Matt Evans’s live-in partner is the daughter of former bold star Coca Nicolas

Ang dating bold star na si Coca Nicolas ang ina ng magkapatid na Johnelline at Juan Alberto Hickins, na nagsampa ng reklamo laban sa young actor na si Matt Evans. Sinamahan ni Coca ang mga anak ng mahain ito ng demanda laban kay Matt.


Mga kaso ng physical injuries at Violence Against Women and Children o R.A. 9262 ang isinampa ng magkapatid na Johnelline Hickins at Juan Alberto Hickins Carlotta laban sa aktor na si Matt Evans.

Si Johnelline ang live-in partner ni Matt.

Hindi baguhan sa showbiz si Johnelline at ang kanyang kapatid dahil artista rin noon ang kanilang ina—ang dating bold star na si Coca Nicolas.

Nalaman ng publiko na ina nina Johnelline at Juan Alberto si Coca nang samahan nito ang mga anak sa pagsasampa ng reklamo laban kay Matt sa Pasig City Police.

Johnnalee Hickins ang tunay na pangalan ni Coca na kabilang sa "Softdrink Beauties" ng namayapang talent manager na si Rey dela Cruz.

"Softdrink Beauties" ang tawag kina Coca, Sarsi Emmanuel, at sa yumaong sexy star na si Pepsi Paloma dahil mula sa pangalan ng mga softdrink ang kanilang mga screen name.

Nakilala ang Softdrink Beauties noong dekada ’80 dahil sa bold films na pinagbidahan nila—ang Naked Island at Snake Sisters.

Hindi nagtagal ang mga showbiz career ng tatlo.

Nagpakamatay si Pepsi sa pamamagitan ng pagbibigti sa sarili noong 1985.

Nagtrabaho bilang takilyera sa isang perya sa Cavite si Sarsi.

At mahirap na ngayon ang pamumuhay ni Coca.

Ang life story ni Coca ang featured story ng Wish Ko Lang! ng GMA-7 noong September 2011 at ng Rated K ng ABS-CBN noong April 2012.

Inamin ng 43-year-old former sexy star sa mga panayam niya sa Rated K at Wish Ko Lang! na nalulong siya sa masamang bisyo, paggamit ng drugs, paninigarilyo, at pag-inom ng alak.

Nakapagpatayo si Coca ng bahay at napag-aral niya ang mga kamag-anak pero naubos ang lahat ng kanyang ipon at ari-arian dahil sa masasamang bisyo.

Nagkaroon ng sakit sa baga si Coca, na nagsisisi ngayon dahil hindi siya naging masinop sa pera.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN