Sarah Geronimo denies Mommy Divine fired her make-up artist and stylist

“Isang malaking miscommunication po talaga. Alam n’yo, mahal ko po talaga ang mga taong ‘yon. Talagang habambuhay ko pong… Yung utang ng loob ko sa kanila, hindi mawawala po ‘yon,” explains Sarah Geronimo about report that her mom, Divine Geronimo, fired her longtime make-up artist and stylist.


Nagsalita na si Sarah Geronimo sa napabalitang pagkakatanggal ng kanyang matagal nang hairstylist at make-up artist dahil diumano sa kagustuhan ng kanyang ina.

Ayon kay Sarah, isang "miscommunication" lang ang nangyari sa pagitan ng kanyang ina na si Divine Geronimo at ang make-up artist ng Pop Princess na si Jing Monis at stylist nitong si Eric Pe Benito.

Sa phone interview ng YES! magazine sa entertainment columnist/radio host/actor na si Ogie Diaz, sinabi nitong: “Day, tinanggal na si Jing Monis bilang make-up artist at si Eric Pe Benito bilang stylist ni Sarah!

“Dahil kampi sila kay Gerald! ‘Yon ang narinig ko from my source. Kampi raw kay Gerald, kaya pinatanggal daw ni Boss Vic [del Rosario of Viva Artist Agency].”

Ang pahayag na ito ni Ogie ay nailathala sa October 2012 issue ng YES! na may pamagat na “What YES! Knows: Sarah and Gerald, The Story of a Love That Might Have Been.”

Si Jing Monis ay make-up artist ni Sarah sa loob ng pitong taon. Samantalang si Eric Pe Benito ay stylist ng singer-actress sa kanyang major concerts at advertising shoots sa loob ng limang taon.

Bagamat itinanggi ni Jing ang balitang ito, ibinahagi naman ni Eric na nalaman niya ang tungkol sa pagkakatanggal niya bilang stylist ni Sarah mula sa isang taga-Viva.

“Na-confirm ko na lang after, when someone from Viva told me that it was a directive nga from the mom na kami daw ni Jing Monis, ‘wag nang gamitin," sabi ni Eric sa hiwalay na interview ng YES!.



MISCOMMUNICATION. Nang tanungin si Sarah tungkol dito kanina, October 9, sa press conference ng bago niyang ine-endorso na Cherry Mobile, sinabi niya na “isang malaking miscommunication" ang nangyari.

Sabi ng Pop Princess, “Alam n’yo, mahal ko po talaga ang mga taong ‘yon.

“Talagang habambuhay ko pong… yung utang ng loob ko sa kanila, hindi mawawala po ‘yon.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Diin ni Sarah, hindi nila magagawang mag-ina ang nabalitang pagpapatanggal sa make-up artist at stylist.

“Never ko pong gagawin, sa pamilya namin, lalung-lalo na kami ng nanay ko, na magpapa-ban kami ng tao.

“Sino ba naman po kaming mga powerful na tao para magpa-ban ng mga stylist? At saka mahal po namin sila.”

Nakakatrabaho pa rin ba niya ang dalawa?

“Opo naman. Hindi ko alam kung saan nanggaling yung rumor na pina-ban sila.

“Ang sinasabi ko lang po, hindi po namin magagawa ‘yon.”

Dahil dito, umaasa ang tinaguriang Popstar Princess na maayos pa nila ang anumang hindi pagkakaunawaang nangyari.

Aniya, “Misunderstanding at miscommunication po itong nangyayari.

“Sana one day maupuan namin para mapag-usapan po ito.”



MOMMY DIVINE’S REACTION. Ano naman ang nararamdaman ni Sarah na muling nadadawit ang pangalan ni Mommy Divine sa isyung ito?

“Siyempre, masakit. Siyempre, masakit kasi never kong in-expect na magkakaganoon.

“Parang out of nowhere, naging ganun. Parang ‘Ano’ng nangyari?’ Parang, ‘Paano nangyari ‘to?’"

Gayunman, nilinaw ng 24-year-old singer-actress, “Pero as long as hindi naman po totoo at malinis, clear ang conscience naming pamilya, walang dapat ikabahala.

“Kailangan lang po na personal na makapag-usap-usap para maayos yung friendship po namin na mayroon po kami.”

Nang tanungin kung nakita niya kung paano naaapektuhan ang kanyang ina sa panibagong isyung ito, paputul-putol na sumagot si Sarah.

Aniya, “Siyempre, masakit po na makita yung mommy ko na [laging nadadamay].

“Hindi niya lang po ipinapakita sa akin…

“Minsan nakikita ko siya...

“Hindi, ayaw ko na pong magbigay ng detalye.

“Basta sana po maayos na.

“Huwag na lang po natin idetalye.”



ON GERALD ANDERSON. Sa kabilang banda, kinumusta ng press si Sarah tungkol sa kanila ng dati niyang onscreen partner at manliligaw na si Gerald Anderson.

Ngunit sa halip na sumagot ay tumawa lamang ang dalaga.

Tinanong din kung may pagkakataon pang magkaroon sila muli ng pelikula, pero sabi ni Sarah, “Wala pa po akong confirmation.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Katulad ng nauna niyang pahayag, nakiusap si Sarah na huwag na munang pag-usapan ang tungkol sa kanila ni Gerald.

“Puwede po bang huwag na muna nating pag-usapan ‘yan?

“Hindi ko na lang po muna masasagot.

“Basta okay naman po ang lahat. Basta okay ang lahat ayaw ko na munang pag-usapan muna.”



TEAMING UP WITH JOHN LLOYD AGAIN. Samantala, masaya naman si Sarah sa susunod na movie project na gagawin niya. Ito ay ang ikatlong pagsasama nila ni John Lloyd Cruz sa pelikula.

Nagkasama na sila noon sa A Very Special Love (2008) at You Changed My Life (2009).

Kuwento ni Sarah, “Nag-start kami mga April po yata ‘yon. Nag-stop lang po kasi nagka-The Mistress po si John Lloyd.

“Sobrang masaya. Sobrang masaya ako kasi, kumbaga, hindi naman kami madalas na nagkakatrabaho ni Lloydie.

“So, itong proyekto namin ulit, itong movie project namin, it’s a chance para ma-rekindle din ang friendship namin at saka mas maging kumportable din kami as co-actors.

“Excited kami sa magiging journey namin sa pelikula.”

May nabago ba kay John Lloyd sa muli nilang pagsasama?

“Basta ang nakikita ko lang sa kanya na mukha naman siyang masaya at saka guwapo!” sabi ni Sarah.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN