Isa sa naging kontrobersiyal na pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte sa kanyang press conference sa Davao City kahapon, May 31, ang tungkol sa mga pinaslang na mamamahayag.
Ayon kay Duterte, karamihan ng mga pinaslang na journalists dito sa Pilipinas ay corrupt o tumatanggap ng suhol mula sa mga personalidad ngunit binabatikos pa rin ang mga ito sa media.
“Karamihan 'yan, alam mo 'yan nabigyan na, especially if you want to take sides, nabayaran mo na tapos you play.
“'Yan ang karamihan ng namatay. Or tumatanggap na sa mga sugarol tapos bira pa rin,” pahayag ng incoming president nang tanungin tungkol sa magiging policy ng kanyang administrasyon sa media killings.
Sagot ni Duterte, “You really want the truth? Yun ang truth.”
Base sa ulat ng GMA News, ibinigay pang halimbawa ni Duterte ang kaso ng radio broadcaster mula sa Davao na si Jun Pala, isang kritiko ng outgoing Davao City mayor na pinaslang noong 2003.
Saad niya, “Ang example natin dito, kung tagarito ka man, si Pala.
“I don't want to demean his memory but he was a rotten son of a bitch.
“He deserved it. E, ganun, e.
“Of course I know who killed him. Kasi binastos niya yung tao, e.”
Ngunit idiniin ni Duterte na ang mga mamamahayag na hindi naman gumagawa ng kuwestiyonableng aktibidades ay hindi malalagay sa ganoong sitwasyon.
“Kasi kung journalist ka na tama, wala namang gagalaw sa iyo, especially if it is true.
“I mean, you cannot hide the truth, by the way.”
FREEDOM OF EXPRESSION. Sinabi rin ni Duterte na ang freedom of the press na nakasaad sa Konstitusyon ay hindi kayang protektahan ang mga taga-media mula sa karahasan.
“Iyong freedom of expression cannot help you if you have done something wrong to the guy.
“Do not believe it so much na you swallow it hook, line, and sinker.
“Alam mo na marami diyan, binabayaran, pati writers. Alam mo iyan.”
Dagdag niya, “Just because you are a journalist, you are not exempted from assassination if you are a son of a bitch.
“Freedom of expression won't save you.
“The Constitution cannot help you kapag binaboy mo ang isang tao.”
Ayon pa kay Duterte, ilalagay ng mga mamamahayag ang kanilang buhay sa alanganin kung sasalingin nila ang mga pribadong indibidwal.
Aniya, “Kaya namamatay. Karamihan niyan nabayaran na.
“They take sides o sobrahan nila ang atake, getting personal.
“Hindi lahat ng tao. Kaming mga pulitiko, okay iyan. Praktisado kami.
“Pero may mga tao, you go private, tapos iyong anak, babuyin mo, papatayin ka talaga.”
INVESTIGATION OF MEDIA KILLINGS. Ang pahayag na ito ni Duterte ay tila hindi akma sa naging pahayag ng kanyang transition spokesperson na si Peter Laviña isang araw bago ang press conference ng incoming president.
Ayon kay Laviña, inatasan siya ni Duterte na gumawa ng isang task force na mag-iimbestiga sa media killings.
Sinabi ito ni Laviña noong Lunes, May 30, sa burol ni Alex Balcoba, isang crime beat reporter na binaril noong Sabado, May 28.
Si Duterte raw ang nagpapunta sa kanya sa burol.
“Meron siyang gagawing task force, iimbestigahan lahat ng media killings,” sabi niya sa panayam ng ABS-CBN News.
Mag-a-appoint din daw si Duterte ng special prosecutor na pagtutuunan ng pansin ang paglilitis sa mga sangkot sa media killings.
Tiniyak din ni Laviña na ang administrasyong Duterte ay pangangalagaan ang karapatan ng mga mamahayag.
Pahayag niya, “Under the incoming administration of President Duterte, mabibigyan ng respeto ang press freedom, ang kalayaan ng mga mamahayag na gawin ang kanilang trabaho na walang hadlang o pananakot.”