TAPE big boss Tony Tuviera announces Eat Bulaga! Indonesia is now the number one show in Indonesia

Ginawaran ng Galing Pinoy Franchise excellence award ang TAPE Inc. president and CEO na si Mr. Antonio “Tony” Tuviera dahil sa pagpo-produce ng programang Eat Bulaga!, na kauna-unahang local TV show na nagkaroon ng international franchise.


Pinarangalan ngayong araw, October 12, ang TAPE Inc. president and CEO na si Mr. Antonio “Tony” Tuviera ng Galing Pinoy Franchise excellence award.

Ito ay iginawad dahil sa kanyang pagpo-produce ng isang Filipino show na nagkaroon ng kauna-unahang franchise sa ibang bansa.

Ito ay ang longest-running noontime show na Eat Bulaga! na may franchise na sa Indonesia.

Ang parangal ay iginawad ng Association of Filipino Franchisers, Inc. (AFFI) sa World Trade Center.

Kasamang tumanggap ng award ni Mr. Tuviera ang vice president at COO ng TAPE na si Ms. Malou Choa-Fagar.

Sa ulat ng 24 Oras, ang primetime newscast ng GMA7, masayang sinariwa ni Mr. Tuviera kung paano naisakatuparan ang pagpa-franchise nila ng 33-year-old noontime show.

Kuwento ni Mr. Tuviera, “May tumawag sa amin at tinanong kung puwede daw kaming umupo [for a meeting], dahil interesado daw yung Indonesia.

“So, nagpunta sila dito at umupo kami at pinag-usapan namin.”

Proud ding ibinalita ni Mr. Tuviera na kahit halos tatlong buwan pa lang umeere ang Eat Bulaga! Indonesia ay nagustuhan na ito ng mga taga-roon at nag-number one na ito sa ratings.

Saad niya, “Right now, yung Eat Bulaga! Indonesia is number one already in Indonesia.

“Pati yung kanyang primetime show sa SCTV sa Indonesia ay tinalo na nung Eat Bulaga Indonesia.”

Ang SCTV o Surya Citra Televisi ay ang nangungunang TV station sa Indonesia at nag-franchise ng Eat Bulaga!.

Nagsimulang umere ang Eat Bulaga! Indonesia noong July 16, 2012 lamang.

Umaasa ang big boss ng TAPE na may susunod pang bansang mag-franchise ng Eat Bulaga!.

“Sinabi sa amin ng Indonesia na kung anuman ang nangyayari sa Indonesia, parang ang Malaysia ay nakabantay.

“Kaya siguro, kumbaga, nagdadasal kami talaga ngayon na sana sumunod ang Malaysia,” sabi ni Mr. Tuviera.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN