to prove pero malice si hard to prove.

“Isa sa mga elemento ng libel ay malicious dapat ang imputation. At dahil ang pagiging malicious, ’yang malice na ’yan is a a state of mind, mahirap nga namang patunayan yon.”

UNCONSTITUTIONAL? Ngunit ang patuloy na tanong ng marami, hindi ba sumasalungat ang Cybercrime Prevention Act of 2012 sa Article 3, Section 4 ng Philippine Constitution na nagsasabing:

“No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or of the right of the people peacably to assemble and petition the government for redress of grievances.”

Nagdeklara na rin ang United Nations na ang paggamit ng Internet ay isang basic human right.

Sa ulat ng American news site na cbc.ca, “In a ground-breaking new report, the United Nations has affirmed that all people should be allowed to express themselves freely and openly online, without fear of being disconnected.

“The U.N. Human Rights council unanimously backed a resolution that would penalize governments who cut off their citizens from the internet.

“‘The same rights that people have offline must also be protected online, in particular freedom of expression, which is applicable regardless of frontiers and through any media of one’s choice.’”

Ang paglilimita sa malayang pagpapahayag ng opinyon sa pamamagitan ng cyberspace ang isa sa implikasyon ng batas na ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Uubra pa kaya ang mga pamimintas ng ilang PEPsters sa artista? Paano ang kanilang honest opinion tungkol, halimbawa, sa hairstyle o damit ng artista?

Sa parehong Article 355 ng Revised Penal Code at RA 10175, kung naramdaman ng isang complainant na may "malice" ang isang comment tungkol sa kanya, may karapatang siyang mag-file ng complaint.

Ang kaibahan sa una, sasailalim ang inireklamo sa isang proseso. Habang sa RA 10175, puwedeng ipaalis kaagad ang inire-reklamong website.

HIGHER PENALTY, DOUBLE JEOPARDY. October 9 nang mag-lecture si Atty. Sandy Coronel sa Summit Media editorial group tungkol sa epekto ng Cybercrime Law sa online media.

Isa raw sa mga problema ng batas na ito ay ang one-degree higher penalty nito kumpara sa orihinal na batas.

Ayon sa ilang mambabatas, ang parusang ito ay unang itinakda para sa mga krimeng tulad ng cybersex at child pornography.

Nang idinagdag ang clause tungkol sa libel, nai-aapply rin ang mas malalang parusa.

Bukod pa sa one-degree higher na parusa ay maari ka pang makasuhan ng dalawang beses—sa ilalim ng orihinal na libel law at sa ilalim ng Cybercrime Law.

Ayon kay Atty. Coronel, “The content kasi of the communication is defined under the Penal Code. If it’s defamatory and it’s malicious, then it’s libelous.

“But if it is done via the Internet, you are now liable under the regular libel law and under this law. So for the same defamatory, malicious statement, you can get sued twice.

“Kaya medyo controversial siya, kasi ang claim nung mga legislators who are trying to stay away from this law [is] that this provision should not have been in this paragraph daw.

“Because the contemplation daw of the double penalty is just for those things. Kaya lang, doesn’t matter ‘cause it is there.”

Kung sa isang ordinaryong kaso, ang masampahan ng dalawang beses para sa iisang offense ay maituturing na double jeopardy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bakit maaring makasuhan ng dalawang beses ang isang tao sa ilalim ng Cybercrime Law?

“Because the law says that you can. Because this law is an exception to the rule,” saad pa ni Atty. Coronel.

HERE, THERE AND EVERYWHERE. Isa pang loophole sa batas na ito ay may kinalaman sa jurisdiction.

Saklaw ng batas na ito ang Internet activities ng mga Pinoy sa loob at labas ng bansa.

Paliwanag ni Atty. Sandy, “A violation committed by a Filipino national regardless of the place of commission... Kawawa ka naman. Just because Pilipino ka, covered ka. Maski wala ka na nga dito.

“Tapos, ‘any of the elements was committed within the Philippines.’ So, ano yung elements? So, publications, somebody accesses it…use of computer systems wholly or partly situated in the country.

“Or the damage is to somebody who at the time the offense was committed was in the Philippines. Inako na natin, basta may kinalaman sa Pilipino o sa Pilipinas, puwedeng idemanda dito.

“It resolved the issue of jurisdiction because before, under the libel law, you file the libel case where the material was first published.

“And since sa Internet hindi mo alam kung ano yung first published, walang concept of first published.

“So even if it was uploaded in Australia, it was uploaded by a Filipino, covered. If it was uploaded by a non-Filipino but a non-Filipino read it, covered.

“If it hurt a Filipino even if she did not read it, covered. Extraterritorial, di ba.”

Isa pang katangian ng batas na ito ay tila mapaghanap ito ng mali.

Wika ni Atty. Coronel, “Actually, the law is more designed to run after the violators…This law cannot be other than a restriction.

“And that reveals what it actually intends to do. It facilitates detection of violations, investigation to be conducted and prosecution.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi talaga natin kakampi in general ‘tong batas na ‘to.”

Ang inatasang mag-monitor ng cybercrime ay ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police.

May mga nagsasabing maari daw maging opportunity ito para sa corruption.

Dahil "vague" ang ilang probisyon dito, madaling sabihin na may violation ang isang user kahit wala namang criminal intent.

Ang Department of Justice (DOJ) naman ang binigyan ng kapangyarihan na i-block ang isang URL o i-restrict ang access sa isang website kung makikitang lumabag ito sa batas, prima facie.

Nangako ang kasulukuyang DOJ secretary na si Leila De Lima na hindi aabuso sa karagdagan niyang tungkulin.

At kung magiging permanente ang ganitong set-up, paano tayo makakasiguro ng hindi kailanman mangingibabaw ang personal na interes ng ilan?

Ano ang magiging basehan para masakdal ang kinasuhan?

Paliwanag ni Atty. Coronel, “This law being a special law does not require any criminal intent on our part, unlike libel under the penal code where criminal intent is necessary to convict.

“Special law violations do not require criminal content. So even if you did not mean to host the offensive material, de facto, you are the host.”

Mas maigi nga bang maamiyendahan ang batas na ito o ma-repeal na lamang?

Sa opinyon ni Atty. Coronel, “Well, the safest is to just repeal it. Because there are existing laws that govern libel and pornography. Meron naman, e.

“The only issue, really, is jurisdiction. But I’d rather have the vagueness of the old jurisdiction problem than eto, everywhere in the world, puwede. Masyadong, naeksaherada naman,” dagdag pa niya.

TEMPORARY RESTRAINING ORDER. Lastly, nakahanda na ba ang mga sangay na magiging involved dito?

Sa ngayon, hindi pa, pero malaki ang budget— 50 million pesos— na inilaan para dito kada taon.

Samantala, kahit isa siya sa 13 senators na pumirma, magpa-file na ng bill si Senator Francis “Chiz” Escudero na amiyendahan ang naturang batas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa isang panayam niya sa GMANews.com, sinabi ni Sen. Escudero na noon pa ay malinaw na ang kanyang paninindigan na tutol siya pag-criminalize ng libel.

Para naman sa lumikha ng batas na si Sen. Angara, bukas siya sa ilang mga pagbabago sa nasabing batas tulad na lamang ng pagbababa ng parusa sa online libel.

Mariin namang nanindigan ang Pangulong Noynoy Aquino na nais niyang manatili ang batas.

Ayon sa kanya, tungkulin niya na ipatupad ito. Gayumpaman, nasa kamay na daw ng Kongreso kung nais nila itong amyendahan.

Ang latest update: nag-issue na ng Temporary Restraining Order na valid for 120 days ang Supreme Court.

At sa panahong ito, maigi siguro kung busisiin natin kung nakabubuti ba ito sa nakararami o hindi?

At sana may panahon pa para dinggin tayo ng mga taong iniluklok natin sa posisyon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN